Chapter XXXII: Special Training
Nagpatuloy si Finn sa pagtalakay sa mga mahahalagang hakbang na isasagawa ng New Order sa oras na simulan na nila ang paggalugad at pag-iimbestiga sa Beast God's Sanctuary. At matapos maipaliwanag ang lahat tungkol dito, sunod niyang tinalakay ang tungkol sa kanilang gagawin pagkatapos nito. Ipinaliwanag niya sa mga naroroon na bukod sa paghahanap ng oportunidad sa Land of Origins, ang dalawa niya pang prayoridad ay mahanap ang angkan ng ankur at axvian. Sinabi niyang kasalukuyang hinahanap ng grupo ni Seve ang mga ankur, subalit inamin niya rin na hindi na siya makapaghintay kaya nagdesisyon siya na pagkatapos ng mga kailangan niyang gawin dito, siya na mismo ang kikilos para hanapin ang mga ankur at axvian.
Kailangan niyang mahanap ang mga ankur para magkaroon ng pag-asa na gumaling ang karamdaman ni Poll habang kailangan niyang matagpuan ang mga axvian para magkaroon ng kalinawaan ang totoong pagkatao ni Kiden.
Pagkatapos niya ipaliwanag ang tungkol sa mga bagay na ito, nagbigay pa siya ng ilang instruksyon sa mga naroroon at pinaalalahanan niya ang mga ito na kapag mayroon silang isasagawang bagay na masyadong komplikado o maaaring makaapekto sa pangkalahatan ng New Order, kailangan muna nilang sumangguni sa kaniya o kaya kay Auberon. Ipinaunawa niya sa mga ito na hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari silang kumilos nang hindi hinihingi ang permiso ng pinakamatataas sa New Order.
At matapos maibigay ang lahat ng kaniyang paalala, inatasan na ni Finn ang espesyal na dibisyon na lisanin ang silid para ihanda ang kanilang mga isasama sa pag-iimbestiga sa mga selyadong lugar sa isla. Pinanatili niya sina Auberon, Poll, Eon, Meiyin, ang mga kapitan, bise kapitan, at ang grupong Dark Crow sa silid-pagpupulong dahil mayroon pa siyang mahalagang sasabihin sa mga ito.
Nakaramdam ng pagbubukod sina Fenris, Vord, Oglir, at Ceemara dahil halata nila na hindi pa rin ganoon kalaki ang tiwala sa kanila ni Finn. Pansin nila ang biglang pagseryoso ng kanilang panginoon, at alam nila na mayroon itong mahalagang sasabihin sa mga naroroon, ganoon man, hindi sila kasali sa dapat makarinig.
Kahit na nais nilang malaman kung ano ang sasabihin ni Finn, wala silang nagawa kung hindi lumabas ng silid at sundin ang utos nito. Kailangan pa nilang paghirapan na mabuo ang tiwala nito sa kanila para makasali na rin sila sa oras na magkaroon ng mahahalagang pagpupulong kagaya ng mangyayari ngayon.
Pagkatapos makaalis ng apat, nakahinga na ng maluwag si Finn. Bahagya siyang ngumiti sa mga kasama niya sa silid at pagkatapos, mahinahon siyang nagwika, “Kailangan ko silang paalisin dahil ang sunod nating pag-uusapan ay masyadong pribado. May kaugnayan ito sa aking sikreto at sa ngayon, hindi muna nila maaaring malaman ang tungkol dito.”
“Kailangan ko pang masukat ang kanilang katapatan hindi lang sa akin, kung hindi sa buong New Order na rin,” aniya pa.
“Tama lang na pinalayas mo sila, Master. Hindi pa sila mapagkakatiwalaan dahil bago pa lang sila sa ating puwersa,” hayag ni Eon at umismid siya habang mababakas ang kahambugan sa kaniyang ekspresyon.
Sinulyapan ni Ursur si Eon. Hindi siya nagsalita, pero mayroong kakaiba sa tingin niya. Tungkol sa New Order, nanatili silang tahimik kahit na malinaw na kabilang sila sa pinatatamaan nito.
Marahang napailing si Finn at bumuntong-hininga siya. Inilahad niya ang kaniyang kamay at sinabing, “Ang tagal ay maaaring isa sa susukat sa katapatan ng isang miyembro, subalit hindi iyon ang pinakamahalaga sa akin, Eon.”
Muli siyang ngumiti. Binalingan niya ng tingin sina Ursur, Gin, at ang iba pang miyembro ng Dark Crow bago siya nagpatuloy sa pagsasalita. “Kung magtatraydor ang isang miyembro, magtatraydor siya kahit gaano pa siya katagal sa New Order. May mga naunang miyembro na maaaring magtraydor habang may mga bagong miyembro na maaaring manatiling tapat kahit pa buhay na nila ang nakataya. At para sa akin, ang pinakamahalaga ay hindi tagal kung hindi mga aksyon.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...