Chapter XXXIII: The Pursuit of Redemption
Bakas na bakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa mukha nina Ursur na para bang nakasaksi sila ng isang kaganapan na imposibleng mangyari. Napaawang ang mga bibig nila habang ang kanilang mga mata ay halos lumuwa na. Magkakasunod silang bumaling kay Finn at makikita sa kanilang mga mata ang pagtatanong.
Isang hindi nila matukoy na salamin ang lumitaw sa kanilang harapan at bigla na lang itong nagbukas ng animo'y isang lagusan. Hindi nila lubusang maintindihan ang nangyayari at hindi nila ito maproseso sa kanilang utak dahil gulat na gulat pa rin sila.
“Ang salamin na 'yan...” pabulong na sambit ni Ursur at muli niyang tinitigan ang salamin sa kanilang harapan.
“Ito ang Myriad World Mirror--isang divine artifact at ang tinutukoy kong aking mundo,” walang pag-aalinlangang tugon ni Finn. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Kung nagtataka kayo, sa mundo sa loob ng salamin na ito napunta ang lahat ng naninirahan sa Ancestral Continent. Nangyari iyon nang hindi ko nalalaman at natuklasan ko lang ang totoo matapos kong mapaslang si Jero Siporko.”
“At kung naalala mo, Ursur, dito sa mundong ito ko ipinasok si Horona upang magkasama silang muli ng kaniyang anak.”
Mas lalong bumakas ang pagkagulat sa ekspresyon nina Ursur nang marinig nila ang naging tugon ni Finn. Napatulala na lang sila sa Myriad World Mirror dahil hindi nila akalain na darating ang pagkakataon na makakakita sila ng isang divine artifact. At hindi lang iyon dahil ang divine artifact na kanilang malayang napagmamasdan ngayon ay ang divine artifact pala na pinamalagian ng mga naninirahan sa Ancestral Continent.
Ngayon, nagkaroon na sila ng kaunting ideya kung paano nakaligtas ang mga naninirahan sa Ancestral Continent.
Sa kabila nito, mas tumuon ang kanilang atensyon sa sinasabing divine artifact ni Finn. Oo, wala silang kaalam-alam sa divine artifact noong nasa Planetang Accra pa lang sila. Hindi nila alam ang pag-iral ng mga katangi-tanging bagay na katulad nito dahil ang mga impormasyon sa isang lower realm ay limitado lamang. Ganoon man, nang makapaglakbay sila sa iba't ibang mundo, doon na nila nalaman ang pag-iral ng mga katangi-tanging divine artifact.
Nagkaroon sila ng limitadong impormasyon tungkol dito at nalaman nila kung ano ang kakayahan ng ilan dito.
Pero, ang divine artifact sa kanilang harapan... wala silang katiting na impormasyon tungkol dito. Kahit kailan ay hindi nakarinig si Ursur at ang mga miyembro ng Dark Crow na mayroong divine artifact na may anyong salamin.
Dahil dito, nakaramdam sila ng pagdududa kung talaga ngang divine artifact ang salamin na ito.
“Matapos kaming makaalis sa lugar na aming pinagsanayan nang mahabang panahon, naglakbay muna kami sa iba't ibang mundo para mahanap kung nasaan ang Soul-eater Realm...” mahinang hayag ni Gris habang nakatitig siya sa Myriad World Mirror. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “At sa aming paglalakbay, nalaman namin ang pag-iral ng mga kayamanan na tinatawag na divine artifact--mga kayamanang sinasabing may katangi-tanging kakayahan. Napag-alaman namin na mayroong limang divine artifact sa ating mundo... at sa pagkakaalam ko, sa limang divine artifact na iyon ay walang may anyong salamin.”
Nanatili ang seryosong ekspresyon ni Finn sa kaniyang mukha. Binigyan niya ng makahulugang tingin si Gris at marahan niyang sinabing, “Iyan ang alam ninyo, pero hindi ibig sabihin ay hanggang diyan lang ang katotohanan.”
Bahagya siyang ngumiti at nagpatuloy sa pagsasalita, “Lima ang divine artifact na mayroon sa ating mundo--ito ang impormasyon na alam ng nakararami. Subalit, paano kung mayroon pang ibang divine artifact na hindi pa lumalantad dahil maayos ang pagkakakubli sa mga ito? Kagaya na lang ng nasa inyong harapan... ang aking Myriad World Mirror,” dagdag niya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...