Chapter XXI

4.7K 942 41
                                    

Chapter XXI: Crowded

“Patuloy ang pagdating ng mga nagnanais makipagnegosasyon sa atin tungkol sa Four Guardians Killing Formation at Conveying Sound Inscription. Padagdag sila nang padagdag. Mula sa iba't ibang puwersa ang dumarating at sa imbestigasyong isinasagawa namin, kilala ang karamihan sa kanila bilang namumunong puwersa sa iba't ibang upper realm,” seryosong sabi ni Brant Doria, ang ikatlong bise kapitan ng ikasiyam na dibisyon ng hukbo ng New Order. “Ano'ng gagawin natin sa kanila, Kapitan Creed? Papapasukin ba natin sila o hahayaan muna natin sila na maghintay sa labas ng ating teritoryo? Humihingi na sila ng tugon. Ang karamihan sa mga nakausap na natin ay hindi pa rin umaalis at naghihintay pa rin sa pagbabalik ni Pinunong Finn. Siguradong hindi nila matanggap ang naging tugon natin sa kanila kaya ang gusto nilang makausap ay ang ating pinuno.”

“At base pa sa mga mensahe ng mga miyembro ng ikalawang dibisyon, ang mga hindi pa natin nakakausap ay naiinip na at may mga nagpupumilit pang makapasok para makausap tayo tungkol sa dalawang kayamanan na mayroon tayo,” dagdag niya.

Sa naging ulat ni Brant, malalim na napaisip si Creed habang tinitipa niya ng mga daliri niya ang ibabaw ng mesa. Halata sa kaniyang mukha ang komplikasyon. Tensyonado na siya dahil sa mga nangyayari sa kasalukuyan, at hindi niya alam kung ano ang kaniyang uunahin dahil sa rami ng kailangan niyang pagkaabalahan.

Napakarami niya pang trabaho na kailangang gawin, dumagdag pa ang mga indibidwal, pangkat, at puwersa na nais makipag-usap sa kanila tungkol sa Conveying Sound Inscription at Four Guardians Killing Formation.

Siya ang naatasan ni Finn na mangasiwa sa bagay na ito, pero sa kasalukuyan ay hindi niya na alam ang kaniyang gagawin dahil masyado nang marami ang bumibisita sa kanila lalo na nitong mga nagdaan. Hindi na nila kayang tumanggap pa ng panauhin dahil sa ngayon, mayroon pang mga panauhin na sumasalang sa pagtatasa para maging miyembro ng New Order.

“Dapat ay nagdiriwang tayo ngayon dahil sa balitang kumakalat na si Pinunong Finn ang nagwagi sa kompetisyon sa angkan ng mga warwolf, pero...” bumuntong-hininga si Creed at pilit na ngumiti. Umiling-iling pa siya at nagpatuloy sa pagsasalita, “Hindi tayo makapagdiwang dahil mas lalong dumagsa ang mga adventurer na nais sumali sa atin at nais makipagnegosasyon sa atin. Mayroon pang gustong makipag-alyansa, subalit hindi ko naman alam kung ano ang itutugon ko sa kanila. Hindi ko alam kung paano pangangasiwaan ang ganito kakomplikadong sitwasyon dahil ang tanging sinabi lang ni Pinunong Finn ay bukas lang ang New Order sa pakikipagnegosasyon kung mayroong kapaki-pakinabang na maiaalok ang sinoman.”

“Wala pa akong nakikitang kapaki-pakinabang sa mga iniaalok nila kaya tinanggihan ko sila at pinaalis muna. Mas mabuti kung hihintayin ko na lang si Pinunong Finn upang siya na ang personal na humusga kung may karapat-dapat ba sa kanila na makanegosasyon ng New Order patungkol sa Conveying Sound Inscription at Four Guardians Killing Formation,” dagdag niya.

“Sumasang-ayon ako at sinusuportahan ko ang iyong desisyon, Kapitan Creed. Isa pa, kung talagang hangad nilang makipagnegosasyon sa atin, kailangan nilang maghintay lalo na't sila ang may kailangan sa atin at hindi tayo ang may kailangan sa kanila,” seryosong hayag ni Brant.

Bahagyang tumango si Creed. Umayos siya ng pagkakaupo at marahang nagwika, “Hindi rin tayo maaaring magpapasok ngayon ng mga panauhin dahil tumatanggap din ang dibisyon ni Kapitan Augustus ng mga nagnanais sumali sa New Order. Marahil mahigpit ang seguridad dahil sa pagbabantay ng ikalawang dibisyon at ng mga miyembro ng unang dibisyon, subalit kailangan pa rin nating mag-ingat. Kailangan pa rin nating gawin ang ating responsibilidad bilang bahagi ng New Order at hindi naman tayo maaaring umasa na lang sa mga kawal na ipinadala ng Creation Palace para bantayan ang sarili nating teritoryo.”

Huminga ng malalim si Creed. Sumandal siya ulit sa kaniyang inuupuan at pabulong na sinabing, “Sana lang ay makabalik na sila... Mas mapapadali kung si Pinunong Finn ang mismong magdedesisyon para sa mga panauhin at mas matatakot gumawa ng kalokohan ang mga nagbabalak ng masama kapag naririto na ang malalakas na miyembro ng ating puwersa.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon