Chapter V

4.9K 920 72
                                    

Chapter V: Unforeseen

Tinipa-tipa ni Keanu ang lamesa gamit ang kaniyang kuko. Taimtim pa rin ang kaniyang mga mata habang malalim siyang nag-iisip patungkol sa mga impormasyon na inilahad sa kanila ni Kiden. “Hindi pa rin malinaw sa akin ang lahat... Masyadong mahirap magkaroon ng konklusyon sa nangyayari kung marami pang kulang-kulang na piraso ng impormasyon. Sa tingin ko ay mananatili iyang misteryo hanggang sa tuluyan mo nang mahanap ang kinaroroonan ng iyong mga kalahi, at nakalulungkot lang dahil wala kaming maibibigay na tulong sa iyo sa usaping iyan dahil kahit ang Warwolf Clan ay matagal nang naninirahan sa mundong ito, wala pa kaming nababalitaan na kahit anong impormasyon patungkol sa mga axvian,” paglalahad niya.

“Matagal na panahon na mula nang mapunta muli sa lugar ninyo ang Land of Origins... Imposible namang nagmula ka pa sa panahong iyon dahil sa pagkakaintindi ko sa nangyayari, hindi nagkakalayo-layo ang inyong mga edad,” dagdag niya.

Dismayado man, alam ni Kiden na wala na rin siyang magagawa. Pareho silang hindi makapagbigay ng kongkretong impormasyon patungkol sa mga axvian. Ayon kay Keanu, walang naiwang bakas ang mga ito sa Land of Origins habang hindi niya rin alam kung paano talaga siya napadpad noon sa Planetang Accra.

At tama si Keanu na hangga't hindi nila nahahanap ang mga axvian, hindi magkakaroon ng kalinawan kung paano nangyari ang lahat ng nangyari.

Ngumiti si Finn kay Kiden at mahinahon siyang nagwika, “Hahanapin natin ang bakas nila. Sila lang ang natatanging makapaglilinaw sa iyong pagkatao kaya gagawa tayo ng paraan para mahanap sila. Pangako iyan.”

Hindi mapigilan ni Kiden na mapangiti. Kahit na siya ay dismayado dahil hindi pa rin nagkaroon ng kalinawan ang buo niyang pagkatao, masaya siya dahil suportado siya ni Finn sa puntong nagbitaw pa ito ng pangako sa kaniya.

“Maraming salamat, Pinunong Finn! Napakahalaga sa akin ng bagay na ito dahil ito na lang ang pag-asa ko para malaman ko kung sino ba talaga ako,” ani Kiden.

“Hindi ko ito gagawin dahil lang ako ang iyong pinuno; ginagawa ko rin ito bilang ikaw ang isa sa mga kauna-unahang naniwala sa akin noong wala pa akong napapatunayan bilang adventurer, Tiyo Kiden,” matamis na ngiting tugon ni Finn.

Binago ni Finn ang pagtawag niya kay Kiden upang ipaalam dito na kahit nagbago na ang relasyon nilang dalawa, na kahit na naging siya na ang pinuno at ito ay kapitan na sumusunod sa kaniya, hindi niya pa rin kinalilimutan ang kabutihang ipinakita nito sa kaniya noong nagsisimula pa lang siya bilang adventurer.

Nakaramdam din ng labis kasiyahan ang iba pa kagaya nina Noah at Vella. Masaya sila para kay Kiden, at siyempre ay susuportahan nila ang plano ni Finn. Si Noah ang pinakamatalik na kaibigan ni Kiden habang si Vella ang asawa nito. Natural lang na maging masaya sila para dito dahil para iyon sa ikauunlad nito.

Tungkol kina Auberon, Eon, Poll, at sa iba pang naroroon, tutok na tutok ang kanilang atensyon kay Kiden dahil sa kanilang hindi inaasahang malalaman patungkol sa totoong pagkatao nito. Kahit si Eon na mapagmalaki ay napapaisip at hindi makapaniwala nang matuklasan niyang si Kiden ay isang nilalang na may kaugnayan sa isang totoong diyos--at sa isang makapangyarihang diyos pa.

Ganoon man, hindi siya nakararamdam ng inggit; bagkus, ang nararamdaman niya sa kasalukuyan ay labis na kasiyahan dahil para sa kaniya, ang ibig lang sabihin nito ay mayroon silang makapangyarihang kakampi. Pero, hindi ibig sabihin noon ay hindi na siya nakararamdam ng pangamba dahil dito.

Isang katunggali para sa puwesto ng pagiging heneral ang nagpakilala. Nakararamdam siya ng matinding presyur dahil parami na nang parami ang mga karibal niya sa tabi ng kaniyang master.

‘Hmph! Hindi ako papayag na mapag-iwanan ako. Kailangan kong maging malakas kaagad para masigurado kong isa ako sa magiging heneral ni Master!’ Sa isip ni Eon.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon