Chapter XCVI: Their Greatest Ambition
Habang naglalakad sa pasikot-sikot ng maze, hindi napigilan ni Eon ang kaniyang sarili. Maraming tanong ang namumuo sa kaniyang isip. Gusto niyang masagot ang mga ito kaya kahit na hindi niya alam kung hahayaan siya ng kaniyang guro, lumapit pa rin siya sa kaniyang mga magulang at tumabi sa mga ito. Alam niyang hindi siya sasagutin ng kaniyang guro. Itataboy lang siya nito kaya kina Loen at Leonel siya lumapit. Pinakita niya sa dalawa ang abot-tenga niyang ngiti at ang matatalim niyang ngipin. Pagkatapos, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at sinimulan niya nang kausapin ang mga ito.
“Akala ko ay matagal pa bago ko kayo muling makita. Mabuti na lang at pinagtagpo tayong muli ng kapalaran sa lugar na ito,” panimula ni Eon. “Kumusta, ama, ina? Ano'ng nangyari sa inyo matapos kayong lumisan?”
Binigyan ng kakaibang tingin nina Loen at Leonel si Eon. Kinilabutan sila sa napakalapad na ngiti ng kanilang anak dahil hindi sila sanay na masyado itong mabait. Para itong nakikiusap, na hindi normal dito.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Hindi nila alam kung sasagutin ba nila ang tanong ni Eon kaya ang agad nilang ginawa ay bumaling kay Grogen na nasa harapan lang nila.
“Maaari ba naming sabihin sa kaniya, kagalang-galang na Grogen?” Tanong ni Leonel.
Nagpatuloy si Grogen sa paghakbang. Hindi siya nag-abalang sulyapan ang mga nasa likod niya, pero nagsalita pa rin siya para tugunan ang paghingi ng permiso nina Leonel at Loen.
“Alam n'yo na kung ano ang inyong dapat at hindi dapat sabihin. Maaari ninyong sabihin sa kanila kung ano ang nangyari sa atin pagkalabas natin ng mundo ni Finn Silva. Hahayaan ko kayong ikuwento ang mga naging pakikipagsapalaran natin, subalit pinagbabawalan ko kayo na ibunyag ang tungkol sa mga surpresa natin,” tugon niya.
Bumakas ang tuwa at pagkasabik sa mukha ni Eon matapos niyang marinig ang pagpayag ni Grogen. Nagbigay na ito ng permiso na magkuwento sina Leonel at Loen tungkol sa nangyari matapos silang lumabas ng Myriad World Mirror. Nahihiwagaan siya lalo na ngayong napansin niya na magaling na ang kaniyang guro.
Samantala, bahagyang tumango sina Loen at Leonel. Gusto rin nilang makakuwentuhan si Eon dahil nais nilang malaman kung kumusta na ba si Finn. Hindi nila maikukubli ang labis na pag-aalala nila sa kanilang master, at hanggang ngayon, dala-dala pa rin nila ang kasalanang nagawa nila rito. Mabigat sa kanilang pakiramdam na ito ay pagsinungalingan at pagkaisahan dahil napakalaki ng respeto nila rito. Kahit kailan din hindi sila ginawan ng masama o pinagdamutan nito. Hindi sila nito itinuring bilang alipin; bagkus, ka-pamilya ang turing sa kanila nito kahit na wala silang matibay na ugnayan. Alam nilang maling-mali ang nagawa nila, subalit nangyari na ang nangyari. Nangako na lang sila sa kanilang sarili na hindi na nila uulitin ang paggawa ng kasalanan kay Finn anoman ang mangyari.
Sinenyasan ni Loen ang kaniyang asawa na simulan ang pagkukuwento kay Eon. Agad namang tumango si Leonel at huminga muna siya ng malalim. Sinulyapan niya ang mga miyembro ng espesyal na dibisyon na kasama nina Eon at mahina siyang nagsalita, “Bago ako magkuwento, hindi ba magkakaroon ng problema sa kanila?”
Siyempre, rinig nina Ceemara ang itinanong ni Leonel kay Eon. Kahit pa gaano kahina ang kaniyang pagkakasabi, kung hindi siya gumagamit ng Sound Concealing Skill, maririnig at maririnig ng mga ito ang kaniyang sassbihin lalo na't iilang metro lang ang layo ng mga ito sa kanila.
Bumakas ang pagkapikon sa mukha ng ilan sa mga miyembro ng espesyal na dibisyon. Hindi nila gusto ang paghihinala ni Leonel, ganoon man, hindi na nila sinubukan na makipagtalo dahil pagsasayang lang iyon ng panahon.
“Hindi magkakaroon ng problema sa kanila. Nanumpa sila ng katapatan kay master at hindi nila maaaring baliin ang kanilang sinumpaan dahil magiging sanhi iyon ng kanilang kamatayan,” ani Eon.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...