Chapter XXIX

4.8K 925 52
                                    

Chapter XXIX: Meeting of the Higher-ups (Part 1)

Matiwasay na nagpatuloy ang seremonya ng panunumpa ng katapatan ng mga silenus, centaurion, at ng grupong Arcane Knights kay Finn. At habang nasasaksihan ni Belian at ng mga miyembro ng ikalawang dibisyon ang nagaganap na seremonya, hindi nila mapigilang mapahinga ng malalim dahil manghang-mangha sila sa koneksyong nabubuo sa pagitan ng kanilang pinuno at ng mga nilalang na naninirahan sa Land of Origins.

Nahiwagaan sila sa liwanag na lumitaw sa paanan ng mga ito, at hindi nila mapigilan na makaramdam ng paghanga dahil sa mga linyang kumukonekta sa mga silenus, centaurion, at sa grupo ng Arcane Knights kay Finn.

Samantala, makaraan ang ilang saglit, ang seremonya ay tuluyan nang natapos. Opisyal nang naging bahagi ng mga tauhan ni Finn ang pitong daan at walumpu't pitong nilalang na naninirahan sa Land of Origins. Bukod sa mga warwolf, nadagdagan pa ngayon ang kaniyang malalakas na tauhan na maaari niyang mapakinabangan sa kanilang isasagawang pakikipagsapalaran sa mundong ito.

Apat na Saint Rank at humigit-kumulang na isandaang Immortal Rank ang nadagdag sa kanilang puwersa. Nariyan pa ang matataas na antas ng Heavenly Supreme Rank na bumibilang ng daan-daan.

Marahil hindi pa malakas ang kanilang hukbo sa divine realm, subalit sa mundong ito, ang New Order na ang hihiranging pinakamalakas na hukbo ng tagalabas. Walang makatatapat sa kanila dahil sa mga nadagdag niyang tauhan, ganoon man, hindi pa rin ibig sabihin nito ay makakampante na siya at iisipin niya nang sila na ang pinakamalakas sa mundong ito.

Nariyan pa ang ibang puwersa na naninirahan sa Land of Origins. Marami pang Saint Rank sa mundong ito at hindi nakukulangan dito ng mga Demigod Rank. Kung magiging kampante siya masyado at babanggain nila ang kung sinu-sino, malaki ang posibilidad na mapahamak sila at malagay sa alanganin dahil sa kanilang pagpapabaya.

Kaya kahit na mayroon nang malakas na hukbo si Finn, paiiralin niya pa rin ang ibayong pag-iingat at hindi siya hihinto sa pagpapalakas at pagpapaunlad sa New Order. Bahagi pa lang ito ng kanilang paglakas. Malayo pa sila sa pagsasakatuparan ng kanilang mga layunin dahil kailangan pa nilang paunlarin ang kanilang mga sarili para sa ikauunlad din ng kanilang puwersa.

--

“Gagabayan kayo nina Bise Kapitan Belian patungo sa ikasampung dibisyon para pormal na kayong maging bahagi ng New Order. Kailangan n'yo munang maging miyembro ng aking pinamumunuang puwersa, at pagkatapos ninyong maging opisyal na miyembro, kayong tatlo--Vord, Oglir, at Ceemara ay kailangang sumama kay Belian patungo sa silid-pagpupulong dahil nagpatawag ako ng pagpupulong para sa mga may matataas na posisyon sa New Order,” paliwanag ni Finn sa tatlo. “Doon ko na kayo hihintayin at doon ko na rin sasabihin sa inyo kung ano ang inyong magiging posisyon sa New Order,” dagdag niya habang seryosong nakatingin kina Vord, Oglir, at Ceemara.

Hindi nagkaroon ng pagbabago sa ekspresyon ni Oglir. Seryoso lang siya magmula pa kanina, ganoon man, sa ngayon ay mababakasan na ng pag-aalinlangan ang kaniyang mga mata at tila ba nagtatanong siya matapos niyang marinig ang pahayag ni Finn.

“Pagpupulong? Tungkol saan, Pinunong Finn?” Tanong ni Oglir. Taimtim niyang tiningnan sa mga mata si Finn at nagpatuloy siya sa pagtatanong, “Mayroon bang problema ang iyong puwersa na dapat naming malaman?”

Ito ang agad na pumasok sa isip niya matapos niyang malaman na may pagpupulong na magaganap sa pagitan ng matataas na miyembro ng New Order. Kasasali pa lang nila, subalit ganito kaagad ang mangyayari kaya hindi niya mapigilan na mapaisip.

Likas na sa mga centaurion ang pagiging direkta sa punto. Hindi sila paligoy-ligoy at agad nilang inihahayag ang kanilang saloobin o katanungan. Ganoon man, ang maganda nilang katangian ay hindi sila padalos-dalos at sa karaniwang pagkakataon, hindi umiinit kaagad ang kanilang ulo hindi kagaya ng mga silenus.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon