Chapter XCV: The Negotiation
Matapos mapansin ng mga nasa espesyal na dibisyon na ang tatlong pigura na papalapit sa kanila ay mga tagalabas na nasa 9th Level Heavenly Supreme Rank lamang, huminahon sila at nabawasan ang kanilang pagka-alerto. Napagtanto rin nila na pamilyar sina Eon sa mga ito. Ibinaba nina Eon, Poll, at Meiyin ang kanilang depensa matapos nilang mamukhaan ang mga bagong dating, at sa totoo lang, ikinagulat ng mga nasa espesyal na dibisyon ang pagtawag ni Eon sa tatlo bilang guro, ama, at ina.
Higit pa roon, ang nakikita nilang galak at pananabik sa mukha nito ay totoo. Ngayon lang nila nakitang ganito ito kasaya. Para itong batang paslit na muling nakita ang mga magulang niya. Dahil mula noong makilala nina Ceemara si Eon, palagi na lang itong nakasimangot o hindi kaya ay nanghahamak.
Sa kabila nito, hindi alam nina Ceemara kung kakampi o kalaban ang mga bagong dating. Hindi nila lubusang inalis ang kanilang pagka-alerto. Nanatili silang handa sa ikikilos ng mga ito para kung sakaling gumawa ang mga ito ng aksyon laban sa kanila, kaagad nilang mapoprotektahan ang kanilang sarili at mga kasama.
Samantala, kung si Eon ay masayang-masaya habang sina Meiyin, Poll, at ang ibang miyembro ng New Order ay hindi makapaniwala sa kanilang nakita, si Grogen ay hindi makikitaan ng pagbabago sa ekspresyon. Hindi siya mababakasan ng pananabik na para bang wala lang sa kaniya kahit nakita niya sina Eon sa lugar na ito. Ni hindi siya ngumiti kahit na sandali, pero siya si Grogen at sanay na sa kaniya sina Eon, Meiyin, at Poll.
Tungkol kina Leonel at Loen, pareho silang nakangiti. Matamis ang ngiti nila kay Eon at tumango sila kina Poll at Meiyin. Gumanti ang dalawa ng ngiti at pagkatapos ng kanilang senyasan, agad na nagsalita si Poll.
“Hindi sila kalaban. Kilala namin sila kaya hindi n'yo kailangang mabahala,” sambit niya upang maliwanagan ang mga nasa espesyal na dibisyon. Inilahad niya ang kaniyang kamay kina Loen at Leonel at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Ang pangalan nila ay Loen at Leonel. Sila ang mga magulang ni Eon at sila ang dating protektor ni guro. Tungkol sa kaniya... siya si kagalang-galang na Grogen. Siya ang guro ni Eon, at siya rin ang gumabay kay guro at sa amin noong nagsisimula pa lang kami bilang adventurer.”
Habang ipinakikilala ni Poll ang tatlo, hindi niya maiwasang maisip na ipaalam sa kaniyang guro ang nangyayari, pero napagtanto niya na hindi niya na kailangang ipaalam agad ang tungkol dito dahil hindi ito biglang pangangailangan. Isa pa, masyado na siyang makakagambala kung maging ang ganitong pangyayari ay ipapaalam niya pa sa kaniyang guro.
‘Sa personal ko na lang sasabihin kay guro ang tungkol sa pagpapakita nina kagalang-galang na grogen. Sa ngayon, aalamin ko muna ang kanilang balak at pag-aaralan ko muna ang kanilang mga kilos,’ sa isip niya.
Habang malalim na nag-iisip si Poll, mas lalo namang napanatag ang mga nasa espesyal na dibisyon matapos niyang ipakilala ang tatlo. Tumuon ang atensyon ng mga ito kay Grogen. Mayroon silang napansin dito at sa totoo lang, kakaiba ang nararamdaman nila rito. Malinaw na nasa 9th Level Heavenly Supreme Rank lang ito, pero ang tindi ng aura nito ay hindi makalalampas sa kanilang matalas na pandama. Mayroong restriksyon ang kapangyarihan nito at habang sinusuri nila ang kailaliman ng tindi ng aura ni Grogen, napagtanto nila na higit pang mas malakas ito kaysa sa kahit na sino sa kanila.
Sa kabilang banda, tinitigan ni Meiyin si Grogen. Nalunod siya sa malalim na pag-iisip habang pinagmamasdan niya ito. Ito ang unang beses na nakita niya ang orihinal na anyo nito dahil noon, nakikita niya lang ito bilang munting itim na nilalang.
‘Parang patalim ang kaniyang mga mata na kapag tiningnan ka ay para kang mamimilipit sa sakit dahil sa lakas ng presyur na dulot niya. Siya ang dating munting nilalang na nakakasalamuha namin sa Myriad World Mirror... siya ang tinatawag ni Kuya Finn na Munting Black,’ sa isip ni Meiyin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...