Chapter LXVIII: Cleaning the Mess
Pinanood ni Auberon sina Eon, Poll, at Meiyin habang naglalakad ang mga ito papalapit sa kaniya. Ang kaniyang ekspresyon ay blangko at pasimple niyang sinusuri ang bawat isa sa tatlo kung nagkaroon ng pagbabago sa mga ito.
Wala siyang napansin na pagtaas ng antas o ranggo mula sa mga ito, ganoon man, mayroon siyang napansing pagbabago sa katawan ni Poll--partikular na sa life force nito.
“Nagbalik na kami, Heneral Auberon. Pinabalik kami ni guro dahil mayroon siyang misyon na ipapagawa sa amin,” ani Poll.
“Alam ko,” agad na tugon ni Auberon. “Sinabi na sa akin ng batang panginoon kung ano ang dapat gawin. Nakapagpadala na rin ako ng magpapaabot ng kaniyang mensahe sa mga bise kapitan ng espesyal na dibisyon kaya asahan ninyong maya-maya lang ay makakakuha na tayo ng tugon mula sa kanila,” dagdag niya.
“Sinabi ba ni Kuya Finn na makakasama ka namin, Heneral?” Tanong ni Meiyin.
“Hindi. Kayo lang ang magtutungo roon kasama ang ilang miyembro ng espesyal na dibisyon. Hindi na kailangan ang aking presensya roon dahil mas kailangan ako rito,” simpleng tugon ni Auberon. “Sa kabila nito, ipinag-utos ng batang panginoon na si Eon ang tatayo ninyong lider sa inyong isasagawang paglalakbay at pakikipagsapalaran patungo sa lugar na iyon.”
Agad na nagkaroon ng pagbabago sa ekspresyon nina Meiyin at Poll. Magkasabay silang napatingin kay Eon at hindi napigilan ni Poll na magsalita.
“Si Eon ang mamumuno..? Sigurado ba si guro sa gusto niyang mangyari?” Aniya.
Nakaramdam ng inis si Eon at tila ba nagpanting ang kaniyang tenga dahil sa sinabi ni Poll. Masama siyang tumingin dito at mariing sinabing, “Pinagdududahan mo ba ang kakayahan kong mamuno?!”
“Huwag mong masamain ang sinabi ko. Kahit ako ay wala ring gaanong kakayahan sa pamumuno, subalit masasabi kong mas maaasahan naman ako sa ganiyan. Tungkol sa iyo...” huminga nang malalim si Poll bago siya nagpatuloy sa pagsasalita, “Masyado kang padalos-dalos sa pagdedesisyon. Walang duda na ikaw ang pinakamalakas sa ating tatlo, pero ang iyong gusto palagi ay ang pumaslang. Hindi ganoon ang matalinong pamumuno--malayong-malayo sa klase ng pamumuno ni guro.”
Mas lalong nanggalaiti si Eon. Naiintindihan niya ang pinupunto ni Poll, pero nagagalit pa rin siya dahil dito galing ang mga salitang iyon. Magsasalita na sana siya upang tutulan ang mga sinabi nito, subalit muli itong nagsalita at hindi niya na alam kung ano ang itutugon niya.
“Pero... wala na rin naman kaming magagawa. Ikaw ang pinili ni guro na mamuno at siguradong may dahilan siya. Huwag mo lang ipapahamak ang grupong ito dahil hindi ako magdadalawang-isip na palitan ka,” buntong-hiningang sabi ni Poll.
“Hmph! Para namang may kapabilidad kang higitan ako,” ani Eon matapos niyang umismid. Binigyan niya ng nanghahamak na tingin si Poll at dahil nasiguro niya nang siya ang mamumuno sa kanilang pangkat, hindi niya ikinubli ang kaniyang pagmamalaki.
Tungkol kina Meiyin at Poll, nagkatinginan na lang sila dahil iba ang nararamdaman nila sa bagay na ito. Hindi nila alam kung may magandang kahahantungan ang pamumuno ni Eon, subalit hindi na sila makakapagreklamo dahil ito ay direktang utos mula kay Finn.
Samantala...
Nananatili pa rin si Finn sa malawak na kagubatan. Nakapagdesisyon na siya para sa kaniyang susunod na gagawin: disidido na siyang patahimikin ang tatlong tauhan ni Delphine na sunod nang sunod sa kaniya. Kailangan niya itong gawin dahil sumunod sa kanila ang mga ito hanggang dito at mayroon pang nakita ang tatlo na hindi dapat.
Ikinalat niya ang kaniyang pandama. Pinakiramdaman niyang mabuti kung nasaan ang tatlong earth celestial na nag-e-espiya sa kanila at habang hinahanap niya ang lokasyon ng mga ito, kasalukuyan pa ring walang ideya sina Diar, Goran, at Zeleste na mayroong nag-aambang delubyo sa kanila.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...