Chapter XC: The Forsakens
Pinilit ng miyembro ng Develdion Realm na tumayo sa kabila ng kaniyang matinding panghihina. Duguan na ang buo niyang katawan. Hindi niya na rin maimulat ang kaniyang isang mata at kapansin-pansin na isang braso na lang ang natitira sa kaniya. Kaya kung titingnan, kalunos-lunos ang kaniyang sinapit at kaawa-awa ang kaniyang sitwasyon. Siya na lang din ang natitirang mandirigma sa panig ng Darkeous Clan dahil lahat ng kaniyang mga kasama sa panig ni Raseous ay patay na. Ngayon, pinalilibutan siya ng mga miyembro ng New Order at handa na ang mga ito na paslangin siya.
Alam niyang katapusan niya na. Dito na magwawakas ang kaniyang buhay bilang adventurer. Malinaw rin sa kaniya na ang lahat ng kaniyang pagpupumiglas ay wala nang saysay. Wala nang magagawa ang patuloy niyang paglaban, subalit malaki ang pagpapahalaga niya sa kaniyang dignidad. Ayaw niyang sumuko at hintayin na lang ang kaniyang kamatayan dahil ang gusto niya, mamatay siyang marangal at lumalaban.
Ibinuhos niya ang lahat ng natitira niyang lakas para tumayo. Buong lakas siyang sumigaw at sumugod siya sa pinakamalapit na miyembro ng New Order. Mahigpit niya ring ikinuyom ang kaniyang kamao. Handa na siyang atakihin ito, subalit bago pa man siya makalapit dito, mayroong dalawang miyembro ng New Order ang sumugod sa kaniya at hiniwa ang katawan niya gamit ang kanilang espada.
Napaluhod na lang siya sa lupa. Tuluyan na siyang bumagsak at hindi kalaunan ay binawian na siya ng buhay. Isa na lang siya ngayon sa napakaraming malamig na bangkay na nagkalat sa paligid. Sa huling sandali niya, hindi niya tanggap ang kaniyang pagkamatay, subalit wala siyang pagpipilian dahil lumaban man siya o sumuko, papatayin pa rin siya dahil mas pinili niyang lumaban para kay Raseous at sa Darkeous Clan.
Samantala, pagkatapos mamatay ng huling kalaban, agad na umalingawngaw ang mahinahon, subalit malakas na boses ni Auberon sa paligid.
“Tapos na ang madugong digmaan. Ubos na ang mga kalaban, subalit hindi pa tapos ang ating trabaho sa lugar na ito dahil marami pa tayong lilinising kalat dito,” panimula ni Auberon. “Hindi natin maaaring iwanan na ganito ang lugar na ito. Maraming bangkay na mula sa panig ng Darkeous Clan ang nagkalat at sa ating puwersa, ang mga bangkay na ito ay kayamanan dahil hindi lang tayo puwersa ng mga mandirigma--puwersa rin tayo ng mga propesyonal. Mapakikinabangan ng ating mga propesyonal ang iba't ibang bahagi ng katawan ng mga bangkay habang kailangang-kailangan ng mga soul puppet master ng death energy para sa kanilang mga soul puppet.”
Kapag ang isang adventurer ay nakaabot sa mataas na antas at ranggo, ang kanilang dugo o mga bahagi ng katawan ay maaaring gamitin sa alchemy, pagpapanday, paggawa ng inscription, o pagbuo ng formation. Ito ay pangkaraniwang kaalaman na lamang sa mundo ng mga adventurer dahil sa paglakas ng isang nilalang, sa pagtaas ng kalidad ng kaniyang katawan.
Bukod pa roon, puntirya ng mga soul puppet master ang mga katawan na kompleto pa dahil maaari nilang gawing soul puppet ang mga iyon. Kayang-kaya na nilang kumontrol ng maraming soul puppet ngayon dahil sa ibinahaging technique sa kanila ni Finn. Hindi na rin nila kailangang personal na kontrolin ang mga ito dahil ang kailangan niya lang ay utusan ang mga soul puppet para sumunod sa kanila ang mga ito.
Higit pa roon, may sariling enerhiya ang mga soul puppet na nabuo sa pamamagitan ng Ancient Soul Puppet Technique. Hindi kailangan ng mga ito na umasa sa kanilang soul puppet master dahil nagtataglay sila ng sarili nilang enerhiya.
“Kaya ngayon din mismo, inuutusan ko ang lahat ng may kakayahan pang kumilos na likumin ang mga bangkay sa paligid at ibunton na para bang mga burol. Alisin at ipunin n'yo rin ang lahat ng kayamanan na nagkalat sa paligid o nasa katawan ng mga bangkay. Tandaan ninyong hindi n'yo kailangang sarilihin ang mga kayamanan dahil alam n'yo naman na ang New Order ay hindi maramot sa mga miyembro lalo na kung tungkol sa kayamanan. Lahat kayo ay mabibigyan ng pabuyang nararapat sa inyo,” aniya pa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...