Chapter LXIII

4.6K 937 50
                                    

Chapter LXIII: Second Thoughts

Sa unang pagkakataon mula nang mapunta sa kanilang teritoryo ang pangkat ni Finn, ang mga ankur ay nagulat dahil sa lahat ng maaari nilang matuklasan, ito ang hindi nila pinaka inaasahan. Lahat sila ay kasalukuyang nakatitig sa asul na berdeng apoy na sumasayaw sa palad ni Finn. Alam nila na hindi lang ito basta pangkaraniwang apoy dahil pamilyar na pamilyar sila sa katangian ng apoy na ito. Ang koneksyon na kanilang nararamdaman dito... matagal na mula nang maramdaman nila iyon, subalit hindi nila iyon makalilimutan.

Napansin nina Meiyin, Poll, Eon, at ng mga Marren ang matinding pagkagulat ng mga ankur. Nagtaka ang mga ito habang si Eon, palihim siyang ngumiti dahil nakikita niya ang pangyayaring ito bilang pabor sa kanilang panig.

‘Muli na namang ginulat ni master ang mga nasa paligid niya. Sa kanilang reaksyon, halatang alam nila kung ano ang kahalagahan ng blue-green alchemy flame ni master,’ sa isip ni Eon habang sa loob-loob niya ay nagmamalaki siya.

Makaraan ang ilang sandali, nakabawi na ang ilan sa mga ankur at hindi nila mapigilan na makipag-usap sa kanilang mga katabi. Mayroong nakipag-usap gamit ang kanilang isip habang mayroon ding pasalitang nag-usap, subalit nababalutan pa rin ng Sound Concealing Skill ang kanilang paligid kaya hindi sila naririnig nina Eon.

Sa kabilang banda, napahinga ng malalim ang mga elder. Makikita sa bawat ekspresyon ng anim na hindi pa rin sila lubusang makapaniwala sa kanilang natuklasan. Hindi sila mapapikit at kahit na nakabawi na sila, titig na titig pa rin sila sa asul na berdeng apoy na nasa palad ni Finn.

“Ang blue-green alchemy flame... Talagang mapagbiro ang tadhana... Hindi ko lubos akalain na muli kong makikita ang apoy na iyan matapos ang mahabang panahon nating pagkakakulong sa lugar na ito,” ani Fentian. Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Finn at pabulong na sinabing, “Kung gayon, siya pala ang kasalukuyang alchemy god. Ngayon ay malinaw na kung ano ang nararamdaman nating kakaiba sa kaniya.”

“Pero, ano ang kasalukuyan nilang pinag-uusapan bakit ipinakita ni Finn Doria ang kaniyang blue-green alchemy flame? Sa tingin ko ay dapat na tayong umakyat para malaman kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Tayo ay bahagi ng pamunuan ng tribong ito kaya siguro naman ay may karapatan tayo na malaman kung ano ang kanilang pinag-uusapan,” sambit ni Kax habang sinusulyapan niya isa-isa ang kaniyang mga kapuwa elder.

“Tara na. Maliliwanagan lang tayo sa nangyayari kung aktuwal nating maririnig ang kanilang pinag-uusapan,” lahad ni Vivian at walang pag-aalinlangan siyang umuna patungo sa kinaroroonan nina Finn at Voraan.

Agad na sumunod sa kaniya ang limang elder. Tumayo sila sa may bandang likuran ni Voraan habang ang kanilang tingin ay itinuon nila sa apoy na nasa palad ni Finn.

“Paumanhin kung bigla kaming nagtungo rito, Pinuno. Hindi na namin kayang maghintay kaya nagkasundo kami na lumapit sa inyo dahil sa tingin namin, kasalukuyang kailangan ang aming presensya sa inyong pinag-uusapan,” seryosong sabi ni Fentian.

Hindi nilingon ni Voraan ang anim na elder. Sandali siyang nanatiling tahimik at matapos makapag-isip-isip, sa wakas ay nagsalita na siyang muli.

“Mas mabuti na rin at naririto kayo, gayunpaman, makinig na lang muna kayo sa aming usapan at ipaubaya n'yo na sa akin ang pag-asikaso sa kasalukuyang nangyayari,” malumanay na sabi ni Voraan.

“Masusunod, Pinuno,” agad na tugon ng anim na elder.

Hindi sila tumutol o nagreklamo dahil naiintindihan nila ang ibig sabihin ni Voraan. Gusto ng kanilang pinuno na manahimik sila upang hindi maging komplikado ang nangyayari dahil kung sisingit sila sa usapan, siguradong mahihirapan si Finn na tumugon. Kahit na marami silang nais buksan na paksa, mas pinili nila na manahimik na lang muna dahil nakasisiguro sila na lahat ng nais nilang malaman ay itatanong ng kanilang pinuno.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon