Chapter LXXXVIII

4.9K 915 36
                                    

Chapter LXXXVIII: Slaughter them and Don't Spare a Single One

Pinuntirya ni Auberon ang ulo ni Raseous at sinigurado niya na sapat ang lakas ng kaniyang atake para durugin ang bungo nito. Kontento na siya sa pagpapahirap na ipinaranas niya rito. Sapat na ang mga ginawa niya. Hindi na niya kailangang magpatuloy pa sa pagpapahirap dito dahil wala na iyong saysay. Isa pa, pinaalalahanan na rin siya ni Finn at dahil wala na siyang nakikitang dahilan para buhayin pa ito, nagdesisyon na siya na wakasan ng tuluyan ang buhay nito.

Sumabog ang ulo ni Raseous matapos tumama rito ang bola ng enerhiyang pinakawalan ni Auberon. Nalusaw ang balat at buhok nito habang ang bungo nito ay napino. Sa pangyayaring iyon, agad ding tinakasan ng buhay si Raseous at sa pagkamatay niya, muling nabuo ang Four Guardians Killing Formation at gumulong ito sa lupa.

Wala na Raseous. Ang pinuno ng Darkeous Clan ay patay na. Malapit na ring bumagsak ang mga puwersang nasa panig nito. Wala silang kahit katiting na pag-asang manalo sa digmaang ito dahil kumpara sa puwersa ng New Order, ang kanilang kabuong lakas ay napakahina.

Una pa lang ay kitang-kita na kung sino ang magwawagi sa digmaan. Lumalaban na lang ang mga nasa panig ng Darkeous Clan para tumagal ang kanilang buhay, ganoon man, hindi nila matatakasan ang kamatayan. Bawat isa sa kanila ay mamamatay dahil kinalaban nila si Finn at sinunod nila si Raseous.

Wala na silang pagpipilian ngayon. Hindi na sila maaaring umatras dahil una pa lang, ito na ang landas na kanilang pinili. Pinili nilang lumaban para kay Raseous. At ito ang kapalit ng kanilang pinili--ang pagdurusa't kamatayan.

Kung sana lang ay gumaya sila sa ginawa ng mga dark elf, hindi na sana sila nadamay. Makaliligtas sana sila sa pagkawasak, subalit masyadong matibay ang pananampalataya at katapatan nila kay Raseous at sa Darkeous Clan. Inakala nila na mayroon silang pag-asang manalo dahil mayroong tutulong sa kanila, ganoon man, walang dumating para tumulong at iligtas sila mula sa kamatayan.

Samantala, matapos masigurong patay na si Raseous, sunod na pinaangat ni Auberon ang Four Guardians Killing Formation na ginamit ni Raseous. Kasalukuyan itong nasa lupa, at dahil may natitira pa itong isang gamit, mapapakinabangan pa rin ito ng ibang miyembro ng New Order.

Pero, bago niya pa tuluyang mapaangat at makuha ang Four Guardians Killing Formation, isang hindi inaasahang pangyayari ang bigla na lang naganap.

May mga kakaibang nilalang ang bigla na lamang lumabas sa anino ng katawan ni Raseous. Hinanggit ng isa sa mga ito ang disko at kaagad na umatras. Tungkol sa ibang kakaibang nilalang, agad na inatake ng mga ito si Auberon.

“Mga shadow knight! Paslangin mo silang lahat, Auberon! Mga tauhan sila ni Brien!” Agad na sigaw ni Finn matapos niyang masaksihan ang paglitaw ng mga shadow knight.

Siya rin ay nagulat sa paglitaw ng mga ito. Hindi niya inaasahan na sa ganoong paraan lilitaw ang mga ito kaya hindi kaagad siya nakagawa ng paraan para maiwasan ang ganitong pangyayari.

Kaagad na kumilos si Auberon matapos niyang marinig ang utos ni Finn. Bumuo siya ng ginintuang espada sa kaniyang kamay at pagkatapos, iwinasiwas niya ito sa katawan ng mga shadow knight na malapit sa kaniya.

Ang mga shadow knight na ito ay nasa Supreme Rank lamang. Mahihinang shadow knight lang sila kaya agad silang namatay matapos silang hatiin ni Auberon sa dalawa. Walang kalaban-laban ang mga ito sa kaniya, pero, sa kabila nito, hindi lahat ng shadow knight ay namatay dahil mayroong isang nakatakas--ang shadow knight na kumuha sa Four Guardians Killing Formation.

Bigla na lamang itong nawala matapos nitong hanggitin ang disko. Malinaw na hindi nito intensyon na atakihin si Auberon. Iba ang layunin nito at iyon ang agad na napagtanto ni Finn. Napasimangot siya dahil sa pangyayaring ito. Agad niyang naunawaan kung ano talaga ang balak ng mga shadow knight. Hindi sila nagtatago sa anino ni Raseous dahil gusto nilang pa-surpresang umatake; bagkus, ang gusto nila ay makuha ang Four Guardians Killing Formation na ginamit nito.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon