Chapter IX: Overwhelmed by the Treatment
Matiwasay na natapos ang pagpupulong sa pagitan nina Finn at ng mga namununo sa Warwolf Clan. Nakuha na nina Keanu ang listahan ng mga kayamanan na pinili ni Meiyin at ng mga kapitan at bise kapitan ng New Order. Kukuhanin pa nila ang mga kayamanan na ito sa kanilang imbakan ng mga kayamanan kaya ayon sa kanila, maaari munang sumama sina Finn sa lugar na kinaroroonan ng mga naghihintay na miyembro ng New Order.
At ngayon, kasalukuyan nang naglalakad sina Finn patungo sa lugar na kinaroroonan ng iba pa nilang kasama. Ang nagsisilbi nilang gabay ay ang panganay na anak nina Keanu at Accalia--si Rashen.
Si Rashen ay mahusay ring makisalamuha at makisama kagaya ng kaniyang ama. Walang tigil ito sa pagpapaabot ng papuri kay Finn at habang sila ay naglalakad, nagpakumbaba rin ito at humingi ng paumanhin sa inasal niya kanina.
Matatandaang ikinagalit ni Rashen ang inasal at naging pahayag ni Eon habang kausap sila nito. Inihingi niya ng pansin ang kaniyang naging reaksyon, subalit sinabi ni Finn na hindi na iyon kailangan at mas mabuting kalimutan na lang nila iyon.
Isa lang iyong munting hindi pagkakaintindihan na hindi na kailangan pang palakihin.
Nagpatuloy sila sa kanilang kaswal na pag-uusap hanggang sa marating nila ang kinaroroonan ng iba pang miyembro ng New Order. Naabutan nila ang mga ito na nagkakasiyahan sa inihandang piging ng Warwolf Clan.
Ipinaliwanag ni Rashen na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng pamunuan ng Warwolf Clan matapos ang matagumpay na pangangasiwa sa kompetisyon, ganoon man, napansin ni Finn na sila lang talaga ang imbitado dahil wala siyang namataan na ibang kalahok doon.
Kahit si Zelruer na kasali sa huling yugto ng kompetisyon ay wala roon kaya sigurado niya na pinasadya ito ng Warwolf Clan para talaga sa kanilang pangkat.
At dahil wala na rin siyang magagawa at napagtanto niyang nagkakatuwaan ang mga miyembro ng New Order ganoon din ang mga warwolf, hinayaan niya na lang ang mga ito. Hindi niya ipinatigil ang kasiyahan at naisip niyang sa susunod niya na lang ipapaalam sa ibang miyembro ng New Order kung ano ang kanilang napagpulungan.
Nakilahok na rin siya sa kasiyahan at sinabihan niya na rin ang iba pa niyang kasama na magsaya at makihalubilo muna sa mga warwolf habang hinihintay nila ang mga gantimpala na ipinangako nina Keanu sa kanila.
Saganang-sagana ang piging na inihanda ng Warwolf Clan. Hindi ito kasing engrande ng piging sa Creation Palace, subalit hindi na rin ito nalalayo roon. Bawat isa ay nagkakatuwaan at dahil sa nagkakahalubilo ang mga miyembro ng New Order at Warwolf Clan, nakabubuo sila ng matibay at magandang ugnayan sa isa't isa.
Pinagmasdan ni Finn ang nangyayaring kasiyahan habang kinakagatan ang prutas na kaniyang dinampot sa mga nakahaing pagkain. Katabi niya sina Eon at Auberon dahil ang gusto ng dalawa ay manatili sa tabi niya dahil ayon sa kanila, hindi sila interesado na makihalubilo sa iba.
Nilunok ni Finn ang kaniyang nginunguya at pagkatapos, marahan siyang nagwika, “Ang pagtratong natatanggap natin mula sa kanila ay masyadong nakalulula. Ipinapakita nila hindi lang sa kanilang salita kung hindi pati na rin sa kanilang aksyon na handa silang ibuhos ang lahat ng maaari nilang ibuhos para lang mapatibay ang pagkakaibigan ng ating pangkat at ng kanilang angkan.”
Umismid si Eon at nagmamalaking sinabing, “Alam nila na hindi matutumbasan ng kahit anong kayamanan ang pagiging malapit sa iyo kaya ginagawa't ibinibigay nila ang lahat ng maaari nilang maibigay para gumanda ang impresyon mo sa kanila, Master. Wala namang kataka-taka roon dahil lahat ng marunong mag-isip ay dapat lang na gumawa ng paraan para magkaroon ng ugnayan sa iyo.”
“Nasa kanila ang karangalan, wala sa atin kaya hindi mo kailangang makaramdam ng pag-aalinlangan dahil lang sa kanilang mga inihandog na kayamanan at maayos nilang pagtrato sa atin, Master,” dagdag niya pang sabi habang nakakrus ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...