Chapter XXXVI

5K 931 34
                                    

Chapter XXXVI: Noticing Unusual

Pinangungunahan ni Finn ang paglipad patungo sa pinakamalapit na selyadong lugar sa isla. Nakasunod sa kaniya sina Ceerae, Auberon, Eon, Poll, Meiyin, at ang labing-apat na dibisyon. Sisimulan na nila ang pag-aalis sa mga formation na nagseselyo sa ilang lugar sa Beast God's Sanctuary, ganoon man, ang unang gagawin ni Finn ay pag-aaralan at iimbestigahan niya muna ang mga formation dahil hanggang ngayon, hindi niya pa nakikita ang istraktura ng mga ito.

Noong magbalik siya mula sa panghihimasok niya sa Darkeous Clan, nalaman niya kay Piere na hindi nagawa ng ikalabindalawang dibisyon na alisin ang ilan sa mga formation na nagseselyo sa ilang mga lugar dahil mahirap itong alisin. Mayroon ding mga patibong na nagkalat sa palibot ng isla at dahil nag-iingat ang mga ito, mas minabuti na muna nila na ihinto ang paggalugad. Utos ni Finn na dapat nilang itigil ang paggalugad kapag masyado nang komplikado ang mga bagay-bagay kaya huminto na sila noong hindi na nila makayanan na alisin ang mga formation na sila lamang.

Isa pang naging matindi nilang dahilan kung bakit sila huminto noon ay dahil mas pinrayoridad nila ang imbitasyon ng Creation Palace at Warwolf Clan.

Pero ngayong alam na nila na mas kailangan nila itong unahin kaysa sa ibang bagay, ito na ang kanilang prayoridad dahil nakasalalay rito ang alinman sa kanilang kaligtasan o pag-unlad.

Dahil hindi naantala ang kanilang paglalakbay, kaagad nilang narating ang pinakamalapit na selyadong lugar. At ang lugar na ito ay isang templo.

Habang nasa himpapawid pa rin, pinagmamasdang mabuti ni Finn ang kabuoan ng templo. Pinag-aaralan niya ang istraktura nito at habang ginagawa niya ito, ang una niyang napansin sa templo ay ang matinding pagkaluma nito dahil kahit na yari ito sa matitibay na materyales, mababakas dito ang mga bitak at sira.

“Siguradong ang dahilan ng pagkasira ng templong iyan ay ang paglipas ng panahon. Kamangha-mangha nang hindi pa iyan gumuguho hanggang ngayon. Walang nangangalaga riyan at dahil napakahabang panahon na mula nang itayo iyan, natural lang na magkaroon iyan ng mga sira kahit pa matitibay na materyales ang ginamit sa pagtatayo niyan,” ani Finn. “Bumaba na tayo. Kailangan kong masuri ng malapitan ang nakatatag na formation na nagseselyo sa templong iyan,” aniya at kaagad na siyang bumaba sa lupa.

Pagkatapak niya sa lupa, humakbang siya papalapit sa pasukan ng templo. Magtutuloy-tuloy pa sana siya, subalit napahinto siya nang maramdaman niya ang barrier na nakapalibot sa templo. Dahan-dahan niyang inilapit ang palad niya rito at pagkatapos, doon niya malinaw na nakita kung ano ang mga simbolong nakalagay sa barrier.

Agad siyang bumaling sa lupa. Binakas niya ang barrier na nakapalibot sa templo at habang ginagawa niya ito, alerto lang na nakaabang sa kaniyang likuran sina Auberon, Eon, Meiyin, at Poll. Tungkol kay Ceerae, pinag-aaralan niya rin ang barrier, subalit ibang-iba ang reaksyon niya habang pinagmamasdan niya ang mga simbolong mayroon ito. Halatang hindi niya lubusang maunawaan kung ano ang formation na nakatatag dito. Maya't maya siyang kumukunot ang noo at tila ba malalim siyang nag-iisip.

‘Ngayon lang ako nakakita ng ganitong kombinasyon ng simbolo... ano'ng ibig sabihin nito at paano namin ito aalisin? Alam kaya ni Finn Silva kung ano ang formation na ito?’ Tanong niya sa kaniyang isipan.

Samantala, patuloy si Finn sa pagbakas ng barrier hanggang sa matagpuan niya kung nasaan ang nagsisilbing pundasyon ng formation. At nang makita niya ito, sandali niya lang itong pinagmasdan at sinuri. Matapos ang sandaling ito, bumakas sa kaniyang ekspresyon ang pagtataka. Halata rin na malalim siyang nag-iisip at nanatili siya sa ganitong estado ng ilan pang saglit bago siya tuluyang bumalik sa kinaroroonan ng hukbo ng labing-apat na dibisyon.

Kaagad niyang ipinatawag si Augustus. Mabilis itong tumugon sa kaniyang pagtawag at magalang itong sumaludo sa kaniyang harap.

“Talaga bang pitong ganitong formation lang ang natagpuan ninyo sa buong isla? Sigurado ba kayong wala kayong nakakaligtaang lugar na may ganito pang formation bukod sa anim pa?” Tila ba nagtatakang tanong ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon