Chapter XL

4.6K 959 65
                                    

Chapter XL: Secret of the Eighth Sealed Place

Bawat isa sa kanila ay sinusubukan na makaalis sa pabilog na liwanag na nagdudulot ng mabigat na grabidad, subalit kahit anong pilit nila, hindi sila makakilos. Masyadong biglaan ang mga pangyayari. Huli na nang mapagtanto ni Finn na ang kanilang sahig na tinatapakan ay isang formation. Isa itong formation na pinipigilan ang kanilang paggalaw--at isa itong mataas na uri ng formation. Nakakayanan nilang pigilan na idiin sila nito sa sahig, pero hanggang dito na lang talaga ang kanilang kaya dahil sa kasalukuyan, kahit pagsigaw ay hindi nila magawa.

Nahuli sila sa patibong. Ginawa na ni Finn ang makakaya niya para makasigurong ligtas ang loob ng templo. Una niyang ipinadala ang kaniyang mga manika, at nang walang nakita o naramdaman ang mga ito na panganin, sumunod na kaagad sila, subalit sa kabila nito, nahuli pa rin sila dahil naging aktibo lang ang patibong nang sila na ang tumapak dito.

Ibig sabihin, tanging may buhay lamang ang kailangan para mapagana ang formation. At dahil mga soul puppet sina Reden at Ysir, hindi sila ikinonsidera ng formation na biktima. Isa pa, walang kakayahan ang dalawa na pakiramdaman kung may formation sa paligid kaya hindi nila naalerto si Finn bago ito pumasok sa templo.

Hindi kalaunan, napansin na rin nina Ceerae, Auberon, Eon, at ng iba pa na kasalukuyang may nangyayaring kakaiba sa loob ng templo. Hindi na nagdalawang-isip pa si Eon. Kaagad siyang pumasok sa loob at iniwan niya sa labas ang iba.

Nabahala si Auberon sa nangyayari kaya agad niyang sinabihan ang mga namumuno sa labintatlong dibisyon na manatili muna sa kanilang kinatatayuan. Pagkatapos niyang magbaba ng utos, kaagad siyang pumasok sa loob ng templo habang sina Ceerae, Poll, at Meiyin ay agad na sumunod sa kaniya.

At nang makapasok sila sa templo, doon nila nasaksihan kung ano ang kasalukuyang nangyayari kina Finn, Reden, Ysir, at sa espesyal na dibisyon. Nabigla sina Poll, Meiyin, at Ceerae, at halata rin sa mukha ni Eon ang pagkagulat.

Nang makabawi si Eon, susugod na sana siya upang sumaklolo, pero napahinto siya nang marinig niya ang pagsigaw ni Ceerae.

“Tumigil ka! Huwag kang magpadalos-dalos sa iyong pagkilos kung ayaw mo silang makasama sa loob ng kakaibang formation na 'yan!” Sigaw ni Ceerae.

Nilingon siya ni Eon at galit na nagwika, “Ano'ng gusto mong gawin ko--ang tumunganga?! Kailangan ni Master ang aking tulong at kung hindi ko siya iaalis sa kasalukuyan niyang kinalalagyan, baka mapahamak siya!”

Sa nakikita niya, kailangan siya ni Finn kaya kailangan niyang kumilos. Hindi niya alam kung paano niya palalayain ito sa formation, pero handa siyang suungin ang formation para lang sa kaniyang master.

Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Ceerae sa galit ni Eon. Sa halip na makipagbangayan ay mas pinili niyang maging mahinahon. “Sige, pasukin mo ang formation na 'yan. Kung iyan ang gusto mo, hindi ka namin pipigilan. Pero, tandaan mong ang mga tauhan ni Finn na nasa Saint Rank ay wala ring magawa para makaalis sa formation na 'yan, ano pa kaya ikaw? Hindi sila makawala dahil may restriksyon na ibinibigay sa kanila ang formation. At sa tingin ko, ang restriksyon na iyon ay hindi nila magamit ang kanilang orihinal na lakas habang nasa loob sila niyan.”

Sa pagkakataong ito, naikuyom na ni Eon ang kaniyang kamao. Hindi na siya makasagot dahil ngayon niya lang napagtanto ang tungkol aa bagay na ito. Marahil kumpyansa siya sa kaniyang sarili, subalit alam niya rin ang sarili niyang kakayahan at limitasyon. Hindi pa siya ganoon kalakas at hinding-hindi niya pa maikukumpara ang kaniyang sarili sa isang Saint Rank dahil kumpara sa isang Saint Rank, napakahina niya pa.

Kung talagang susugod siya nang hindi nag-iisip, mapapabilang lang siya sa mahuhuli ng patibong na formation.

”Kung gano'n, ano'ng gagawin natin?” Balisang tanong ni Poll. “Kailangan ni Guro at ng iba pa ng tulong. Hindi naman puwedeng manood na lang tayo habang sinusubukan ng formation na 'yan na idikit sila sa sahig,” dagdag niya pa.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon