Chapter XIX: Ticking Time Bomb
“Panginoon, may kailangan kang malaman tungkol sa nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng dalawang emperador na nag-aagawan ng teritoryo,” hayag ng babaeng demonyo habang nakaluhod siya sa harap ng isang mataas na trono. Hindi siya nakakuha ng tugon mula sa kaniyang kausap kaya ipinagpatuloy niya na ang kaniyang pagsasalita. “Pansamantalang natigil ang girian ng panig ng War Emperor at ng panig ng Demonic Sword Emperor matapos mamatay ang lahat ng kanilang tauhan na sumasabak sa digmaan.”
“Ang mga tauhan ng dalawang emperador ay hindi nagkamatayan dahil sa digmaan; bagkus, may mga kakaibang kidlat na nagmula kung saan ang tumama sa kanila na naging dahilan ng kanilang agarang pagkasawi. Walang nakaligtas sa mga nagsasagupaan, at dahil sa aking mga nasaksihan, nakasisiguro akong hindi pangkaraniwan ang kidlat na iyon dahil maging ang isa sa anim na heneral ng Demonic Sword Emperor na nangunguna sa hukbo gayundin ang isa sa anim na heneral ng War Emperor ay kabilang din sa nasawi,” pagsasalaysay niya pa.
Sa mga sandaling ito, nakuha ng babaeng demonyo ang atensyon ng lalaking nakaupo sa trono. Seryoso siyang tumingin dito at pabulong na nagwika, “Iyon pala ang kakaibang naramdaman ko...”
Huminto siya sa pagsasalita. Naging taimtim ang kaniyang mga mata at tila ba malalim siyang nag-iisip.
Makaraan ang ilang saglit, ibinuka niya ang kaniyang bibig at marahan siyang nagpatuloy sa pagsasalita, ”Ang kapangyarihan na iyon... malayo iyon sa aking kastilyo subalit ramdam na ramdam ko na ang lakas noon ay hindi pangkaraniwan. Kung ang isang emperador ang matatamaan ng ganoon kalakas na atake, siguradong hindi lang pangkaraniwang pinsala ang matatamo dahil may posibilidad na iyon pa ang maging sanhi ng kamatayan.”
Natigilan ang babaeng demonyo at dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang ulo para sulyapan ang reaksyon ng kaniyang pinaglilingkurang panginoon--si Kardris, ang Blood Demon Emperor.
Nabigla siya dahil ito ang unang pagkakataon na naging ganito ang Blood Demon Emperor. Madalas itong kumpyansa at wala itong kinatatakutan, subalit ngayon, pakiramdam niya ay mayroon itong pinangangambahan na naging dahilan para maging ganito ito kung magsalita.
“Panginoon, isang karangalan kung ibabahagi ninyo sa akin ang inyong kaalaman patungkol sa kakaibang nangyayari sa ibang panig ng divine realm. Ano ang kidlat na iyon..? At totoo bang ang kalangitan ang may gawa noon sa lahat ng mga nilalang na nagsisimula ng gulo at digmaan?” Magalang na tanong ng babaeng demonyo.
Sa halip na sagutin ng direkta, muling pabulong na nagsalita si Kardris. “Ang sinabi ng nilalang na iyon ay kaniyang pinatotohanan na hanggang hindi pa nagwawakas ang pakikipagsapalaran ng iba't ibang nilalang sa mundo ng pinagmulan, hindi maaaring magkaroon ng kaguluhan at digmaan. At kung maging ang heneral ng isang emperador ay hindi nakaligtas, ibig sabihin ay talagang kailangan nating sundin kung ano ang kaniyang sinabi. Hindi tayo maaaring makidigma o manggulo dahil kapag ginawa natin iyon, ang mga ipapadala nating tauhan ay mapapatulad sa kapalaran ng mga tauhan ng ibang emperador.”
“Sino ang nilalang na iyon na may kakayahang kausapin ang lahat sa isipan? Talaga bang isa siyang nilalang na may pisikal na anyo o isa lang siyang umiiral para kumatawan sa kalangitan?” Pabulong na sambit ni Kardris na para bang tinatanong niya ang kaniyang sarili.
Sa pagkakataong ito, nanahimik na lang ang babaeng demonyo. Hindi siya pinakikinggan ni Kardris at alam niyang walang patutunguhan ang kaniyang pag-uusisa dahil malalim itong nag-iisip patungkol sa nangyayari sa divine realm.
Ganoon man, nabigla at nakaramdam siya ng matinding takot nang bigla na lamang bumigat ang grabidad sa paligid dahil sa pagbagsak ng kapangi-pangilabot na aura. Halos bumaon siya sa kaniyang niluluhuran at hindi niya magawang maitaas ang kaniyang ulo upang malaman kung ano ang nangyayari.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...