Chapter LXXIII

5.1K 962 88
                                    

Chapter LXXIII: Taunting

Malinaw ang panunuya sa mga salitang binigkas ni Kaimbe. Hinahamon siya nito sa pamamagitan ng mga mapanghamak na salita, subalit sa kaniyang mayamang karanasan mula nang siya ay mabuhay, ngayon ay hindi na siya nagpapadala sa ganitong klase ng mababang pangungutya

Hindi siya nagpaapekto sa mga sinambit nito. Nanatili lang siyang kalmado habang taimtim na nakatingin dito.

“Kaimbe,” mariing pagtawag ni Eaton.

Halata sa pinuno ng tribo na hindi ito nasisiyahan sa binabalak ni Kaimbe. Mas lalo pang lumamig ang ekspresyon nito at ang ibinibigay nitong tingin kay Kaimbe ay nakamamatay.

“Tumigil ka na, Kaimbe. Wala kang makakamtan sa binabalak mo. Kapag itinuloy mo ang paghahamon sa kaniya, ipapahiya mo lang ang iyong sarili gayundin ang ating tribo. Isa kang Saint Rank habang siya, marahil isa siyang Immortal Rank, pero ang kaniyang antas at ranggo ay nalilimitahan lang sa 9th Level Heavenly Supreme Rank. Kahit saang anggulo mo pa tingnan, hindi patas ang inyong laban kaya tumigil ka na at bigyan mo ang ating tribo ng kahihiyan,” sabi ng isa sa kaninang pitong pumalibot kay Finn.

“Maaari bang huminahon lang kayo? Hindi ko naman siya lalabanan gamit ang aking aktuwal na kapangyarihan. Nais ko lang na magkaroon kami ng simpleng tunggalian para makumpirma ko kung talaga ngang totoo ang mga kumakalat na balita,” tugon ni Kaimbe na para bang hindi siya natatakot sa galit na nararamdaman ng iba niyang ka-tribo. Nagagawa niya pang ngumisi at magsalita ng mapaglaro. “Ipapantay ko lang sa kaniyang kasalukuyang lakas ang lakas ko. Puwede na ba iyon?” dagdag niya.

“Talagang matigas ang iyong ulo. Sa tingin mo ba ay walang pinagkaiba ang lakas ng isang aktuwal na 9th Level Heavenly Supreme Rank at isang kagaya mong ibababa ang antas at ranggo para pumantay kaniya? Tumigil ka na dahil kapag nalaman ito ng ibang celestial ganoon din ng iba pang naninirahan sa mundong ito, gagawin nila tayong katawa-tawa,” inis na sambit ng isa pang water celestial.

Sa pagkakataong ito, bumakas na ang pagka-irita sa ekspresyon ni Kaimbe. Sumimangot siya at nanlamig ang kaniyang mga mata. Tumingin siya sa mga kapwa niya water celestial at sinabing, “Ipaubaya n'yo sa akin ang isang ito. Maglalaban kaming dalawa at patutunayan ko sa inyo na walang makahihigit sa akin bilang isang water celestial.”

“Kung hindi pa rin patas ang tunggaliang gusto kong mangyari, maaari niyang tawagin ang kaniyang mga manika. Kayang-kaya kong lumaban kahit pa sa apat dahil wala rin naman iyong pinagkaiba. At kung hindi pa rin sapat ang kaniyang mga manika, hahayaan ko siyang gamitin ang kaniyang mga kayamanan. Hindi ba't nakakaya ng kaniyang Four Guardians Killing Formation na pansamantalang pataasin ang antas at ranggo ng isang adventurer? Gamitin niya iyon laban sa akin para magkaroon man lang siya nv laban,” hayag niya pa.

Napailing na lang si Eaton dahil sa inaasta ni Kaimbe. Kilala niya ito at malinaw sa kaniya na wala itong balak na tumigil kapag disidido na ito. Ganoon man, hindi pa rin siya pumapayag sa gusto nitong mangyari. Gusto niyang iligtas mula sa kahihiyan ang kanilang tribo kaya hangga't maaari, pipigilan niya ang binabalak nito.

Para sa kaniya, walang benepisyo ang binabalak ni Kaimbe na pakikipaglaban kay Finn. Negatibo lang ang kahahantungan nito ano pa man ang maging resulta ng laban. Sila lang ang mapapahiya at kukutyain ng ibang tribo ng mga celestial.

“At ano ang mapapala ko sa pakikipaglaban sa iyo? Magsasayang lang ako ng panahon kaya kailangan kong tanggihan ang hamon mo,” ani Finn.

Wala siyang nakikitang dahilan para tanggapin ang hamon ni Kaimbe. Hindi siya natatakot na matalo, subalit ayaw niyang lumaban kung wala itong patutunguhan. Pagsasayang lang iyon ng panahon at isa pa, madaling hulaan kung ano ang magiging resulta ng laban. Matatalo siya dahil ang tunggaliang gusto nito ay hindi patas--sobrang hindi patas nito dahil sa laki ng agwat ng kanilang antas at ranggo.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon