Chapter III: Meaningful
Kasalukuyang pinakikinggan ni Zelruer ang mahahalagang impormasyon na ibinabahagi sa kaniya ng elder ng Warwolf Clan patungkol sa nalaman nila kay Finn. Katatapos na niya lang alamin ang mga impormasyon na maaari niyang malaman tungkol sa Land of Origins, at ngayon ay kaswal na ipinapaalam sa kaniya ng kaniyang kausap na elder ang mga ginawang kamangha-manghang bagay ni Finn bago pa ito magtungo rito at lumahok sa kompetisyon.
Hindi pinigilan ni Zelruer ang elder sa pagsasalaysay nito patungkol kay Finn; bagkus, nagpakita pa siya ng interes dahil nais niya ring maunawaan ang lahat ng tungkol kay Finn.
Alam niya kung bakit nagkusa ang elder na isalaysay sa kaniya ang tungkol sa mga bagay na ito--sigurado siyang ito ay para pasimple siyang bigyan ng paalala na hindi magandang hakbang na kalabanin si Finn, at habang nalalaman niya ang lahat, doon niya napagtanto na ang tumalo sa kaniya ay talagang hindi pangkaraniwang adventurer lamang.
“Mas mainam na kaibiganin o iwasan na lang si Finn Silva kaysa kalabanin. Masyadong misteryoso ang pagkatao niya at ng mga nakapaligid sa kaniya. Ang kaniya ring malawak na koneksyon ay hindi pangkaraniwan. Kung kakalabanin mo siya, para mo na ring kinalaban ang mga arkous, ang Creation Palace, at kami--ang Warwolf Clan,” malumanay na sabi ng elder. Huminga siya ng malalim at bumaling siya sa ibang direksyon bago siya magpatuloy sa pagsasalita, “Hindi ito pagbabanta, Zelruer. Pinapaalalahanan lang kita bilang ikaw ay panauhin din ng aming angkan. Makapangyarihan ka sa labas ng mundong ito, subalit dahil narito ka, limitado lang ang kakayahan mo at hindi mo malayang magagawa ang mga balak mo.”
“Sa mundong ito, protektado si Finn Silva ng kaniyang mga kasama ganoon din ng iba't ibang puwersa na kumaibigan sa kaniya. Hindi matalinong desisyon kung maghihiganti ka sa kaniya dahil lang natalo ka sa kaniya sa kompetisyon,” dagdag niyang pahayag at taimtim niyang tinitigan ang mga mata ni Zelruer.
Sa kabilang banda, umismid si Zelruer sa elder. Bahagya siyang tumawa at sinabing, “Sino bang may sabi na balak kong maghiganti kay Finn Silva? Kahit pa hindi ko nalaman ang mga sinabi mo, wala akong plano na maghiganti sa kaniya dahil makitid lamang ang utak ng gagawa ng bagay na iyon.”
“Hindi ako mapaghiganting adventurer. Walang dahilan para maghiganti ako dahil malinis ang aming naging laban. Kahit na pakiramdam ko ay nagpipigil pa siya at mayroon pa siyang kayang ilabas, hindi ko gaanong iniintindi iyon. Natalo ako sa kaniya at tinatanggap ko ang pagkatalo ko, subalit hindi ko sinasabi na hindi ko susubukan na bumawi sa kaniya sa tamang panahon,” hayag niya.
Hindi pa siya roon natapos at makahulugan siyang ngumiti sa elder. Inilahad niya ang kaniyang kamay at malumanay na nagwika, “Kung talagang layunin niyang maging pinakamalakas, siguradong magtutungo siya sa divine realm para makipag-agawan ng trono sa mga emperador at imperatris. Masyado pa siyang mahina ngayon, subalit kapag naabot niya na ang angkop na lakas, hihintayin ko ang pagdating niya sa divine realm at hahamunin ko siya sa isang laban.”
“Naniniwala akong maaabutan niya ako. Malaki ang kaniyang potensyal kaya siguradong pagdating ng panahon, maaabot niya ang Demigod Rank.”
Seryosong pinagmasdan ng elder si Zelruer. Napakunot ang kaniyang noo at malumanay siyang nagwika, “Ibig mo bang sabihin ay balak mong kalabanin si Finn Silva? Pareho lang kayo ng layunin... ang mang-agaw ng trono at maging pinakamalakas sa inyong mundo. Ibig sabihin, makikipagdigmaan ka sa kaniya at susubukan mo siyang patayin.”
Ngumisi si Zelruer at sumipol-sipol siya. Mapaglaro niyang tiningnan ang elder at nakangiti siyang nagwika, “Mayroon bang problema roon? Magpatayan man kami ni Finn Silva, labas na ang iba roon. Pero, bilang pasasalamat na rin sa iyong kusang pagpapaalam sa akin ng tungkol sa mga napagtagumpayan ni Finn Silva, ipapaalam ko rin sa iyo na hindi ko siya nakikita bilang kalaban.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...