Chapter LVI: Impossible Task
“Ibang paraan ba kamo?” Taimtim na ulit ni Voraan sa tanong ni Meiyin. Huminga siya nang malalim at sinabing, “Wala nang ibang paraan. Ito ay napagkasunduan na namin ng mga elder at lahat kami ay hindi pumapayag sa inyong gusto. Hindi namin maaaring pagbigyan ang hiling n'yo dahil mayroon kaming sinusunod na alituntunin sa tribong ito. Kailangan n'yong irespeto ang desisyon naming ito kagaya ng pagbibigay namin ng pagkakataon sa inyo na makaalis ng buhay dito.”
“Ang Tree of Life ay sagradong kayamanan na pagmamay-ari naming mga ankur kaya ang mga bunga nito ay eksklusibo lamang para sa aming lahi,” dagdag niya.
Sa pagkakataong ito, tuluyan nang tumahimik si Finn. Itinuon niya ang kaniyang atensyon kay Meiyin. Napansin niya na hindi pa ito sumusuko at dahil nakikita niya na hindi problema sa mga ankur ang pagsingit nito sa usapan, hindi niya na ito sinita o pinigilan. Napagtanto niya na baka may pag-asa pa kung ito ang makikipag-usap kay Voraan at sa anim na elder.
Sa huli, malakas ang kutob niya na mayroong kakaiba kay Meiyin na pinag-iinteresan ng mga ankur. Hindi niya alam kung mabuti ito o masama, pero kung mabuti ito, magandang oportunidad iyon para sa kanila.
Samantala, ayaw pa ring magpaawat ni Meiyin kahit na nilatagan na siya ng makabuluhang rason ni Voraan. Naiintindihan niya ang pinanggagalingan ng mga ito, subalit mayroon din siyang ipinaglalaban dito kaya hindi siya sumusuko.
Sinulyapan niya muna si Finn upang makita ang reaksyon nito. Nabigla siya nang tinanguhan siya nito, ganoon man, naisip niyang hudyat ito ng kaniyang kuya na maaari siyang magpatuloy sa ginagawa niya.
“Nakasalalay sa inyong desisyon ang buhay ni Poll kaya pakiusap, pag-isipan n'yo munang mabuti ang desisyon n'yo. Nakikiusap ako,” hayag ni Meiyin.
Pinagdikit ni Voraan ang kaniyang mga daliri. Hindi niya inalis ang kaniyang tingin kay Meiyin at pagkatapos, seryoso siyang nagwika, “Walang rason para pag-isipan namin ang pagbabago sa aming desisyon. Totoong ang pagliligtas ng buhay ay mahalaga at pagpapakabayani, subalit walang rason para iligtas namin ang buhay ng isang tao na walang kaugnayan sa amin. Hindi kami magbebenepisyo, at wala rin naman talaga kaming pakialam sa pagbebenepisyo dahil ang tanging gusto lang namin ay katahimikan at kapayapaan. Kaya kung mapayapa kayong aalis sa aming tribo at hindi na babalik pa, magiging maayos na ang lahat sa pagitan ng ating mga pangkat.”
Nangibabaw ang katahimikan matapos umalingawngaw sa buong silid ang mga sinabi ni Voraan. Hindi matanggap ni Meiyin ang nangyayari. Maging si Eon ay napakuyom na lang ang kamao habang ang kaniyang ekspresyon ay sobrang dilim. Nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin at naiinis siya sa kaniyang sarili dahil wala siyang magawa.
Totoong hindi ganoon kaayos ang pakikitungo nila ni Poll sa isa't isa. Ganoon man, hindi ibig sabihin noon ay magdiriwang na siya sa kasalukuyang sitwasyon kung saan nawawalan na ng pag-asa na gumaling ang karamdaman ni Poll.
Isa siya sa dahilan kung bakit ito nagkaroon ng karamdaman na animo'y isang sumpa. Pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat dahil hindi niya muna inalam ang magiging kapalit sa oras na maisakatuparan ni Poll ang ritwal ng pagbuhay kina Enox at Riyum. Kung alam niya lang, hinding-hindi siya papayag dahil sigurado siya na ikagagalit iyon ng kaniyang master.
Hindi niya kinikilala ang desisyon ng mga ankur. Pakiramdam niya ay hindi patas ang mga ito dahil ipinagdadamot nila ang kayamanang mayroon sila. Maiintindihan niya kung iisa o dadalawa ang Fruit of Life ng mga ankur, subalit nakita niya na napakaraming bunga ng Tree of Life.
Sa kabila nito, wala siyang magawa at hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi niya alam kung paano siya makakatulong dahil sa totoo lang, alam niya sa sarili niya na hindi siya mahusay sa pangungumbinsi. Hirap na hirap din siyang magpakumbaba at nangangamba siya na baka mas lalo lang maging komplikado ang sitwasyon kapag nakisali siya sa usapan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...