Chapter LI: Lifesaving Item
Nang makalabas si Finn sa silid kung saan binuksan niya ang lagusan patungo sa Myriad World Mirror, isang miyembro ng ikalawang dibisyon ang agad na bumungad sa kaniya. Nakatanggap siya ng ulat mula rito na maayos na ang kondisyon ni Matt at nakapagpahinga na ito. Napag-alaman niya na kasalukuyan itong nasa labas ng kastilyo at doon naghihintay sa kaniya. Pinapasabi rin ng nag-uulat na bukod kay Matt, naroroon na rin sina Eon, Poll, Meiyin, at Auberon.
Matapos matanggap ang ulat na ito, kaagad na ring nagtungo si Finn sa labas ng kastilyo para tagpuin ang mga ito. At nang makarating siya roon, kaagad siyang sinalubong nina Auberon, Matt, Poll, Eon, at Meiyin.
Nakausap na ni Finn si Auberon patungkol sa kaniyang pinaplano, at nang malaman nito, nag-alok ito ng tulong subalit walang pag-aalinlangan niyang tinanggihan ito dahil mas gusto niyang narito si Auberon upang pangasiwaan ang New Order. Hindi nagpumilit si Auberon, at ito ang gustong-gusto niya kay Auberon--napakalawak ng pang-unawa nito at naiintindihan nito ang kaniyang mga dahilan. At pagkatapos maipaalam ang kaniyang plano, inatasan niya ito na ipaalam din sa mga namumuno ng iba't ibang dibisyon ang kaniyang pag-alis upang hindi mabigla ang mga ito sa oras na malaman nila na wala na siya sa islang ito.
Sa kabilang banda, personal na nagpaalam si Finn kay Creed. Personal niya itong sinadya sa gawaan ng ikasiyam na dibisyon dahil nag-iwan siya ng mahahalagang habilin dito patungkol sa mga kayamanan ng Beast God na kayamanan na nila ngayon.
--
“Naipaabot mo na ba sa mga kapitan at bise kapitan ng labing-apat na dibisyon ang aking pag-alis?” Tanong ni Finn kay Auberon nang makaharap niya ito.
“Nakarating na sa kanilang lahat ang iyong mensahe, batang panginoon,” agad na tugon ni Auberon. “Ang ibang dibisyon ay hindi nagkaroon ng reaksyon. Siguradong tanggap nila ang iyong plano, subalit ang espesyal na dibisyon... lumapit sa akin ang kanilang mga bise kapitan dahil nais ka nilang makausap.”
Nanatiling blangko ang ekspresyon ni Auberon at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Gusto ka nilang makausap. Ipinahayag nila ang kagustuhan nilang sumama sa iyo, subalit pinigilan ko sila. Naipaunawa ko na rin sa kanila na hindi na magbabago ang iyong isip at mukha namang naniwala sila sa akin. Wala silang pagpipilian kung hindi maniwala dahil kung magpupumilit sila, masasayang lang ang panahon nila ganoon din ang panahon mo, batang panginoon.”
Tumango si Finn at bahagya siyang ngumiti kay Auberon. “Magaling ang ginawa mo, Auberon,” aniya.
Bahagyang umiling si Finn at bumuntong-hininga. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at sinabing, “Kahit na malalakas sila at makatutulong sila sa akin sa oras ng kagipitan, mas panatag ako kung mananatili sila rito para magbantay. Kagaya ng sabi ko, hindi digmaan o labanan ang pupuntahan namin--magtutungo kami sa mga ankur para makiusap kaya mas malaking gulo kung magdadala pa ako roon ng hukbo. Alam ko... Naiintindihan ko...”
Huminga siya ng malalim at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Siguradong gusto nilang sumama dahil natatakot silang may mangyaring masama sa akin bago pa man sila makaalis sa mundong ito. Ang ilan sa kanila ay gusto akong protektahan dahil sa kasunduan, pero nararamdaman ko na mayroon din namang gusto talaga akong protektahan dahil totoong gusto nila akong paglingkuran.”
Marahil nakasama niya na ang mga warwolf, centaurion, silenus, at Arcane Knights sa isang misyon. Naipakita ng mga ito ang kanilang pakinabang, subalit sa kaniya, hindi pa sapat iyon para makuha ang loob niya. Hindi pa rin siya lubusang nagtitiwala sa mga ito. Kahit na sigurado siyang hindi siya ipapahamak ng mga ito, ang kanilang totoong motibo ay hindi pa rin sapat para hayaan niya ang mga ito na bumuntot nang bumuntot sa kaniya.
Ang mga centaurion at silenus ay gusto lang makaalis sa mundong ito habang ang mga Arcane Knights ay gusto ring makaalis dito, pero ang pinakang dahilan nila ay gusto nilang makasama sa mga pupuksa sa mga diyablo. Tungkol sa mga warwolf, tanging si Fenris lang talaga ang masasabi niyang lagay ang loob niya dahil ito lang ang hayagang nagbigay sa kaniya ng kasiguraduhan na gusto siya nitong paglingkuran.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...