Chapter XXXIV: Undoing the Curse
Mabilis na nagbago ang ekspresyon ni Migassa dahil sa kaniyang mga narinig. Tila ba tinakasan siya ng sigla nang muli niyang marinig ang tungkol sa lalaking nakasuot ng puting maskara. Bumalik sa kaniya ang lahat dahil ipinaalala ni Finn sa kaniya ang napakapait niyang nakaraan. Napatungo na lang siya at kahit na isa lamang siyang kaluluwa, hindi niya mapigilan na makaramdam ng takot.
Ilang taon na ang nakalilipas magmula nang makalaya siya mula sa pagdurusa, subalit sariwa pa rin sa kaniya ang lahat dahil mahigit isanlibong taon siyang nagdusa dahil sa sumpa. Nakulong at pinaharapan ang kaluluwa niya sa sarili niyang katawan. Kinadena't pinosas siya at bukod pa roon, ginamit ng Soul Serpent Sect ang kaniyang dugo sa pagpapalakas.
Isa siyang divine beast, subalit wala siyang magawa noong mga panahon na iyon kung hindi ang magdusa at magsisi.
Samantala, hinayaan lang ni Finn ang pananahimik ni Migassa. Napagtanto niya na sagad sa kaluluwa ang takot na nararamdaman ni Migassa sa kaniyang ama. Isa na itong kaluluwa, subalit nakararamdam pa rin ito ng matinding takot.
Nanatili siyang pasensyado dahil naiintindihan niya na hindi madali para kay Migassa na alalahanin ang nakaraan.
Marahil nakagawa ito ng napakalaking pagkakamali na halos wala nang kapatawaran, ganoon man, napakatagal nitong nagdusa sa tipong mas masalimuot pa sa kamatayan ang naranasan nito.
Ang mahalaga kay Finn, ipinapakita ni Migassa na handa siyang magbago. Bumabawi ito sa mga pagkakamali niya at kahit na hindi na maibabalik ang buhay ng mga pinaslang niya, gumagawa pa rin ito ng kabutihan ngayon na makatutulong sa sanlibutan. Tumutulong ito sa pagsasanay ng mga miyembro ng New Order at kabilang ito sa gustong tumulong sa kaniya na mapuksa nang tuluyan ang mga diyablo.
Makaraan pa ang ilang sandali, nakabawi na si Migassa at inayos niya na ang kaniyang sarili. Nanatiling taimtim ang ekspresyon sa kaniyang mukha at ang kaniyang tingin ay nananatiling nasa damuhan.
“Matinding pagkabagot ang nagtulak sa akin para takasan ko ang aking mga magulang. Inip na inip ako sa aming angkan at masyadong magulo at mapanganib sa divine realm kaya naisipan kong magtungo sa lugar kung saan makapangyarihan ako. Ang tanging alam ko lang noon ay magliwaliw, at wala pa akong pakialam sa buhay ng iba dahil ang mahalaga lang sa akin ay ang aking ikasasaya,” pagsasalaysay ni Migassa. “Sa aking paglalakbay, narating ko ang isang upper realm na pinamamahalaan ng mga wingman... a-at alam mo na kung ano ang nangyari, Finn.”
Ikinuyom ni Migassa ang kaniyang mga kamao. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagsisisi. Napakagat pa siya sa kaniyang labi at sinabing, “Nakagawa ako ng napakalaking kasalanan... hindi ko dapat ginawa ang bagay na iyon. Sobra akong nagsisisi at alam ko... alam kong kahit ano pang pagsisisi ang gawin ko, hindi na maibabalik ang buhay ng milyon-milyong wingman na pinaslang ko.”
Walang balak si Finn na mag-usal ng mga salita na magpapagaan sa loob ni Migassa. Hinayaan niya lang ito dahil wala siyang plano na kunsintihin ang ginawa nitong masama kahit pa napakatagal na noon.
“Paano ka napunta sa ganiyang estado. Ano ang talagang ginawa mo para isumpa ka ng lalaking nakasuot ng puting maskara?” Taimtim na ekspresyong tanong ni Finn.
Takot ang nangibabaw kay Migassa. Tila ba nanginig ang kaniyang katawan dahil sa matinding takot na nararamdaman niya. Dahan-dahan siyang tumingin kay Finn, at nang magtama muli ang kanilang mga mata, muli niyang naimahe ang mga mata ng lalaking nakasuot ng puting maskara.
Pareho ng mga mata si Finn at ang lalaki. Parehong ginintuan ang mga mata ng mga ito.
“Pagkatapos ko sa aking walang pakundangang pagpaslang, nakita ko ang lalaking iyon sa mundo ng mga wingman. Payapa siyang natutulog at dahil sa kaniyang panlabas na hitsura, inakala kong pangkaraniwang tao lang siya kaya inatake ko siya para itulad sa mga wingman. Pero...” huminto siya sa pagsasalaysay. Mas tumindi ang kaniyang takot at panginginig. Pinilit niyang huminahon at nang medyo maayos na ulit siya, ipinagpatuloy niya na ang pagkukuwento, “Pero nabalewala ang aking atake. Hindi ko man lamang siya napuruhan at naging dahilan iyon para ako ay magalit.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...