Chapter LII: Being Spied On
Bukod kina Alejandro, Oyo, at Eduardo, mayroon pang ibang miyembro ng New Order ang nakasaksi sa pag-alis nina Finn. Karamihan sa mga ito ang mga bise kapitan at pangkaraniwang miyembro ng espesyal na dibisyon. Nanatili silang nakatanaw sa malayo at hindi nila sinubukan na lumapit dahil nangangamba silang baka makagambala lang sila. Hindi nila nais na magkaroon ng negatibong tingin sa kanila si Finn kaya kahit na gustong-gusto nilang lumapit para ipahayag ang kanilang kagustuhan na sumama, hindi nila ginawa.
Malinaw ang mensahe nito na pansamantala nilang lilisanin ang New Order's Sanctuary para sa personal na bagay. Isa pa, narinig nila kay Auberon na hindi na mababago ang isip nito at mas lalo lang silang mapapasama kung ipagpipilitan nila ang kanilang gusto.
Sa panig ng mga centaurion, walang mababakas na ekspresyon sa mukha ni Oglir habang nakatanaw siya sa direksyon kung saan lumipad sina Finn. At kahit na blangko ang kaniyang ekspresyon, kapansin-pansin pa rin ang matinding pagkadismaya sa kaniyang mga mata.
“Hanggang huli, hindi niya hiningi ang ating tulong. Ang isinama niya lang ay ang malalapit sa kaniya ganoon din ang taong nagngangalang Matt Marren. Kung sakaling makaharap nila ang mga ankur at nagkaroon ng labanan, siguradong mapapahamak sila dahil ang kanilang pangkat ay binubuo ng mahihinang adventurer,” mariing sambit ni Uzmir--ang kanang kamay ni Oglir.
“Nasaksihan natin ang kapabilidad niya. Hindi siya pangkaraniwan at malakas siya kumpara sa iba. Madiskarte rin siya, subalit ibang usapan na ang tungkol sa panghihimasok sa teritoryo ng mga ankur,” mahinahong hayag ni Oglir. Naging matalim ang kaniyang mga mata at mariin siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Ang lahing iyon ay matagal nang hindi nagpapakita sa mundo. Marahil ayaw nilang magambala at ang paghahanap ni Panginoong Finn sa kanila ay isang pagkakamali. Kapag hindi natuwa ang mga ankur, hindi malabong malagay sa alanganin si Panginoong Finn at ang kaniyang mga kasama.”
“Gumawa sana tayo ng paraan para samahan siya. Hindi siya maaaring mamatay dahil sa kaniya nakasalalay ang pagiging malaya natin sa mundong ito,” lahad ni Uzmir at sumimangot siya.
“Wala tayong pagpipilian kung hindi ang sumunod. Alam mo kung ano ang sinabi ng kaniyang heneral; hindi tayo maaaring magpumilit dahil mas lalo lang magiging komplikado ang sitwasyon. Ipinaalam niya sa atin ang dahilan kung bakit gustong gawin ni Panginoong Finn ang misyon na ito na siya lamang--itinuturing niya ang bagay na ito na personal na bagay at labas dito ang New Order--labas tayo rito,” hayag ni Oglir. “Marahil hindi talaga siya kagaya ng ibang pinuno. Iba ang tingin at desisyon niya sa mga bagay-bagay. Hindi niya tayo ginagamit para sa pansariling interes dahil ang gusto niya ay gamitin lang tayo sa mga bagay na pakikinabangan ng buong New Order. Nakatatawang isipin na ang laban natin ay laban niya, pero hindi lahat ng kaniyang laban ay laban natin. Talagang kakaiba siya sa lahat ng aking nakilala. Hindi lang mga kakayahan at pagkatao niya ang kakaiba, maging ang kaniyang personalidad ay kakaiba rin--hindi na nakapagtatakang maraming pambihirang adventurer ang tapat na naglilingkod sa kaniya,” dagdag niya.
Tiningnan ni Uzmir si Oglir. Umismid siya at malumanay na sinabing, “Sa madaling sabi, sinasabi mong hindi natin dapat pagsisihan ang panunumpa ng katapatan sa kaniya; bagkus, dapat tayong magmalaki dahil nakagawa tayo ng tamang desisyon.”
“Ganoon man, ano'ng gagawin natin sa oras na may mangyaring masama sa kaniya--sa oras na mamatay siya dahil sa mga ankur? Mananatili ba tayo rito bilang miyembro ng New Order?” Tanong niya pa.
Umiling si Oglir at sinabing, “Ang katapatan natin ay nasa kaniya lamang--wala sa puwersang ito. Oo, ginagawa natin ang ating responsibilidad bilang miyembro ng New Order, subalit wala tayong matibay na dahilan para manatili rito. Kung mamamatay siya, ang kasunduan ay mababalewala. Muling babalik ang restriksyon dahil hindi pa naman natin nililisan nang tuluyan ang mundong ito. Kapag namatay siya, titiwalag na tayo at manunumpa na pananatilihin natin ang mga sikreto ng New Order. Babalik na tayo sa ating teritoryo sa mundong ito at magpapatuloy na tayo sa ating nakagawiang buhay.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...