Chapter II

4.8K 949 50
                                    

Chapter II: Another One

Kahit na nabati na ni Keanu si Finn sa pagkapanalo nito sa kompetisyon, iyon ay pagbati lang bilang pormalidad at inanunsyo iyon habang saksi ang ibang panauhin. Ang gusto niya ay personal niyang batiin si Finn para sa pagkakamit nito ng kampeonato.  Nais niyang iparamdam at ipakita rito na sinsero ang kaniyang pagbati, at hindi lang dahil marami ang matang nakamasid. Nagmumula sa kaniyang puso ang papuri at paghanga niya--hindi lang bilang pinuno ng Warwolf Clan kung hindi bilang isa ring mandirigmang adventurer.

Isa siyang warwolf—isang mabangis na nilalang na natural na ang pagkahayok sa pakikipaglaban. Uhaw siya sa labanan kaya ang makakita ng mga kamangha-manghang laban kagaya ng mga napanood nila sa naganap na kompetisyon ay muling bumuhay sa kaniyang dugo at laman.

Lalong-lalo na ang laban sa pagitan nina Finn at Zelruer kung saan nasurpresa silang lahat at namangha sa kakayahan, lakas, at kapangyarihan na ipinamalas ni Finn. Ang kasanayan nito sa paggamit ng iba't ibang sandata, ang husay nito sa pagkontrol ng dalawang magkaibang elemento, ang bilis, tatag, at pisikal nitong lakas, at higit sa lahat, ang alas nitong itinatago na tumapos sa laban, ang isa pa nitong kapangyarihan--ang elemento ng kuryente.

Samantala, nanatiling kalmado si Finn sa kabila ng pagpuri sa kaniya ni Keanu. Masaya siya dahil sa mga papuri nito, oo. Ganoon man, hindi ganoon kataas ang tingin niya sa sarili niya kagaya ng pagtingin sa kaniya ni Keanu at ng iba.

“Maraming salamat sa personal mong pagbati. Pinahahalagahan ko iyon, sa totoo lang. Salamat din sa iyong mga papuri, ganoon man, sa kompetisyon lang ako nanalo, pero kung sa aktuwal na labanan kung saan walang limitasyon ang aming mga enerhiya at kapangyarihan, sa tingin ko ay wala akong pag-asa na manalo laban sa kanila—lalong-lalo na kay Zelruer,” mapagkumbabang hayag ni Finn.

Sa sinabing ito ni Finn, humalakhak si Keanu at umiling-iling. Pinagkiskis niya ang kaniyang mga palad at sinabing, “Tama ka naman, pero hindi mo kailangang magpakumbaba parati. Mas mahina ka pa ngayon kaysa sa kanila, subalit kung potensyal at talento ang pag-uusapan, higit na mas angat ka kaysa sa kanilang lahat.”

Huminto siya sa pagsasalita. Inilahad niya ang kaniyang kamay at animo'y ngumiti siya. Ibinuka niya muli ang kaniyang bibig at sinabing, “Paano sila maikukumpara sa iyo? Isa ka pa lamang tatlumpu't siyam na taong gulang habang sila ay siglo-siglo o milenyo nang nabubuhay sa mundong ito. Napakabata mo pa, subalit ang iyong kakayahan sa iba't ibang larangan ay hindi mapapantayan ninoman.”

“At kahit hindi ka manalo sa laban ninyo ni Zelruer, hindi magbabago ang desisyon namin na hayagang makipagkaibigan sa iyo. Mas lalo lang nadagdagan ang aming paghanga sa iyo dahil sa iyong pagkapanalo.”

Sa puntong ito, nakumpirma ni Finn at ng iba pang miyembro ng New Order ang nalalaman ng Warwolf Clan sa nangyari sa Creation Palace. Nagkatinginan ang mga ito at may ilan sa kanila na hindi mapigilan na manabik at mapangiti. Sa pahayag pa lang ni Keanu ay malinaw na umabot na sa kanila ang mga nangyari sa kompetisyon ng mga propesyonal.

Mas lalong naging kumpyansa ang New Order dahil sa kumpirmasyong ito. Ngayon ay malinaw na malinaw na sa kanila kung bakit sobra-sobrang pagpapahalaga ang ibibigay ng Warwolf Clan kay Finn.

Kahit sino ay hindi maiiwasan na mamangha kapag nalaman kung ano ang mga tinataglay na kakayahan ni Finn. Isa siyang malaking iregularidad sa mundo ng mga adventurer dahil sa pagkabihasa niya sa iba't ibang propesyon. Higit pa roon, ang pagtataglay niya ng iba't ibang kapangyarihan at ang kahusayan niya sa pakikipaglaban ay malaking dahilan kaya mas lalo siyang naging makasaysayan.

“Iyon ba ang rason kung bakit minanipula ninyo ang lahat ng aking laban?” Biglang tanong ni Finn dahilan para matigilan sina Keanu, Accalia, at ang iba pang namumuno sa Warwolf Clan.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon