Chapter LXX: Arriving at the Celestial Continent
“Ang lahat ng nalaman kong impormasyon tungkol sa kaniya ay naisalaysay ko na. Hindi ako umaasa na may gawin kayo dahil alam kong wala kayong kapasidad sa kasalukuyan na lumabas sa inyong teritoryo. Naiintindihan ko rin ang desisyon ninyo na mamuhay nang tahimik at payapa rito, gayunpaman, gusto ko lang talagang sabihin sa inyo na dahil kay Finn Silva, maaari na kayong makawala rito,” malumanay na lahad ni Elvira. “Basta magawa niya ang kinakailangan, mawawala ang harang na pumipigil sa inyo at makakalaya na kayo mula sa lugar na ito.”
Nanatiling tahimik si Voraan habang ipinoproseso niya pa ang mga impormasyon na kaniyang nalaman. Kalmado ang kaniyang ekspresyon sa panlabas, subalit sa loob-loob niya, hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga natuklasan tungkol kay Finn.
Ipinaliwanag sa kaniya nito ang nangyari sa Creation Palace ganoon din sa Warwolf Clan. Nalaman niya rin na ang kasalukuyang kinaroroonan ng puwersang pinamumunuan ni Finn ay ang santuwaryo ng Beast God. Higit pa roon, sinabi sa kaniya ni Elvira na habang tumatagal ay palaki nang palaki at palakas nang palakas ang New Order dahil marami ang gustong maglingkod kay Finn.
Ganoon man, ayon kay Elvira, hindi pa ito ang lahat dahil marami pa ring hiwaga ang bumabalot sa pagkatao ni Finn. Ang kanilang mga nalaman ay mga impormasyon pa lang na kumakalat sa publiko at hindi pa nila alam kung ano pa ang itinatago nito.
Sa kabila ng kaniyang pagkabigla at pagkamangha, pinilit ni Voraan na ipakitang wala siyang pakialam. Ipinapakita niyang wala siyang interes sa mga ibinunyag sa kaniya ni Elvira sa pamamagitan ng pananatiling kalmado. Hindi siya nagtatanong; bagkus, nanatili siyang tahimik sa kabuoan ng pagsasalaysay nito tungkol kay Finn at sa New Order.
“Kung sakali mang magtagumpay siya at magawa niya ang mga kinakailangan, kaming mga ankur ay wala pa ring pakialam. Mananatili kaming mamumuhay rito nang tahimik at payapa kahit na mawala man ang harang na nagkukulong sa amin sa lugar na ito,” sambit ni Voraan.
“Sa tingin ko ay ginawa ko na ang parte ko, at nakadepende na sa inyo kung ano ang inyong magiging tugon,” tugon ni Elvira at bahagya siyang ngumiti. “Ang nais ko lang iparating ay nakilala ko na kung sino ang mga tagalabas na may kaugnayan sa inyo, higit sa lahat--may pinakamalaking potensyal na magtagumpay sa mundong ito. Ginawa ko rin ito para hindi kayo mabigla sa oras na mawala ang harang na nagkukulong sa inyo rito, at sinasabi ko ang lahat ng ito para magkaroon kayo ng kaalaman na may posibilidad na makalaya kayo.”
“Ngayon, aalis na ako para hindi na kayo magambala pa. At sa pagpunta ko rito, sana ay maunawaan ninyo na hindi ko hangad na kayo ay ipahamak o ipagkanulo. Umaasa ako na sana ay kaibigan pa rin ang turing ninyo sa akin,” saad niya.
Hindi tumugon si Voraan. Tumitig lang siya kay Elvira habang nananatiling tikom ang bibig niya.
Hindi na hinintay ni Elvira na tugunan ni Voraan ang kaniyang sinabi. Napabuntong-hininga na lang siya dahil alam niyang hudyat na ito para tuluyan nang magpaalam at lumisan.
Alam niyang mali ang ginawa niyang pagbubunyag kina Seve ng tungkol sa lugar na ito, subalit puro ang kaniyang intensyon at kagaya nga ng paulit-ulit niyang sinasabi, ang tanging nais niya lang ay maipaalam kina Voraan ang tungkol kay Finn at sa kanilang mga supling. May ugnayan ang mga ankur kay Finn at sa Azure Wood Family kaya nakita niya itong dahilan para baliin ang kaniyang ipinangakong hindi niya ipapaalam sa iba ang pinagtataguan ng mga ito.
Umalis siya sa silid na may komplikadong nararamdaman, subalit wala siyang pinagsisisihan dahil sa tingin niya, kahit na may mali, ang kabuoan ng ginawa niya ay nararapat lang. Naniniwala siyang tadhana ang may gusto nito at naging daan lang siya para pagtagpuin ang mga may ugnayan sa mga ankur.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...