Chapter XCII: Unintentionally Saved
Lumaki ang simangot ni Hogiamos sa kaniyang mukha. Makikitaan din siya ng pagkabahala dahil sa pangyayaring hindi niya inaasahan. Naririto ang matandang wala sa katinuan, at bilang naninirahan sa mundong ito, pamilyar na pamilyar sila kung sino ito at ano ang kayang gawin nito. Iyon ang dahilan kaya huminto siya sa pag-atake kay Finn, nababahala siya sa isang bagay. Sinulyapan niya rin ang kaniyang mga kasama. Napansin niyang karamihan sa mga ito ay natatakot habang hinahanap kung saan naroroon ang nagmumula ang tinig ng matanda.
‘Hindi namin maaaring gambalain ang baliw na matandang iyon... gayunman, hindi ko rin maaaring pakawalan si Finn Silva. Kailangan ko siyang mapatay sa lugar ding ito mismo. Hindi naman siguro patungo rito ang matandang iyon, hindi ba?’ sa isip ni Hogiamos.
Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Finn, at agad na may pumasok na masamang ideya sa kaniyang isip. Mas pinatindi niya ang kaniyang aura. Napansin ni Finn ang binabalak niya kaya agad itong naging alerto.
Umismid si Hogiamos. Inihanda niya ang kaniyang espada at mabilis siyang sumugod patungo kay Finn. Hindi niya man ito mapapatay sa atakeng binabalak niya, gusto niyang mapuruhan ito nang malubha upang mas maging madali para sa kaniya ang laban.
Ganoon man, nang nakakakalahati na siya, muling umalingawngaw ang tinig ng matanda kasabay ng mabilis na pagbulusok ng isang pigura.
“Dumating na siya... Ililigtas niya tayo sa pagkawasak.. Dumating na ang nasa propesiya upang iligtas tayo mula sa pagkawasak!!!”
BANG!!!
Iniuntog ng matanda ang kaniyang ulo sa tagiliran ni Hogiamos dahilan para magkabali-bali ang buto nito. Napasuka rin ito ng dugo at hindi nito napigilan ang pagbulusok ng katawan niya sa lupa.
BANG!!!
RUMBLE!
Nagkaroon ng mga bitak ang lupa matapos bumangga ang katawan ni Hogiamos. Nagkaroon din ng bahagyang paglindol dahil sa napakalakas ng pagbangga niya sa lupa. Pisikal na pag-untog lang ang ginawa sa kaniya ng matanda, subalit napakalaking pinsala na ang tinamo niya sa puntong muntik na siyang bawian ng buhay.
Naalerto ang mga forsaken dahil sa nangyari. Kinalimutan na nila ang pakikipaglaban sa mga miyembro ng New Order at kaagad silang lumayo. Nakaramdam silang lahat ng takot dahil malinaw na malinaw sa kanila kung ano ang sunod na maaaring mangyari--kasawian.
Alam nila kung gaano kapanganib ang matanda. Ilang pangkat na ang pinaslang nito dahil lang sa napakasimpleng dahilan. Wala rin ito sa katinuan kaya wala itong kontrol sa kaniyang sarili--at iyon ang dahilan kaya napakadelikado niya.
Magkakasamang nagtungo ang mga forsaken sa kinaroroonan ni Hogiamos. Tiningnan nila kung buhay pa ito at nang maramdaman nilang may pulso pa ito, sumaklolo sila agad at inalalayan ito na tumayo.
“A-Atras na...”
Naghihingalong sambit ni Hogiamos. Labis na sakit ang kaniyang dinadanas ngayon. Sobra siyang napuruhan sa simpleng pag-untog ng ulo ng matanda sa kaniyang tagiliran. Pisikal na atake lamang iyon, subalit muntik niya na iyong ikamatay.
Kung pangkaraniwang nilalang lang ang matanda, imposible siyang mapatay nito sa ganoon kasimpleng atake. Subalit, malinaw sa kaniya na hindi ito isang ordinaryong nilalang.
Maging si Finn na malapit lang sa matandang ay naalerto. Naririnig niya ang paulit-ulit nitong pagbulong. Ganoon pa rin ang mga ibinubulong nito, na ang nilalang na nasa propesiya ay dumating na para iligtas sila mula sa pagkawasak.
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya kung sino ang nasa propesiya at kung ano talaga ang propesiyang iyon, pero hindi isinantabi niya muna ito dahil nasa panganib ang buhay niya at ng kaniyang mga kasama dahil sa matandang hindi nila alam kung ano ang binabalak.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...