Chapter LXXIV: For Pride
“Masyado nang huli ang lahat para pahintuin ang laban. Hindi dapat naganap ang tunggalian nilang dalawa dahil una pa lang, kahihiyan lang ang maidudulot nito sa ating tribo,” madilim na ekspresyong sabi ni Eaton. “Masyado nang sumobra si Kaimbe. Hindi niya na iniisip kung ano ang maaaring kahantungan ng kaniyang pagiging mapusok. Masyado nang lumalaki ang kaniyang ulo dahil kampante siya sa mataas na posisyong mayroon siya sa tribong ito.”
“Pero may karapatan siyang magmalaki, Pinuno. Mayroon siyang talento at potensyal na hindi kayang pantayan ng kahit na sinong water celestial na isinilang sa ating tribo kaya nararapat lang na makuha niya ang gusto niya. Kung ibibigay natin ang mga ninanais niya, makikita niya ang malaking importansya na ibinibigay natin sa kaniya,” ani ng isa sa pitong mandirigma ng tribo.
“Hindi sa ganiyang paraan hinuhubog ang magiging susunod na pinuno ng tribo. At gaano man kalaki ang talento o potensyal na kaniyang tinataglay, hindi iyon dahilan para magkaroon siya ng eksepsyon,” tugon ni Eaton. Naningkit ang kaniyang mga mata kay Kaimbe na kasalukuyan pa ring inaatake si Finn at makaraan ang ilang sandali, muli siyang nagwika, “Kung hahayaan ko siyang mahubog sa paraan na sinasabi mo, hindi siya magiging mahusay na pinuno at baka siya pa ang maging dahilan ng pagbagsak ng tribong ito. Tradisyon na sa ating tribo na kailangan munang maturuan ng mga dapat ng kasalukuyang pinuno ang susunod na pinuno upang hindi magkaroon ng masamang epekto sa tribo.”
“Pero, tama bang parusahan natin siya dahil hinamon niya ang Finn Silva na iyon? Malaki ang talento ni Kaimbe at gusto niya lang patunayan na walang makahihigit sa kaniya. Binubusog niya lang ang kaniyang sarili ng katiyakan na siya ang pinaka talentadong water celestial na wala pang isandaang taong gulang. Kung hindi niya makukumpirma ang tungkol sa bagay na ito, lagi niya iyong iisipin hanggang sa maging dumi na iyon sa kaniyang puso't isipan,” komento ng isa pang mandirigmang water celestial. “Pinuno, si Finn Silva ay hindi hamak na mas bata kaysa kay Kaimbe. Masyadong hindi kapani-paniwala ang mga balitang kumakalat sa kaniya at sa husga ko, kailangan ni Kaimbe na talunin si Finn Silva para sa ikatatahimik niya. Gusto niyang mapatunayan na siya pa rin ang pinakatalentadong water celestial kaya hindi mo siya dapat parusahan dahil ang ginagawa niya ay para sa hinaharap niya.”
Binalingan ni Eaton ng tingin ang iba pa niyang kasamahan. Nakita niyang nangungumbinsi't nangungusap ang mga mata ng mga ito, ganoon man, hindi nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang ekspresyon. Nanatili itong malamig at tila ba hindi siya naapektuhan ng pangungumbinsi ng kaniyang mga ka-tribo.
“Hindi siya makakatakas sa parusa pagkatapos nito, subalit ang tindi ng parusang matatanggap niya ay nakadepende sa kahihinatnan ng tunggalian nila ni Finn Silva,” mariing saad ni Eaton. “Naiintindihan ko ang pinanggagalingan niya. Gusto niyang patunayan ang kaniyang sarili, subalit maling-mali ang paghahamon niya dahil ang hinahamon niya ay hindi kapantay ng taglay niyang antas at ranggo. Lagi n'yong tatandaan na walang makahihigit sa reputasyon ng ating tribo kaya kahit gaano pa siya ka-talentado, parurusahan ko pa rin siya kapag dinungisan niya ang reputasyon ng Water Celestial Tribe.”
“Hangga't ako ang inyong pinuno, hindi ako makapapayag na maging katatawanan ang tribong ito ng ibang tribo. Mas pipiliin ko pang mamatay kaysa masaksihan na bumagsak ang Water Celestial Tribe dahil sa isang hindi makabuluhang pagkakamali lamang,” dagdag niya.
Oo. Malaki ang pagpapahalaga niya kay Kaimbe dahil sa talento at potensyal na taglay nito. Pero, ito rin ang dahilan kaya gusto niyang itama ang maling pag-uugali ni Kaimbe tungkol sa ganitong klase ng sitwasyon. Dahil kung hahayaan niya na kumilos ito nang naaayon sa gusto nito, mawawalan ng silbi ang kaniyang talento at potensyal, at hindi malabong madamay ang iba sa pagbagsak niya.
Samantala, habang patuloy na nagdidiskusyon ang mga water celestial, sina Finn at Kaimbe ay patuloy pa rin sa kanilang tunggalian. Walang hinto si Kaimbe sa pagpapakawala ng atake habang si Finn ay balewalang umiiwas. Medyo matagal na sila sa ganitong sitwasyon, at habang tumatagal, mas lalong tumitindi ang inis ni Kaimbe dahil hindi siya makatama kahit isa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...