Chapter XLIII

4.6K 983 82
                                    

Chapter XLIII: An Astonishing Sight

Patuloy si Finn sa pagbibigay ng mga instruksyon sa mga formation master. Siya ang gumagabay sa mga ito kung anu-ano ang mga simbolo na kailangang burahin. Hindi ganoon kadali ang pagbura sa mga simbolo dahil bawat pundasyon ay iba-iba ang simbolo na kailangang burahin. Ganoon man, dahil sa pasensyadong paggabay ni Finn, nagiging madali ang trabaho ng mga ito at higit pa roon, nasisiyahan ang mga ito sa kanilang ginagawa.

Habang ang mga formation master ay abala, ang mga miyembro ng ibang dibisyon kabilang na sina Eon, Meiyin, Poll, at Eon ay tahimik lang. Alerto sila sa maaaring mangyari, pero hindi sila gumagawa ng kahit anong ingay dahil nangangamba sila na baka maabala nila ang mga ito.

Pasensyado silang naghintay na makatapos ang mga formation master. Nasa huling yugto na sila ng misyon at kailangan na lang nilang masiguro na walang panganib dito at kapag nakalabas sila ng buhay mula sa kuwebang ito, ibig sabihin ay matagumpay sila sa kanilang misyon at masisiguro na nila na ang kanilang ginawang teritoryo sa mundong ito ay ligtas.

Hindi man ito ang kanilang magiging permanenteng teritoryo dahil hindi kalaunan ay kakailangan nilang lumisan para magtungo sa divine realm, mas mabuti nang masiguro nila na ligtas ang pananatili nila rito. Isa pa, umaasa ang karamihan sa kanila na kayamanan ang nakakubli sa huling selyadong lugar at hindi mga patibong. Marahil naging masuwerte na sila sa ikawalong selyadong lugar, subalit umaasa pa rin sila na mas susuwertehin sila sa huling selyadong lugar na kanilang papasukin ngayon.

Samantala, tumagal pa ang ginagawang pagbura nina Ceerae sa simbolong nakalagay sa mga pundasyon ng formation. Mayroong napansin si Finn at napabuntong-hininga na lang siya dahil alam niya na aabot sila sa puntong ito.

‘Sa huli, mga formation ancestor pa rin sila... Hindi nila kayang ipawalang-bisa ang huling Saint Barrier Formation. Hindi nila kayang tapusin dahil mabilis silang napapagod sa ginagawa nilang pagbura sa mga simbolo,’ sa isip niya. ‘Ganoon man, sapat na ang binura nilang mga simbolo. Hindi man nila natapos, mayroon naman akong nakahandang plano para dito.’

Pinasadahan niya ng tingin ang mga formation master at malumanay niyang sinabing, “Tama na muna 'yan. Hindi na kayang magpatuloy pa ng iba sa inyo dahil pagod na sila. Ipaubaya n'yo na sa espesyal na dibisyon ang pagtapos sa sinimulan ninyo.”

Nagulantang sina Augustus at ang mga formation master dahil sa sinabi ni Finn. Napayuko na lang ang iba dahil alam nila sa sarili nila na sila ang tinutukoy nito. Pagod na pagod na sila at malapit na nilang maabot ang kanilang limitasyon, at totoong hindi na nila kayang magpatuloy kaya kailangang-kailangan nilang magpahinga.

Tungkol kay Ceerae, hindi pa siya pagod. Kaya niya pang magpatuloy, pero nang tingnan niya ang mga kasama niyang formation master at nang makita niyang pagod na ang mga ito, napagtanto niyang hindi nila matatapos ang kanilang sinimulan. Hindi pa siya pagod, subalit imposibleng matapos niya ang pagbura sa mga simbolo nang siya lamang.

Sa totoo lang, manghang-mangha na siya sa mga ikasampung dibisyon dahil umabot ang mga ito sa puntong ito. Kahit na formation ancestor lang ang mga ito, nakaya ng mga ito na makatagal--patunay na hindi lang sila mga pangkaraniwang formation ancestor.

Dahil sa utos ni Finn, umatras na ang ikasampung dibisyon ganoon din si Ceerae. Napaupo na lang ang ibang formation master dahil sa sobrang pagod. Kanina pa nila pinipigilan na bumagsak dahil nahihiya sila sa kanilang pinuno. Malaki ang tiwala nito sa kanila, sila ang inaasahan nito, pero sa huli, hindi sila nagtagumpay sa pagpapawalang-bisa sa Saint Barrier Formation.

Matapos ibigay ang hudyat sa malalakas na miyembro ng espesyal na dibisyon, sinenyasan ni Finn ang iba na umatras upang hindi sila madamay at maabot ng mararahas na puwersa.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon