Chapter XIII

4.5K 936 45
                                    

Chapter XIII: Threat from the Enemy's Side

Nananabik pa rin si Finn sa loob-loob niya. Hindi niya ikinakaila na natutuwa siya sa gustong mangyari ni Fenris at ng mga kasama nitong warwolf, ganoon man, hindi niya hinayaan na pangunahan siya ng kaniyang emosyon. Hindi ito simpleng usapan lang na dahil masyadong komplikado ang sitwasyong ito kung saan gusto ni Fenris at ng mga warwolf na maglingkod sa kaniya. May mga bagay siyang inaalala patungkol sa bagay na ito kaya sa halip na ibigay kaagad ang kaniyang tugon, balak niya munang linawin ang mga inaalala niya kay Fenris at sa mga kasama nito.

“Paumanhin, subalit hindi kaagad ako makatutugon sa inyong gustong mangyari. Hindi ako makakapayag agad dahil masyadong biglaan ang inyong gusto. Hindi pa ako handa para dito kaya kung maaari sana, tumayo muna kayo at magkalinawan muna tayo,” sabi ni Finn habang bakas ang seryosong ekspresyon sa kaniyang mukha.

Hindi niya kaagad matatanggap ang panunumpa ng mga warwolf dahil sa ilang dahilan. Kailangan niya munang linawin ang mga bagay na ito dahil dito nakadepende kung tatanggapin niya sila o hindi.

Sa kabilang banda, nagulantang ang lahat sa sinabi ni Finn. Ang mga adventurer na nakamasid sa paligid ay naguluhan at nagsalubong ang kilay dahil hindi nila maunawaan kung bakit ganito ang naging desisyon ni Finn.

Oportunidad na ito na bumukas para sa kaniya at sa New Order, subalit hindi niya ito tinanggap kaagad at nagdadalawang-isip pa siya. Mga adventurer na may mataas na antas at ranggo ang nagnanais sumali sa kaniya; may ilan pa rito na nasa Immortal Rank na makatutulong sa kaniya at sa New Order sa pakikipagsapalaran sa mundong ito, subalit hindi niya agad tinanggap ang napakagandang pagkakataon na ito.

Nabigla rin sina Fenris dahil sa naging pahayag ni Finn. Hindi sila makapaniwala sa naging tugon nito sa kanilang paghingi ng pahintulot. Akala nila ay tatanggapin kaagad nito ang kanilang pangkat, subalit para bang sa mga salita nito ay tinatanggihan nito ang kanilang kagustuhan na siya ay paglingkuran.

Nakaramdam sila ng pag-aalinlangan. Ganoon man, para maliwanagan, isa-isa silang tumayo at seryoso silang tumingin kay Finn.

“Mayroon bang problema, Finn Silva? Ano ang kailangan mong linawin sa amin?” Nagtatakang tanong ni Fenris. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kung tungkol iyon sa aming katapatan, hindi mo kailangang mag-alala dahil susumpa kami ng katapatan sa iyo lamang. Sa pagsumpa namin sa iyo ng katapatan, maging panatag ka dahil hindi ka namin kailanman tatalikuran o pagtatrayduran. Magiging tapat kami sa iyo at magsisilbi mo kaming tagapaglingkod na maaari mong utusan at gawing instrumento para sa iyong mga plano.”

Hindi makapaniwala si Finn sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Fenris. At dahil sa mga sinabi ni Fenris, hindi niya mapigilang maalala ang Bloody Puppeteers dahil sa kasalukuyang nangyayari.

Halos ganito rin ang dahilan nina Yopoper noong lumapit ang mga ito sa kaniya para manumpa ng katapatan, ganoon man, kung ang Bloody Puppeteers ay naghayag ng malinaw na dahilan sa pagpili nila sa kaniya, ang mga warwolf ay hindi nagbigay ng malinaw na dahilan kung bakit nila gustong maglingkod sa kaniya.

Hangad ng Bloody Puppeteers na pamunuan sila ng isang makapangyarihan at talentadong soul puppet master. Nakita siya ng mga ito na mahusay at kayang kumontrol ng tatlong soul puppet kaya gusto siyang paglingkuran ng mga ito, pero sina Fenris... gusto niya munang malaman ang kanilang dahilan dahil kahit na kailangang-kailangan niya ng makakatulong sa pagtupad sa kanilang mga layunin, hindi puwedeng basta-basta na lang siyang tumanggap nang kung sino-sino kahit pa makakapangyarihan ang mga ito.

“Kaibigan namin ang inyong angkang kinabibilangan kaya hindi ako gaanong nag-aalala patungkol sa inyong katapatan kung sakali ngang magkaroon tayo ng kasunduan patungkol sa kagustuhan ninyo na ako ay paglingkuran... Ganoon man, hindi iyan ang sobra kong pinag-aalala,” paglalahad ni Finn. Taimtim na mga mata niyang pinagmasdan ang mga warwolf na seryosong nakikinig sa kaniya at matapos ang ilang sandali, ibinuka niya ang kaniyang bibig at nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Ano'ng rason n'yo? Gusto kong malaman ang dahilan kung bakit n'yo gustong maglingkod sa akin dahil hindi ko maaaring tanggapin na lang kayo nang basta-basta. Kahit na magkakaibigan tayo, kailangan n'yo pa rin akong mabigyan nang makabuluhang dahilan,” aniya pa.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon