Chapter XX: Finishing Seclusion
Isinara ni Finn ang pinto ng kaniyang silid na tinutuluyan matapos niyang lumabas mula rito. Sinimulan niya na ang paglalakad patungo sa bulwagan na siguradong kinaroroonan ng mga kapitan, bise kapitan, at mga pangkaraniwang miyembro ng New Order. Itinigil niya na ang pagninilay-nilay. Tinapos niya na ang kaniyang pagsasanay sa kaniyang elemento ng kuryente kahit na hindi pa niya ito lubusang napapatatag.
At ang dahilan? Masyado na siyang nagtatagal sa pananatili sa kaniyang silid. Mayroon siyang mga panauhin at hindi niya pa nakakahalubilo ang mga ito kaya nagdesisyon siyang ihinto na muna ang kaniyang ginagawa para harapin at kumustahin ang mga ito.
Kahit na nariyan sina Auberon para harapin ang mga ito, iba pa rin kung siya ang haharap lalo na't siya ang nag-imbita sa mga ito na sumama sa kaniya patungo sa kanilang teritoryo--totoo ito para sa mga pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light.
Inimbita niya sina Aemir upang ibigay sa mga ito ang kaniyang regalo at pambawi sa mga nakaraang tulong ng mga ito sa kaniya noong napakahina pa lamang niya.
Marahil kailangang-kailangan ng New Order ang mga kayamanan para sa kanilang layunin, ganoon man, hindi masama na bumawi siya sa mga ito lalo na sa mga nakasama niya sa nangyaring labanan sa Holy Land of Erekia.
Dahil napunta lahat sa kaniya ang kayamanan kapalit ng bangkay ng mga Musikeros, pakiramdam niya ay mayroon siyang utang sa mga pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light na naghirap ding makipaglaban. Napunta sa kaniya ang mga Black Adamantium Metal ni Brien ganoon din ang iba pang materyales sa pagbuo ng Unique Armament dahil iyon ang naging desisyon nina Yasuke.
At ngayong mayaman na sila sa mga kayamanan, hindi siya manghihinayang na bumawi sa mga ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Unique Armament at iba't ibang kayamanan na makapagpapaangat sa Order of the Holy Light.
Isa pang dahilan kaya determinado siyang bumawi sa mga ito ay dahil kay Auberon.
Bumaba si Auberon sa pamumuno para maglingkod sa kaniya. Nawalan ng malakas na pinuno ang Order of the Holy Light, at dahil pakiramdam niya ay siya ang pangunahing dahilan kaya nangyari ito, gusto niya na kahit papaano ay bigyan ang Order of the Holy Light ng pagkakataon na magkaroon ng kasing lakas ng dating Auberon na mamumuno sa kanila.
Hindi nagtagal, matapos ang patuloy niyang paglalakad, narating niya ang bulwagan at naabutan niya roon sina Oriyel, Devehra, at Whang. Wala roon sina Aemir, Porion, Vardis, at Minerva ganoon din ang mga matataas na opisyales ng New Order.
Ganoon man, ang kasa-kasama nina Oriyel at mga pangunahing miyembro ng New Order ay ang mga bagong tauhan niya--si Fenris at ang mga kasama nitong warwolf.
Sa kaniyang pagdating, nakuha niya kaagad ang atensyon ng mga nasa bulwagan. Sumaludo ang mga miyembro ng New Order upang magbigay-galang at nginitian niya ang mga ito bilang tugon.
Tuloy-tuloy siyang nagtungo sa kinaroroonan nina Devehra. Binati niya muna ang mga ito at kinumusta, at nang malaman niyang komportable ang mga ito sa kanilang air ship, sinimulan niya na ang pagtatanong sa tatlo patungkol sa kinaroroonan nina Aemir, Porion, Minerva, at Vardis.
“Nasa taas sila kasama sina Pinunong Auberon. Sabi nila ay gusto nilang nasa labas sila para kung sakaling magkaroon ng problema, makatutulong sila sa inyong mga kapitan at bise kapitan,” paglalahad ni Whang.
Bahagyang tumango si Finn kay Whang. Tiningnan niya ang dalawa pa at nagtanong, “Gusto n'yo bang umakyat din? Pinaplano kong doon na manatili hanggang sa marating natin ang aming teritoryo.”
Nagkatinginan ang tatlo at kaagad silang tumango sa isa't isa. Naisip nila na sumama na lang din kay Finn dahil wala silang ginagawa sa bulwagan kung hindi ang magkwentuhan. Wala silang hinihintay o binabantayan dito. Mas pinili lang nila rito dahil tahimik dito at walang gumagambala sa kanila. Ganoon man, naiisip na rin nilang umakyat dahil lahat ng kasama nila ay nasa taas. Nakahanap lang sila ng dahilan ngayon at iyon ay ang sumama kay Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...