Chapter XXVII: Until Again
“Ipabatid mo kina Kapitan Altair at Kapitan Yuros na inihahanda ko na ang mga regalong ibibigay natin sa ating mahahalagang panauhin. Sabihan mo sila na maghintay pa ng maikling panahon dahil pagkatapos kong maihanda ang mga kayamanan, at pagkatapos ni Kapitan Creed makipagtransaksyon sa mga panauhin, ang pagpupulong sa pagitan ng mga miyembrong may matataas na posisyon ay agad kong sisimulan,” utos ni Finn sa isa sa dalawang miyembro ng ikalawang dibisyon na nagbabantay sa pinto ng gawaan ng mga blacksmith ng New Order.
“Ngayon din, Panginoon!” Pagsaludo nito at kaagad siyang umalis para gawin ang utos ni Finn.
Nang makaalis ito, pinabuksan ni Finn ang pinto ng gawaan sa isa pang miyembro ng ikalawang dibisyon. Walang pag-aalinlangan siyang pumasok. Agad niyang narinig ang napakaingay na banggaan ng mga metal. Naaamoy niya rin ang animo'y nasusunog na bakal habang may mga naririnig siyang usapan at sigawan sa pagitan ng mga panday.
At nang makita siya ng mga miyembro ng ikalabing-isang dibisyon, saglit na napahinto ang mga ito sa kani-kanilang ginagawa. Humina ang ingay at huminto sa paglalakad ang mga pagala-gala habang may bitbit na mga materyales.
Halata ang pagkabigla sa mga ito. Hindi sila agad nasabihan na darating ang kanilang pinuno sa gawaan kaya hindi sila nakapaghanda. Sobrang abala sila sa kani-kanilang trabaho habang may iba na talagang hindi makahinto dahil kasalukuyan silang sumasailalim sa seryosong pagpapanday.
Ang gawaan ng ikalabing-isang dibisyon ay simple lang: may tanghalan na maaaring pagpandayan para maturuan o magabayan ang ibang miyembro at may mga pribadong silid para sa mga panday na nais magpanday nang tahimik at walang umaabala.
Habang nakangiting pinagmamasdan ni Finn ang paligid, si Earl na mula sa kaniyang opisina ay nagmamadaling tumakbo patungo sa kaniya. Halata ang pagkataranta sa kaniya at nang makalapit siya ng tuluyan kay Finn, kaagad siyang sumaludo.
“Paumanhin kung hindi ko naihanda ang ikalabing-isang dibisyon. Hindi ko alam na bibisita ka rito, Pinunong Finn!” Ani Earl habang nakasaludo.
“Hindi na kailangan. Naparito lang ako para makigamit ng gawaan kaya hindi n'yo ako kailangang alalahanin. Ituloy n'yo lang ang inyong mga ginagawa dahil baka ako pa ang nakakaabala sa inyo,” ani Finn.
Kaagad na umiling-iling si Earl habang animo'y iniiling niya rin ang kaniyang mga kamay.
“Ang ibang miyembro ganoon din ang aking mga bise kapitan ay abala sa kani-kanilang trabaho, subalit hindi ako. Inaasikaso ko lang ang ilang dokumentong pang administratibo sa aming dibisyon, at kumpara sa iyong presensya, maaari ko naman iyong pansamantalang iwanan, Pinuno,” masiglang tugon ni Earl.
Napahawak at napahimas si Finn sa kaniyang baba. Halatang nag-iisip siya at makaraan ang ilang sandali, muli niyang tiningnan si Earl dahil mayroon siyang naisip. “Ano'ng ginagawa nina Bise Kapitan Decius?” Tanong niya.
Bumuntong-hininga si Earl at malumanay siyang tumugon, “Sinusubukan nilang bumuo ng Unique Armament.”
“Sa totoo lang, magkakasama kaming sumusubok, subalit huminto muna ako para magpahinga at mag-isip-isip kung paano kami magtatagumpay sa pagbuo ng Unique Armament. Mayroon naman kaming pag-unlad, pero hindi pa kami nakakabuo ng isa dahil nakagagawa pa kami ng pagkakamali sa huling proseso,” dagdag niya.
Ibinagsak ni Finn ang kaniyang kamao sa kaniyang palad. Nagliwanag ang kaniyang ekspresyon na para bang mayroon siyang magandang naisip matapos niyang marinig ang ulat ni Earl.
“Tamang-tama!” Bulalas ni Finn. “Ang intensyon ko kaya ako nagpunta rito ay para gumawa ng mga Unique Armament katulong si Ysir. Gagawa kami ng iba't ibang uri ng Unique Armament para sa mahahalaga nating panauhin,” lahad niya pa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...