Chapter XCIV

5.3K 888 50
                                    

Chapter XCIV: Bumped Into Each Other

Nakahanap si Finn ng silid na kaniyang mapapagpahingahan. Agad siyang pumasok dito at matapos niyang maisara ang pinto, dumeretso siya sa higaan at humiga siya sa malambot nitong kama. Sobra siyang napagod sa mga nangyari. Kaya niya pang lumaban, subalit wala na ang kaniyang kondisyon sa isandaang porsyento. Napagod siya sa nangyaring labanan nila ni Hogiamos. Nagtamo siya ng mga pinsala sa panlabas at panloob niyang katawan. Nagamot na ni Kamila ang ilan niyang pinsala, subalit kailangan niya pa rin itong ipahinga kung nais niyang bumalik sa isandaang porsyento ang kaniyang kondisyon.

Napatulala na lang siya sa kisame. Ito ang unang pakikidigma ng New Order at kagaya nga ng sinabi ni Auberon, maikokonsidera na ring maganda ang naging resulta nito.

Bukod sa digmaan, hindi rin mawala sa isip ni Finn ang paglitaw ng isa pang anak ni Auberon--si Aokin.

Alam niyang sinabi niya lahat ng kakalaban sa kanila at tutulong sa Darkeous Clan ay dapat mamatay, subalit ibang usapan na si Aokin dahil anoman ang mangyari, anak ito ni Auberon--ng isa sa pinakamalapit na nilalang sa kaniya.

Hindi kaya ni Finn na masaksihan na mismong si Auberon ang papaslang sa kaniyang anak. Hindi niya ito mapapayagan, kagaya na lang noong sinubukan ni Drebor Redmark na patayin ang kaniyang ama dahil sa mga kasalanan nitong ginawa sa Dark Continent.

“Gumawa ako ng eksepsyon dahil gusto kong subukan kung may pag-asa pang magbago si Aokin. Malaki ang utang na loob ko kay Auberon. Hindi ko rin makalilimutan ang ginawang kabutihan sa akin nina Aemir, Porion, at ng buong Order of the Holy Light. Marami silang naitulong sa akin kaya gusto ko pa silang tulungan sa pamamagitan ng pagtulong kay Aokin,” ani Finn. “Kung kinakailangan kong gumamit ng dahas para magising ng tuluyan si Aokin sa kaniyang kalokohan, magiging marahas ako. Basta magbago ang pananaw niya, wala na kaming magiging problema. At kung sakaling magising na siya, hahayaan ko siyang mamili kung sa Order of the Holy Light sa babalik o sa amin siya mananatili.”

Walang balak si Finn na mamilit ng kahit na sinoman para sumali sa New Order. Binibigyan niya ang bawat isa ng kalayaan na mamili dahil naniniwala siya na ang lahat ay may karapatang pumili sa landas na kanilang tatahakin. Marahil nag-aalok siya, pero hindi siya namimilit. Ayaw niyang kontrolin ang mga ito dahil ayaw na ayaw niya rin na kinokontrol siya ng iba.

Isa pa, naniniwala siya sa kasabihan na “huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo”.

Ito ang isa sa mga rason niya kung bakit hindi siya nang-aapi o nangmamaliit ng basta-basta. Ang lahat ng pangmamaliit o pang-aapi niya ay tugon niya lamang sa ginagawa ng iba sa kaniya. Hindi siya ang nagpapasimula dahil hindi siya ang tipo ng adventurer na nang-aapak ng iba dahil lang malakas siya.

Isa pang inalala ni Finn bukod sa digmaan, kay Aokin, at sa pangingialam ni Brien ay ang pagdating ng mga forsaken. Akala niya talaga ay malalagay na sila sa peligro dahil sa mga nilalang na iyon. Muntik niya nang ilantad ang totoo niyang pagkatao, mabuti na lang dahil dumating ang matandang lalaki para manggulo. Iniligtas sila nito mula sa kapahamakan at iniiwas siya nito na mailantad ang totoo niyang pagkatao.

Hindi sinasadyang naging tagapagligtas nila ang matandang wala sa katinuan. Ganoon man, hindi pa rin ibig sabihin noon ay kampante na si Finn na nasa panig nila ang matanda. Sa kaniyang mga mata, mapanganib pa rin ito dahil kapag nairita ito, kahit sino ay inaatake nito. Hangga't maaari ay mas gusto niyang hindi ito makita dahil kapag malapit ito sa kanila, baka mapahamak sila at ubusin sila nito.

Matapos makapag-isip-isip, ipinikit ni Finn ang kaniyang mga mata at nagsimula na siyang magpahinga. Ito na lang ang pagkakataon niya para makapagpahinga dahil pagkabalik nila sa santuwaryo, siguradong marami siyang trabahong kailangang gawin at tapusin. Isa pa, habang naglalakbay sila, kakailanganin niya ring mag-isip ng mga plano para sa hinaharap ng New Order.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon