Chapter LXXI

4.7K 970 59
                                    

Chapter LXXI: Being Extra Careful

“Hmph! Sino ka para magdikta sa amin? Nasa teritoryo ka namin at wala kang karapatan na diktahan kami nang naaayon sa hangad mong mangyari,” sambit ng isang lalaki matapos niyang suminghal. Binigyan niya ng nakamamatay na tingin si Finn at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Isa ka lamang tagalabas at wala kang karapatan na makaharap ang aming pinuno. Kapag hindi ka pa umalis, huwag mo kaming sisisihin kung kahit kailan ay hindi ka na makaaalis dito.”

Hindi na nabigla si Finn sa reaksyon ng pito matapos niyang ihayag ang gusto niyang mangyari. Inaasahan niya nang magiging marahas ang mga ito dahil kahit siya ang tanungin, ang hinihiling niya ay lampas na sa limitasyon.

Isa lang siyang tagalabas na nanghimasok dito, subalit tila ba dinidiktahan niya ang mga ito na iharap siya sa pinuno ng tribo.

Ginawa niya ang lahat para magtunog-maayos ang kaniyang pahayag, subalit sa huli, ganoon pa rin ang ibig sabihin noon kaya ganito na lamang kung magalit ang mga water celestial.

“Hindi ko intensyon na magdikta o manakit ng damdamin. Masyado lang talagang mahalaga ang aking nais sabihin kaya ang gusto kong makausap ay ang mga nasa katungkulan. Sana ay inyong maintindihan na hangad dahil hindi naman ako naparito para makipag-away sa inyo,” mahinahong sabi ni Finn. “Puwede bang gawin n'yo akong eksepsyon? Kahit tagalabas ako, hindi maikakaila na kalahi n'yo pa rin ako,” aniya at bahagya siyang ngumiti.

Muling nakarinig si Finn ng pag-ismid mula sa kaniyang likuran. Kasunod nito, narinig niya muli ang tinig ng isa sa pito na nagtatanong sa kaniyang kung bakit siya nagtungo rito.

“Eksepsyon na ang hindi namin pagdakip at pagpaslang sa iyo sa kabila ng iyong tahasang pagtapak sa aming teritoryo. Kung ibang tagalabas ang nagtungo rito, hindi kami magdadalawang-isip na kumitil. Gayunpaman, isa ka sa amin at ikaw ay makasaysayang nilalang dahil sa iyong mga tinataglay na kakayahan kaya naman binigyan ka namin ng pagkakataon na maipahayag ang iyong hangarin,” anito. Ngumisi siya kay Finn at nagpatuloy, “Subalit, kung ang intensyon mo sa iyong pagparito ay ang umanib sa amin, mapag-uusapan natin iyan at ihahatid ka pa namin sa aming pinuno.”

Napakunot ang noo ni Finn. Hindi niya inaasahan na kabaligtaran ang gustong mangyari ng mga ito. Ang dahilan niya kaya siya naparito ay gusto niyang makipagkasundo sa mga ito para maglingkod sa kaniya. Gusto niyang kuhanin ang serbisyo ng mga water celestial sa mundong ito, subalit napagtanto niya na ang gusto pala ng mga ito ay maging kaanib siya ng mga ito.

Siyempre, hinding-hindi papayag si Finn na mangyari iyon. Hinding-hindi siya aanib sa mga water celestial sa mundong ito dahil kapag ginawa niya iyon, bibigyan siya ng restriksyon ng Land of Origins at kagaya ng mga naninirahan dito, hindi na rin siya makakaalis sa mundong ito.

Makukulong siya rito at lahat ng pinangakuan niya ay mabibigo dahil hindi niya na maisasakatuparan ang kanilang layunin na maging pinakamalakas na puwersa sa buong mundo. Madidismaya rin ang mga umaasa sa kaniya dahil kapag umanib siya sa tribo ng mga water celestial, hindi na siya magkakaroon ng pagkakataon na mawakasan ang kasamaan ng mga diyablo.

“Paumanhin, pero wala sa isip ko ang magpatali sa mundong ito. Mayroon akong puwersang pinamumunuan at mayroon kaming sariling layunin na nais maisakatuparan,” tugon ni Finn sa pinakamalambot na tinig na kaya niyang bigkasin.

“Kung gayon, umalis ka na. Hindi kami bukas para sa isang diskusyon,” sabi ng isang babaeng water celestial.

Napagtanto ni Finn na walang sinoman sa pito ang gustong pumanig sa kaniya. Bawat isa sa mga ito ay pinapaalis siya kaya mas lalo siyang nakararamdam ng komplikasyon dahil mas nahihirapan siyang mag-isip ng paraan kung paano niya makukumbinsi ang mga ito na dalhin siya sa kanilang pinuno.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon