Chapter XLII: Unsealing the Ninth Place
Sandaling sumeryoso ang ekspresyon ni Migassa. Nakipagtitigan siya kay Firuzeh at makaraan ang ilang saglit, malapad siyang ngumiti at mapaglarong nagwika, “Sinabi na ni Finn, hindi ba? Ang nagpalaya sa akin ay ang nagbigay sa akin ng sumpa--ang lalaking nakasuot ng puting maskara. Ginawa lang ng lalaking iyon na kasangkapan si Finn para tuluyan akong makalaya.”
“Pero, paano?” Muling tanong ni Firuzeh. “Hindi sa ayaw kitang makalaya sa sumpa, pero bilang dating alchemy god na bihasa at maraming kaalaman sa iba't ibang uri ng sumpa, masasabi kong ang sumpang inilagay sa iyo ay hindi makakayang tanggalin ninoman kaya sobra akong nahihiwagaan kung paano ka niya napalaya.”
Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, “Wala akong alam na sumpang kayang ikulong ang isang nilalang sa sarili niyang pag-iisip--kahit sa kasaysayan na nakatala sa divine realm, walang ganoong uri ng sumpa.”
Napaisip si Migassa dahil sa paglalahad ni Firuzeh. Hinimas-himas niya ang kaniyang baba at makaraan ang ilang saglit, bumakas ang komplikasyon sa kaniyang ekspresyon.
“Hindi ko rin alam kung paano... Basta ang alam ko lang, naglabas si Finn ng dalawang piraso ng papel. Sinabi niyang nagmula ang dalawang piraso ng papel sa lalaking nakasuot ng puting maskara. Wala naman akong napansin na nakasulat o nakapinta sa mga piraso ng papel, at noong idikit iyon ni Finn sa noo ng kaluluwa ko at ng aking pisikal na katawan, muling nag-isa ang aking kaluluwa at pisikal na katawan. Sa ganoong paraan niya ako pinalaya,” pagpapaliwanag niya.
“Dalawang piraso ng papel... lang?” Gulat na tanong ni Firuzeh. “Paanong naging posible iyon..? Siguradong hindi pangkaraniwang papel ang mga iyon,” aniya pa.
“Sigurado,” agad na tugon ni Migassa. “Basta ang mahalaga lang sa akin ngayon, malaya na ako. Matapos ang libo-libong taon, balik na ako sa normal. Hindi ko man maibabalik ang buhay ng mga inosenteng pinaslang ko, makagagawa naman ako ng paraan para makatulong sa sanlibutan.”
“Mas malawak na akong mag-isip ngayon, at iyon ay dahil kay Finn. Tinuruan niya ako kung paano maging mabuting nilalang nang hindi niya alam. Sa mga magdaang dekada, nasaksihan ko siya kung paano makibaka at naging inspirasyon ko ang kaniyang matinding pagpapahalaga sa buhay ng bawat nilalang,” lahad niya.
Hindi napigilan ni Firuzeh na mapangiti matapos niyang marinig ang pahayag ni Migassa. Halatang nasisiyahan siya sa malaking pagbabago na naganap dito. Sa pagkakaalam niya, si Migassa ay dating mapaglaro at walang pagpapahalaga sa buhay. Pumapaslang ito ng mga inosente sa walang kakuwenta-kuwentang dahilan.
Pero ngayon, ramdam at kita niyang nagbago na ito. Hindi na ito ang mapaglarong Migassa at nagsusumikap na ito na makatulong sa New Order. Ito ay prinsesa sa divine realm dahil ang ama nito ay ang kasalukuyang Divine Beast King, pero ngayon, isa na lang itob miyembro ng isang puwersa. Ganoon man, hindi ito nagrereklamo sa kasalukuyan nitong posisyon, bagkus, nakikita niyang natutuwa pa ito sa responsibilidad na ibinigay rito ni Finn.
Bumaling si Firuzeh sa sariling kalangitan ng palapag na kanilang kinaroroonan. Muling naging payapa ang kaniyang ekspresyon, subalit nananatiling nagtatanong ang kaniyang mga mata.
“Ang lalaking nakasuot ng puting maskara... Sino kaya siya? Gaano siya kamakapangyarihan at kung mahabang panahon siyang natutulog noon, posible kayang tulog din siya noong mga panahon na umatake ang mga diyablo kaya wala siya noong kasagsagan ng malawakang digmaan? Kung talaga ngang makapangyarihan siya... marahil makakaya niyang puksain ang mga diyablo,” taimtim na sambit ni Firuzeh. “Kapag nangyari iyon, hindi na lang si Finn ang ating aasahan sa oras na may maganap muling malawakang digmaan laban sa mga diyablo,” dagdag niya.
Nawala ang ngiti ni Migassa sa kaniyang mga labi. Tumingin din siya sa kalangitan at malumanay na sinabing, “Duda akong tutulong siya... Kung hindi mo alam, ang nagbigay sa akin ng sumpa ay siya ring misteryosong ama ni Finn. At ayon kay Munting Black, nakausap niya na ang lalaking iyon, at sinabi nito na hindi siya makikilahok sa digmaan dahil hindi niya laban ang laban ng mga naninirahan sa mundong ito.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...