Chapter XLVI: Unveiling the Secret of the Scroll
“Maari ka ng umalis,” ani Finn matapos niyang makausap si Belian tungkol sa hinaharap niyang plano sa New Order.
Tumayo si Belian at magalang siyang sumaludo. Kahit na nakapagpasalamat na siya kanina, nagpasalamat siya ulit dahil sobra-sobra ang pagpapasalamat niya para sa mga bagay na ibinigay sa kanila ni Finn. Isa pa, may plano ito para sa kanilang dibisyon kaya sobra ang saya niya.
Hindi lang sila nakatanggap ng mga bangkay ng malalakas na halimaw at kawal ng namayapang Beast God, siniguro din sa kanila ni Finn na darating ang sandali na magagawa na nila ang kanilang pinaka aasam-asam na pakikipagsapalaran at pakikipaglaban sa malalakas na adventurer dahil balak nito na isama sila sa labas ng islang ito kasama ang iba pang dibisyon.
Gusto rin nila na makaranas na makipaglaban sa iba, subalit hindi nila iyon magawa sa kasalukuyan dahil ang kanilang responsibilidad ay nasa pagpapanatili ng kapayapaan sa isla.
Matapos siyang makapagpasalamat, pumihit na siya at nagsimula nang humakbang palabas ng opisina ni Finn. Sabik na sabik na siyang ipatawag ang ikalawang dibisyon. Dala niya ang magagandang balita na siguradong ikatutuwa ng mga ito kaya gusto niya nang magmadali na umalis. Ganoon man, hindi pa man siya nakakalayo ay muli siyang napaharap dahil narinig niya itong nagsalita.
“Oo nga pala, huwag mong kalilimutan na abisuhan sina Auberon, Eon, Poll, at Meiyin. Sabihin mo sa kanila na ipinapatawag ko sila dahil kailangan ko rin silang makausap tungkol sa ilang mahahalagang bagay,” pahabol na sabi ni Finn.
Muling sumaludo si Belian. Hindi na siya nag-usisa pa at magalang siyang tumugon, “Masusunod, Panginoong Finn!”
Pagkatapos noon, tuluyan na siyang lumabas ng silid at iniwan niyang mag-isa roon si Finn.
Samantala, matapos makaalis ni Belian, napasandal na lang si Finn sa kaniyang upuan at huminga siya nang malalim. Marami silang napag-usapan ni Belian. Sinabi niya rito kung ano ang kaniyang mga balak sa hinaharap sa New Order, ipinaalam niya na hindi magtatagal ay kakailanganin niya ang lakas ng ikalawang dibisyon at ibinalita niya na darating ang panahon na kikilos sila ng magkakasama para makipagsapalaran sa mundong kanilang kinaroroonan--ang mundo ng pinagmulan.
Payapa pa ngayon ang mundong ito, pero sigurado siya na hindi kalaunan ay isa-isa nang maglilitawan ang mga oportunidad na para sa kanila. Ganoon man, ang madalas na kakambal ng oportunidad ay panganib. Siguradong hindi nila madaling makukuha ang mga oportunidad na ito dahil malaki ang posibilidad na marami silang magiging kaagaw. Hindi maiiwasan ang mga digmaan at patayan dahil natural lang ang ganitong pangyayari sa mga nag-aagawan ng mga oportunidad at kayamanan.
Hindi nila maaaring palampasin ang bawat oportunidad na makatutulong sa kanilang pag-unlad. Kahit malagay sa panganib ang kanilang buhay, kakailanganin pa rin nilang sumugal dahil kung hindi sila susugal sa tuwing may oportunidad na nakalatag sa kanila dahil takot silang mamatay o mamatayan, wala silang tsansa na maisakatuparan ang kanilang mga layunin.
Marahil nakuha nila ang mga kayamanan na naiwan ng Beast God, subalit mga kayamanan lang iyon na hindi kalaunan ay mauubos dahil sa pagkonsumo. At kapag dumating sa punto na naubos ang mga kayamanang iyon, mahihinto ang kanilang pag-unlad kaya hindi sila puwedeng huminto sa paghahanap ng mga kayamanan sa mundong ito.
Isa pa, ang karanasang kanilang makukuha sa pakikipagsapalaran sa mundong ito ay hindi dapat ipagsawalang-bahala. Kailangan nila ang karanasan sa pakikipaglaban para matuto at mas lumakas pa, at makukuha lang nila ang karanasang iyo kung wala silang takot na makikipagsapalaran sa mundong ito.
Sa kabilang banda, habang naghihintay sa pagdating nina Auberon, malalim na nag-iisip si Finn patungkol sa mga isasagawa niyang hakbang pagkatapos ng responsibilidad niya rito. Sa totoo lang ay marami na siyang naiisip na kailangang gawin, subalit hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawing prayoridad. May gusto siyang unahin dahil iyon ang kailangan, subalit nahihirapan siyang magdesisyon dahil nangangamba siyang baka masayang ang kaniyang panahon.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...