Chapter XII: Dumbstruck
Malalim na napaisip si Finn dahil sa mga natuklasan niya patungkol sa misteryosong matanda. Napatulala na lang din siya sa kawalan habang ang mga nakapaligid sa kaniya ay nakatingin lang sa kaniya at naghihintay sa kaniyang sunod na sasabihin. Malalim siyang napaisip dahil una pa lang niyang nakita ang gusgusing matanda ay labis na siyang naging interesado kung sino ito. Hindi niya maramdaman ang presensiya't aura nito na para bang isa lang itong pangkaraniwang tao.
Ganoon man, sa kuwento nina Keanu at sa personal niyang karanasan noong sinubukan niya itong habulin, nasisiguro niya na ang matandang iyon ay makapangyarihan.
Hindi niya man lang ito naabutan kahit na sinubukan niya nang gamitin ang kaniyang buong bilis, at noong hinawakan siya nito sa kaniyang magkabilang balikat, nabalian siya kahit na pisikal na lakas lamang ang ginamit nito.
Napakatibay na ng kaniyang pangangatawan. Hindi siya dapat tinatablan ng mahigpit na paghawak lamang, subalit sadyang napakatindi ng taglay na lakas ng matanda. At kung hindi siya nagkakamali, mas malakas pa ang pisikal nitong lakas kaysa kay Zelruer.
Ang hindi niya lang alam ay kung ano ang tinataglay nitong antas at ranggo. Ganoon man, sa tantiya niya, ang matandang iyon ay isa ring Demigod Rank dahil kung hindi ito isang Demigod Rank, imposibleng makaligtas ito mula sa alyansang nabuo para tugisin siya.
Ang tanong na lang talaga na gustong-gusto niyang magkaroon ng sagot ay ano ang dinanas ng matandang iyon para humantong siya sa ganoon? Kung bakit ang kagaya niyang makapangyarihan ay tila ba nawala sa katinuan.
‘Makapangyarihan siya kaya hindi na dapat naaapektuhan ng mga simple o kahit komplikadong pangyayari ang isipan niya... Ganoon man, bakit siya umabot sa ganoong istado? Bakit wala ring nakakakilala sa kaniya sa kabila ng pamumuhay niya sa mundong ito nang mahabang panahon? Hindi makabuluhan ang mga pinagsama-samang impormasyon tungkol sa matandang iyon..’ Sabi ni Finn sa sarili niya gamit ang kaniyang isip. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa malalim na pag-iisip, ‘Masyadong malaking misteryo ang pagkatao niya. Masyado ring mahiwaga ang paulit-ulit niyang pagbigkas sa nilalang na dumating para tuparin ang propesiya...’
Hindi niya ikinakailang interesado siya sa propesiyang mayroon dito sa Land of Origins. Masyadong kahanga-hanga ang propesiya kung sakali ngang mangyayari iyon dahil ang ideya na makababalik ang Land of Origins sa mundo ng mga adventurer ay isang pangyayaring babago sa takbo ng sanlibutan.
Makakapangyarihan ang mga naninirahan sa mundong ito kaya kapag dumating ang panahon na magbalik ang mga diyablo para sumalakay at mangwasak, malaking karagdagan ang mga nilalang sa mundong ito kagaya na lang ng Creation Palace, mga arkous, at mga warwolf para lumaban sa mga diyablo.
Ganoon man, kahit na interesado siya sa propesiya, sa tingin niya ay wala siyang magagawa tungkol dito dahil kung talagang nakatadhana itong mangyari, mangyayari ito kahit na wala siyang gawin.
Bahagya na lang siyang umiling at isinantabi na muna ang kaniyang mga iniisip. Masyado na silang nagtatagal sa teritoryo ng mga warwolf kaya bumalik na siya sa ulirat upang tuluyan nang makapagpaalam kina Keanu.
“Kung mapanganib pala talaga ang matandang iyon, mag-iingat na ako sa susunod na makita ko siya. Iiwasan ko na lang din siya para hindi na magkaroon pa ng posibleng insidente,” mahinahong sabi ni Finn. “Ikaw na Auberon ang bahalang magbigay-balala sa New Order. Ipaalam mo lang sa mga kapitan ng bawat dibisyon ang aking paalala na kapag nakita ninyong muli ang matandang iyon, iwasan ninyo siya hangga't maaari.”
“Gagawin ko agad ang ipinag-uutos mo kapag nakabalik tayo sa ating teritoryo, batang panginoon,” agad na tugon ni Auberon.
Bahagyang tumango si Finn matapos makuha ang tugon ni Auberon. Binalingan niya na ng tingin sina Keanu at Accalia. matamis siyang ngumiti sa dalawa at sinabing, “Sa pagkakataong ito, seryoso na ang aming pagpapaalam. Hanggang sa muli, Pinunong Keanu, Pinunong Accalia. Maraming salamat sa lahat ng inyong gabay at pagtulong.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...