Chapter LXXXIX

5K 860 41
                                    

Chapter LXXXIX: The Mastermind

Naglaho ang makahulugang ngiti sa mukha ni Vasiara matapos niyang masaksihan ang muling pagbalik ng katawan ni Finn sa ayos. Hindi niya akalaing papalpak ang kaniyang plano. Buong akala niya ay mapapatay na ito ng mga shadow knight sa pamamagitan ng kanilang biglaang pag-atake, subalit nagkamali siya. Masyado niya pang minaliit ang kakayahan ni Finn, at hindi rin siya masisisi tungkol sa bagay na ito dahil unang-una, hindi niya alam kung ano ang kayang gawin nito.

Hindi niya ito nakitang lumaban noon sa Holy Land of Erekia. Wala siyang alam sa kakayahan nito dahil bago pa ito makasalang sa laban, wala na siya, natalo na siya ni Altair. Bukod pa roon, hindi ipinaliwanag sa kaniya ni Brien ang mga kayang gawin ni Finn kaya ngayon, nasayang ang kanilang pagkakataon at sila na ngayon ang nalalagay sa alanganin.

Kaagad na pinabalik ni Vasiara ang limang shadow knight sa kaniyang tabi. Ipinalibot niya ang mga ito sa kaniya at ginawa niyang pananggalang ang mga ito para kung sakaling may umatake sa kaniya, sila ang matatamaan at hindi siya.

“Talagang interesante ka, Finn Silva. Napaniwala mo ako na iyon na ang katapusan mo, pero mayroon ka pa palang alas na itinatago. Nahihiwagaan tuloy ako kung kahit ang kamatayan ay ayaw ka pang makasama,” sambit ni Vasiara.

Itinago niya na ang kaniyang arpa dahil alam niyang sa mga sandaling ito, hindi siya maaaring magpakampante. Kaunting pagbabalewala niya lang sa sitwasyon ay siguradong malaki ang magiging kapalit. Nasa alanganin siya ngayon at hindi malabong ikamatay niya kapag nagpabaya siya.

Marahil wala siyang gaanong pagpapahalaga sa kaniyang buhay, subalit hangad niya pang makaranas ng mas kasiya-siyang mga bagay dahil ito ang nagbibigay-kontento sa kaniya. Kung mapapatay siya ni Finn dito nang hindi siya nakakalaban, hindi niya iyon ikasisiya.

Inilahad ni Finn ang kaniyang kamay at mapagmalaking sinabing, “Ang mga ganoon kababang pakulo ay hindi tatalab sa akin. Mag-isip pa kayo ng iba pang paraan dahil hindi n'yo ako mapapatay sa gano'n lamang. Sinasalungat ko ang sarili kong kapalaran kaya natural lang na maging ang kamatayan ay kaya kong takasan.”

“Ikaw? Hindi ba't natakasan mo rin ang kamatayan? Dapat ay patay ka na, pero andito ka--buhay na buhay,” makahulugang sambit niya.

Patay na dapat si Vasiara matapos nitong matalo kay Altair sa sarili nitong laro. Humiwalay na ang kaluluwa nito sa katawan, pero nagawa pa rin itong buhayin at tila ba wala itong dinaramdam na masamang epekto hindi kagaya ng nangyari kina Poll, Enox, at Riyum.

Dahil dito, nahiwagaan si Finn kung anong klaseng pagbuhay sa mga patay ang isinagawa ni Brien. Ang pagsasagawa ng ritwal sa pamamagitan ng siyam na body and soul pill ay may mabigat na kapalit. Ganoon man, sa nakikita't nararamdaman ni Finn, hindi nakararamdam ng ganoong sumpa si Vasiara.

Sa kabilang banda, sa totoo lang, gustong-gusto niya nang atakihin si Vasiara. Kating-kati na ang kaniyang mga kamao na durugin ang bungo nito, subalit hindi niya iyon agad na ginawa dahil may gusto siyang makuha rito.

Nais niya pang makakuha ng kahit katiting na impormasyon mula kay Vasiara. Kailangan niya pang makagawa ng paraan para malaman kung ano ang binabalak ni Brien. Mahihirapan siyang pagsalitaan si Vasiara, subalit wala siyang pagpipilian.

Madali niya sanang malalaman ang lahat kung mahuhuli niya ito ng buhay, pero hindi siya maaaring sumugal sa sitwasyong ito. Nag-iisa lang siya ngayon habang ang nasa panig ni Vasiara ay anim na 9th Level Heavenly Supreme Rank. Kumpyansa siya na siya ang magwawagi kung harapan siyang lalabanan ng mga ito, subalit kung babalakin ni Vasiara na tumakas, wala siyang magagawa dahil siguradong aabalahin siya ng limang 9th Level Heavenly Supreme Rank na shadow knight.

Magandang ideya rin ang pagtawag kina Reden, ganoon man, kapag ginawa niya iyon ay siguradong tatakas agad si Vasiara at hindi ito susubok na makipaglaban.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon