Chapter XLIX

5.1K 903 46
                                    

Chapter XLIX: Personal Matters

Inakala ni Matt na magtatanong agad si Finn tungkol sa mga ankur, subalit lumipas ang mga sandali, pero napansin niyang malalim itong nag-iisip. Handa na sana siyang ipaliwanag dito kung ano ang kanilang mga nalaman sa isinagawa nilang paglalakbay, subalit hindi niya naituloy ang kaniyang balak dahil hindi niya alam kung ayos lang ba itong gambalain sa malalim nitong pag-iisip.

Dahil dito, hindi niya mapigilan na mapatanong sa kaniyang sarili kung ano ang kasalukuyang tumatakbo sa isipan ng kanilang pinuno.

Lumipas pa ang ilang saglit at hindi na nakayanan pa ni Matt na manahimik. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at naglakas siya ng loob na umimik. “Pinunong Finn..? Mayroon bang problema? Kung iniisip mo kung anong klaseng nilalang ang mga ankur, mayroon akong kaunting alam tungkol sa kanila. May ilan kaming nalaman tungkol sa kanila at sinasabing sa kasalukuyan, sila lang sa mundong ito ang may kakayahang magtaglay ng Fruit of Life,” aniya.

Itinigil na ni Finn ang malalim na pag-iisip. Muli niyang pinagtuunan ng pansin si Matt at sinabing, “Ano'ng nalaman n'yo? Tungkol ba iyon sa pagkakaroon ng kaugnayan ng mga ankur sa isang diyos--sa Life God?”

Nabigla si Matt. Bumakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kaniyang mukha at hindi niya mapigilan na mapabulalas.

“P-Paano mo nalaman iyon, Pinunong Finn..? Halos pumasok kami sa butas ng karayom para lang sabihin sa amin ng matandang babae ang tungkol sa mga ankur. Napakarami niyang ipinagawa sa amin at ang kapalit noon ay ang pagsasabi niya ng tungkol sa mga ankur at kung saan maaaring matagpuan ang mga ito,” bulalas ni Matt.

Napataas ang kilay ni Finn. Kanina pa binabanggit ni Matt ang tungkol sa matandang babae at ngayon, nahihiwagaan na siya rito dahil alam nito ang tungkol sa mga ankur at higit sa lahat, ang posibleng kinaroroonan ng mga ito.

Kahit ang Creation Palace at Warwolf Clan ay hindi alam kung umiiral pa ba ang mga ankur. Ang dalawang puwersa na ito ay maimpluwensiya at may koneksyon, pero ang matandang babae... alam nito ang mga impormasyong hindi alam ng iba.

“Sa susunod ko na ipapaliwanag kung saan ko nalaman ang tungkol sa mga ankur. Sa ngayon, sino ang matandang babae na nagbigay sa inyo ng mga impormasyon? Paano niya nalaman ang tungkol sa kinaroroonan ng mga ankur?” Tanong ni Finn habang nakatingin sa kawalan.

“Hindi rin namin alam, Pinunong Finn... May anyo siya ng tao, pero hindi namin nalaman ang iba pang tungkol sa kaniya. Ang tanging alam lang namin, hindi siya pangkaraniwan lang dahil kahit ano'ng gawin namin, hindi namin maramdaman ang hangganan ng kaniyang lakas,” tugon ni Matt.

Natahimik si Finn, pero makaraan lang ang ilang sandali, bahagya siyang tumango at malumanay na nagwika, “Kung hindi n'yo maramdaman ang hangganan ng kaniyang lakas, ibig sabihin lang noon ay higit siyang mas makapangyarihan kaysa sa inyo.”

“Kung magkakaroon ng pagkakataon, gusto ko siyang makilala. Kung alam niya ang pag-iral ng mga ankur, siguradong marami pa siyang alam na impormasyon sa mundong ito na hindi alam ng iba,” aniya.

Napangiwi si Matt at pabulong siyang nagsalita, “Hindi magandang desisyon na makipag-usap sa matandang iyon, pero...”

Huminto siya sa pagsasalita. Pinagmasdan niyang mabuti si Finn at malumanay siyang nagwika, “Dahil ikaw 'yan, siguradong madali mo lang na mapapabilib ang matandang iyon, Pinunong Finn.”

Ngumiti na lang si Finn dahil hindi niya pa alam kung ano nga bang klaseng nilalang ang matandang babae na sinasabi ni Matt. Ang tanging nasa isip niya lang sa ngayon ay gusto niyang makilala ang matanda at nais niyang magkaroon ng koneksyon dito. Isa itong magandang balita para sa kanila dahil nakahanap sila ng nilalang na nakakaalam sa mga impormasyon na hindi alam ng iba. Kung makakasundo niya ang matandang tinutukoy ni Matt, ang una niyang gagawin ay ang pag-alam sa mga nalalaman nito para mas magkaroon pa siya ng malawak na pagkakaunawa sa Land of Origins.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon