Chapter LXXXVII: The Lost Sheep
Agad na nakilala nina Auberon at Kamila ang bagong dating. Ilang siglo na ang nakararaan, subalit kailanman ay hindi nila makalilimutan ang hitsura ni Aokin. Nagkaroon lang ng pagbabago sa kasuotan nito, subalit ang kabuoang hitsura nito ay nananatiling iyon pa rin. Tila ba bumalik ang lahat kay Auberon. Buong akala niya ay wala na ito, pero kasalukuyan itong nasa kaniyang harapan. Ganoon man, inatake sila nito at mararamdaman sa aura na inilalabas ng katawan nito ang matinding kagustuhan na pumaslang.
Itinuturing sila nitong kalaban. Natahimik na lang si Auberon dahil nararamdaman niya na gusto siyang mapatay ng kaniyang isa pang anak.
Tama, si Aokin ang isa pang buhay anak ni Auberon bukod kina Aemir at Porion. Ito ang anak niyang umalis sa Order of the Holy Light ilang siglo na ang nakararaan. At kung ano ang dahilan ng pag-alis nito... iyon ay dahil sa matinding galit nito kay Auberon. Mayroon silang hindi pagkakaunawaan dahilan para tumiwalag si Aokin sa Order of the Holy Light.
At ngayon, hindi inaasahan ni Auberon na makikita niya rito si Aokin.
Hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari. Sa kabila nito, isang ideya ang pumasok sa kaniyang isip. Hindi lang nagkataon ang paglitaw ni Aokin dito. Matagal na siyang naghihinala, subalit hindi niya nais na paniwalaan ang kaniyang naiisip dahil para sa kaniya, malaking kahibangan kung totoo nga ang bagay na iyon. Mayroon na siyang napapansing mali noon pa, ganoon man, sa kabila ng kalituhan na kaniyang nararanasan sa kasalukuyan, mas pinili niyang maging kalmado. Binawi niya na rin ang emosyong ipinakita ng kaniyang mga mata kanina.
Samantala, nabigla si Finn sa kaniyang nasaksihan. Agad din siyang nahiwagaan kung sino ang bagong dating. Sinuri niya ang kabuoan nito at habang pinagmamasdan niya ang mga pakpak at hitsura nitong maihahalintulad kay Auberon, agad siyang nakaisip ng isang posibilidad.
Pero, hindi kaagad siya nagkaroon ng konklusyon. Nanatili siya sa kaniyang kinatatayuan. Hindi pa ito ang tamang pagkakataon para makialam kaya balak niya munang panoorin ang mga mangyayari sa pagitan ni Auberon at ni Aokin.
--
“Bakit mo inaatake ang iyong ama, Aokin?! Hindi kami ang iyong kalaban, si Raseous!” Mariing sambit ni Kamila.
Bilang katuwang ni Auberon bago pa man ito magkaroon ng mga anak, kilalang-kilala ni Kamila si Aokin. Alam na alam niya rin ang matinding galit na nararamdaman nito kay Auberon dahil saksi siya sa kung ano ang mga nangyari noon. Alam niya ang pinag-ugatan ng away ng mag-ama--at iyon ay ang nangyaring pagkasawi ng asawa't mga anak ni Auberon.
“Huwag kang makialam dito. Ito ay sa pagitan lang naming dalawa at ano man ang mangyari, hangad ko ang kamatayan niya dahil sa pagiging iresponsable niya! Sino'ng haligi ng tahanan ang hahayaang mamatay ang kaniyang asawa't mga anak?! Sinong haligi ng tahanan ang hindi gagawa ng paraan para maipaghiganti ang mga pinaslang niyang kapamilya?!” Nanggagalaiting sigaw ni Aokin habang pilit niya pa ring itinutulak ang kaniyang espada sa barrier na gawa ni Kamila. “Isa siyang kahiya-hiyang nilalang! Tinitingala siya ng nakararami dahil sa kaniyang husay sa pamumuno, subalit kahamak-hamak siya bilang isang asawa at magulang! Hinayaan niya lang na mamatay ang kaniyang asawa't mga anak dahil mas inisip niya ang kapakanan ng ibang wala namang matibay na kaugnayan sa kaniya!”
Nag-uumapaw sa pagkamuhi si Aokin. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at ang kagustuhan niyang pumaslang ay napakatindi. Ginagamit niya ang buo niyang lakas para basagin ang barrier ni Kamila, subalit hindi pa sapat ang lakas niya.
Isa lang siyang 7th Level Heavenly Supreme Rank. Masyado pa siyang mahina at kahit na ubusin niya ang lahat ng enerhiyang mayroon siya, hinding-hindi niya mababasag ang napakatibay na barrier.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...