Chapter IV

4.4K 916 72
                                    

Chapter IV: A-What?!

"Anong ibig mong sabihing imposible? Isa pa, bakit parang sigurado kayo na sa mundong ito namin nakilala si Kapitan Kiden?" Tanong ni Finn habang mahahalata sa kaniyang mukha ang pagkalito. Sinulyapan niya si Kiden. Malalim siyang huminga at pagkatapos, muli niyang ibinaling ang kaniyang tingin sa mga namununo sa Warwolf Clan. "Mayroon ba kaming dapat na malaman? May kaugnayan ba ang inyong sinasabi sa likas na kakayahang taglay ni Kapitan Kiden kaya inakala ninyong nagmula siya sa mundong ito?" Dagdag niyang tanong.

Naisip ni Finn na marahil ganito ang iniisip nina Keanu dahil nagawa ng kakayahan ni Kiden na balewalain ang restriksyon o limitasyon ng mundong ito sa mga tagalabas. Hindi na rin nakapagtataka kung ganito nga ang dahilan ng mga ito dahil maging siya ay napapaisip din kung paano nagawa iyon ni Kiden.

Ganoon man, pakiramdam niya ay mayroon pa silang iba pang matutuklasan na mas malalim pa patungkol sa pagkatao ni Kiden. Nararamdaman niyang may alam sina Keanu kaya nais niyang usisain ang mga ito patungkol sa bagay na iyon.

Ito ang kailangang matuklasan ni Kiden upang magkaroon siya ng pagkakaunawa sa kaniyang tinataglay na likas na kapangyarihan.

Sandaling natulala sa kawalan si Keanu at nang matauhan siya, binalingan niya ng tingin si Accalia. Halata sa kanilang ekspresyon na pareho silang hindi makapaniwala sa kanilang naririnig; pareho silang makikitaan ng komplikadong ekspresyon at pag-aalinlangan.

"Totoo ba talaga ang sinasabi mo, Finn Silva..?" Tanong ng isa sa dalawang elder na naroroon. Matapos niya itong bigkasin, napagtanto niya na may pagdududa sa tono ng kaniyang pagtatanong kaya kaagad niyang sinundan ang kaniyang sinabi. "Hindi ko intensyon na kuwestyunin ka o hindi ka paniwalaan... Talaga lang nais naming malaman kung--"

"Walang rason para magsinungaling ako. Totoo ang sinasabi ko, at kahit na kaninong miyembro pa ng New Order ninyo itanong, si Kapitan Kiden ay bahagi na ng New Order noon pa man," seryosong sabi ni Finn. "Isa pa, sa ngayon ay wala pa kaming opisyal na miyembro na mula sa mundong ito."

Nanatili pa ring hindi umiimik si Keanu. Malalim siyang nag-iisip habang ang kaniyang tingin ay nakatuon kay Kiden. Hindi sila maaaring magkamali dahil nasaksihan nila ang likas na kapangyarihang tinataglay nito. Kaparehong-kapareho ng nangyaring pagbabago kay Kiden ang kakayahan ng lahi na kanilang naiisip.

Makaraan ang ilang sandaling katahimikan, bumuntong-hininga si Keanu at taimtim na mga mata siyang nagwika, "Naniniwala na ako. Subalit, hindi ko pa rin maintindihan ang mga nangyayari. Hindi namin lubos na maunawaan kung paanong nangyari na sa labas ng mundong ito siya nagmula at kung bakit tila ba wala kayong kaalam-alam kung ano talaga siya."

"Si Kiden Sylveria ay mula sa mundong ito--sigurado namin iyon dahil ang kaniyang kinabibilangang lahi ay eksklusibo lamang sa Land of Origins," aniya pa.

Sa mga sandaling ito, hindi na nakayanan pa ni Kiden na manahimik at makinig na lang sa diskusyon. Siya ang paksa ng usapan at dahil nais niyang malaman ang katotohanan tungkol sa kaniyang pinagmulan ganoon din sa kaniyang pagkatao, sumingit na siya sa usapan.

"Alam n'yo kung ano ako..?! Maaari n'yo bang sabihin sa akin kung ano talaga ako?! Pakiusap, gusto kong malaman kung ano talaga ako!" Kinakabahan niyang sabi.

Para bang nanginginig ang kabuoan ng katawan ni Kiden. Pagkakataon niya nang malaman ang misteryo ng kaniyang pagkatao, at kapag tuluyan niya nang nalaman kung ano ang kaniyang pinagmulan, malaki ang posibilidad na isandaang porsyento niya nang makontrol ang kaniyang likas na kapangyarihan.

Sa oras na mangyari ito, magkakamit siya ng lakas na makatutulong sa layunin ni Finn at ng New Order. Makukuha niya na rin ang lakas at kapangyarihan na kailangan niya para protektahan ang malalapit sa kaniya.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon