Chapter LIV: Strange Stares
“May mga bagay na wala kayong karapatang malaman,” marahas na tugon ni Khais habang pinupunasan ang dugong tumutulo sa gilid ng kaniyang mga labi.
Dumating na rin doon si Dionne at ang una nitong ginawa ay ang pag-unat ng kaniyang kamay. Pinakikiramdaman niya ang harang na hindi nakikita at nang makapa niya ito, agad na bumakas ang taimtim na ekspresyon sa kaniyang mukha.
Tumingin siya kay Finn at malumanay na sinabing, “Umalis na kayo rito. Huwag na huwag n'yo ring ipapaalam sa iba kung ano man ang nakita at nalaman ninyo tungkol dito. Gusto namin ng katahimikan at kapayapaan--hindi ng gulo. Kapag pinilit n'yo kami, wala kaming magagawa kung hindi ibigay ang gulo na gusto ninyo.”
“Huwag n'yo nang gambalain ang aming pananahimik dahil hindi namin ginagambala ang inyong pakikipagsapalaran sa mundong ito,” dagdag niya.
Sa kabilang banda, nagngitngit ang mga ngipin ni Khais. Ang matinding galit ay mararamdaman sa aura na inilalabas ng kaniyang katawan. At nang maramdaman ni Finn ang aura nito, doon niya nakumpirma na sina Khais at Dionne ay nasa Demigod Rank. Kapareho ng kanilang aura ang aura ni Firuzeh ganoon din ng mga Creation Warden sa Creation Palace.
Napahinga na lang nang malalim si Finn. Ngayon niya nakumpirma na talaga ngang makapangyarihan ang mga ankur. Dalawang Demigod Rank ang lumitaw para sila ay hulihin sa kanilang panghihimasok. Doon niya rin napagtanto na seryoso-seryoso ang mga ito na itago mula sa lahat ang kanilang pinaglulunggaan.
Sa kasalukuyan, napakatalim ng tingin ni Khais kay Finn, at kung nakamamatay lang ang tingin, siguradong kanina pa malamig na bangkay si Finn. Sa pangyayaring ito, naiintindihan ni Finn kung bakit sobrang laki ng galit sa kanila nito. Ramdam na ramdam niya ang matinding kagustuhan nito na pumaslang, pero tila ba may pumipigil din dito kaya hindi nito maituloy ang gusto niya.
Kung gugustuhin ni Khais, alam ni Finn na kanina pa sana sila malamig na bangkay. Sa totoo lang ay hindi na kailangan ng mga ito na sila ay hulihin nang buhay, pero dahil din sa ginawang ito nina Khais at Dionne, kinutuban si Finn na ang mga ankur ay hindi masasamang nilalang.
Hindi niya pa ito kumpirmado, pero malakas ang pakiramdam niya na kaya sila gustong hulihin nang buhay ng dalawa ay dahil gusto ng mga ito na bigyan sila ng pagkakataon.
‘Halatang wala pa silang alam tungkol sa kasalukuyang nangyayari sa Land of Origins. Kung alam nila ang totoo kong pagkatao, hindi sana nila ako tatawagin bilang Finn Doria, kung hindi, Finn Silva. Talagang pinutol na nila ang kanilang koneksyon sa mundo... Dahil dito, mas mahihirapan akong ipaliwanag sa kanila na hindi masama ang aking intensyon,’ sa isip ni Finn.
Patuloy siya sa pag-iisip ng paraan kung paano niya mapakikiusapan ang mga ankur, at ilang sandali pa, nagliwanag ang kaniyang ekspresyon dahil mayroon siyang naisip na isang paraan kung paano niya mapatutunayan na hindi sila kalaban.
Kaagad siyang naglabas ng mga barya. Pinalutang niya ang mga ito sa kaniyang harapan, at sa paglitaw ng mga barya, parehong natigilan sina Khais at Dionne. Ganoon man, agad na nakabawi ang dalawa at pareho silang napakanuot ng noo habang nakatingin kay Finn.
Inilahad ni Finn ang kaniyang kamay sa mga baryang lumulutang sa kaniyang harapan at seryoso siyang nagwika, “Ito ang mga palatandaan ng pakikipagkaibigan na nakolekta namin sa aming pananatili sa mundong ito. Kabilang sa mga palatandaang ito ang palatandaan ng pakikipagkaibigan ng mga arkous, Creation Palace, Warwolf Clan, ng Arcane Knights, silenus, centaurions, at ng iba pang indibidwal at puwersa na mula sa mundong ito. Naniniwala sila sa aming adhikain at kaibigan ang turing nila sa amin kaya sana ay maniwala kayo na hindi gulo ang hangad namin.”
Bukod sa palatandaang ibinigay sa kaniya ng mga arkous, ng pamunuan ng Creation Palace at Warwolf Clan, ibinigay na rin sa kaniya ng mga silenus, centaurions, at ng grupong Arcane Knights ang kanilang palatandaan. Bukod pa roon, nagkaroon din ang New Order ng mga panauhin na naninirahan sa mundong ito. Nakipagtransaksyon ang mga ito tungkol sa kanilang mga produkto, at kahit na hindi sumumpa ng katapatan ang mga ito kay Finn, nag-iwan sila ng palatandaan bilang tanda ng kanilang pakikipagkaibigan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...