Chapter XVII

4.5K 921 64
                                    

Chapter XVII: Father and Son

Sa kabila ng mga posibilidad na kaniyang naiisip dahil sa mga nalaman niya kay Auberon, hindi nabawasan ang pagkaalerto ni Finn.

Hindi niya sigurado kung ito nga ba ang kaniyang totoong ama, at kahit na ito nga, nanatili siyang handa sa mga maaaring mangyari dahil sa kasalukuyan, hindi niya alam kung masama ba o mabuti ang intensyon nito sa kaniya.

Hindi ibig sabihin na ang lalaking ito ang kaniyang ama, mabuti na agad ang intensyon nito sa kaniya. Malaki pa rin ang posibilidad na mayroon itong masamang pakay sa kaniya dahil sa pagkakaintindi niya, isa ito sa nagmamanipula sa kaniyang buhay.

Pilit siyang kumakalma kahit nakararamdam siya ng pangamba. Pinakikiramdaman niya ang lalaking nakatayo hindi kalayuan sa kaniya, subalit kahit ano'ng gawin niya, wala siyang maramdaman na kahit ano rito na para bang hindi ito umiiral at wala ito sa kinatatayuan nito ngayon.

‘Ang maskarang suot-suot niya... marahil iyon ang nagkukubli sa kaniyang aura at presensya--kapareha ng ginintuang maskara na ibinigay sa akin ni Auberon na mismong galing din sa kaniya,’ sa isip ni Finn.

Ang ginintuang maskara na ibinigay sa kaniya ni Auberon na galing din sa lalaking ito ay may kakayahan na ikubli ang kaniyang aura at presensya. Nasubukan niya na ang kakayahan nito noon sa mga arkous. Hindi naramdaman ng mga arkous ang kaniyang totoong antas at ranggo sa kabila ng pagtataglay ng mga ito ng mataas na antas at ranggo.

Ibig sabihin, hindi pangkaraniwang bagay ang ginintuang maskara niya at hindi imposibleng ganoon din ang puting maskara ng lalaki sa harap niya.

Makaraan ang ilang sandaling pakikipagtitigan ni Finn sa lalaki, sa wakas ay binasag na rin nito ang katahimikan sa pagitan nila. Nagbigkas ito ng mga salita para kausapin siya.

“Bakit sobra kang tensyonado? Hindi ka ba natutuwa na makita ang iyong totoong ama?” Tanong ng lalaki kay Finn.

Pinanatili pa rin ni Finn ang kaniyang pagiging alerto, pero sa totoo lang, nakararamdam siya ngayon ng komplikadong pakiramdam dahil sa kasalukuyang sitwasyon. Nangangamba siya at hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maging reaksyon. Ang pagpapakita sa kaniya ng totoo niyang ama ay hindi niya inaasahan; masyado itong biglaan at hindi pa siya handa dahil hindi niya iniisip na darating kaagad ang sandaling magkakaharap sila.

Hindi siya nakararamdam ng tuwa o kasiyahan. Para bang mas nangingibabaw pa ang pangamba sa kaniya dahil sa pagkikita nilang dalawa.

Marahil noon, gusto niyang mahanap ang kaniyang totoong mga magulang dahil nakararamdam siya ng pangungulila at gusto niyang masagot ang kaniyang mga tanong kung bakit siya pinabayaan at pinaampon ng mga ito, subalit ngayon, hindi na iyon malaking bagay sa kaniya.

Wala na siyang pakialam sa kaniyang mga magulang bukod sa kaniyang ina na alam niyang marami nang isinakripisyo para sa kaniya.

Totoo. Interesado pa rin siyang masagot ang mga katanungan sa kaniyang puso't isipan kung bakit siya pinaampon ng mga ito, pero hindi niya iyon prayoridad dahil ang kasalukuyan niyang prayoridad ay ang mapaunlad ang kaniyang sarili ganoon din ang maisakatuparan ang layunin ng New Order.

At ngayong nasa harap niya na ang kaniyang totoong ama, hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin at sasabihin. Hindi pa rin siya sigurado kung ito nga ba talaga ang kaniyang totoong ama at ang pinagbabasehan niya lang ay ang paglalarawan noon sa kaniya ni Auberon at ang nararamdaman niyang kaibahan ngayon.

Pakiramdam niya, may koneksyon siya rito--katulad ng nararamdaman niyang koneksyon sa mahiwagang kuwintas na nakasuot sa kaniyang leeg.

“Ano'ng ginagawa mo rito..? Ano'ng dahilan bakit nagpakita ka sa akin ngayon?” Seryosong tanong ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon