Chapter LXXXIII

5K 880 60
                                    

Chapter LXXXIII: Getting Ready for a Massacre (Part 2)

Patuloy sa mabilis na paglalakbay sa himpapawid ang siyam na airship ng New Order. Ang sagisag ng kanilang puwersa, ganoon din ang sagisag ng dibisyon na kanilang kinabibilangan ay nakalagay sa airship na kanilang sinasakyan. Ang pinakamalaking airship ay pag-aari ng unang dibisyon. Dahil sila ang pinakamalalaki at sila ang may pinakamaraming bilang, kailangan ay malaki rin ang kanilang sinasakyan. Halos dalawampung libo ang mga higante, pero ang kasama lang ngayon ay nasa mahigit labing limang libo dahil ang iba ay naninirahan sa loob ng Myriad World Mirror. Sila ang mga batang higante na hindi pa kayang lumaban at babago pa lang nagsasanay bilang adventurer.

Ang New Order ay naglalakbay sa pinakamabilis na paraan at walang pakialam si Finn kung agaw-atensyon man ang kanilang ginagawa ngayon. Hindi siya natatakot na baka makuha nila ang atensyon ng iba dahil kasama niya ang mga mandirigma ng New Order. Kahit na mayroon mang humadlang sa kanilang paglalakbay, madali niyang mauutusan ang bawat dibisyon na atakihin ang kung sinoman magbabalak na pigilan sila.

Hindi niya na kailangang maging maingat sa paglalakbay hindi kagaya noong una niyang pagpunta sa teritoryo ng Darkeous Clan. At dahil hindi na siya nangangamba sa atensyon na maaari nilang makuha, mas mabilis na silang makararating sa kinaroroonan ni Raseous at ng Darkeous Clan.

Wala rin siyang takot ngayon dahil malawak na ang koneksyon niya sa mundo ng pinagmulan. Kaibigan niya ang mga arkous ganoon din ang Creation Palace at Warwolf Clan. Nanumpa sa kaniya ng katapatan ang mga centaurions, silenus, at ang grupo ng Arcane Knights kaya ang kanilang puwersa ay maituturing na isa sa mga pinakamalakas. Katatakutan sila ng mga tagalabas habang sa kanila mag-iingat ang mga naninirahan sa mundong ito.

Bukod pa roon, maaari niyang gamitin ang palatandaan ng pakikipagkaibigan niya sa mga ankur kung kinakailangan. Kapaki-pakibang ito sa mga water celestial kaya hindi malabong mapakikinabangan niya rin ito sa iba pang naninirahan sa mundong ito.

Samantala, sa airship ng espesyal na dibisyon, hindi nag-abala si Finn na pumasok sa loob; bagkus, nanatili siya sa labas kaya sinamahan siya ni Auberon.

Hindi niya inatasan ang dalawang miyembro ng ikalawang dibisyon na pumasok sa loob ng airship dahil mayroon pa siyang kailangan kay Saksha. Hindi niya pa alam ang detalyadong impormasyon ng pakikialam ni Brien at Musikeros sa pagsalakay ng Darkeous Clan kay Azur at sa mga miyembro ng ikapitong dibisyon kaya gusto niya munang maunawaan kung ano ang maaari nilang kaharapin kapag nagsimula na ang sagupaan. Si Saksha lang ang maaaring makasagot sa mga tanong niya dahil ito lang ang nakasaksi sa nangyari sa Darkeous Clan.

Pumihit si Finn at humakbang siya papalapit sa kinaroroonan ni Saksha at ng dalawang miyembro ng ikalawang dibisyon. Nakipagharapan siya kay Saksha at habang lumalapit siya rito, pansin niya na unti-unting bumabakas ang naguguluhang ekspresyon sa mukha nito.

“Bukod kay Vasiara, sino pa ang nakita mo sa teritoryo ng Darkeous Clan? Sino pa ang kasama niyang makipag-usap kay Raseous?” Tanong ni Finn.

Matapos makapagtanong ni Finn, agad na umarko ang labi ni Saksha. Binigyan niya ng makapad na ngiti at makahulugang tingin si Finn at mapaglarong sinabing, “Akala ko ay hindi mo na lilinawin ang tungkol sa bagay na iyan. Nagkamali ako sa aking husga na mapagmalaki ka kaya hindi mo na inaalam ang iba pang impormasyon tungkol sa iyong mga kakalabanin. Gayunman, mukhang nag-iingat ka rin at binibigyan mo ng importansya si Vasiara at ang panginoong pinaglilingkuran niya.”

Hinihintay niyang itanong ni Finn ang tungkol sa bagay na ito, subalit natapos ang kanilang pag-uusap sa santuwaryo nang hindi nililinaw ni Finn kung gaano kalakas si Vasiara at ang mga kasama nito.

Sa kabilang banda, umismid si Finn at marahang tumugon, “Oo, malaki ang importansyang ibinibigay ko kay Brien dahil isa siya sa mga kailangan kong mapaslang. Prayoridad kong mawakasan ang kaniyang buhay dahil malaking balakid siya sa akin sa hinaharap. Ngayon...”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon