Chapter XXII

4.9K 922 49
                                    

Chapter XXII: Attending Important Matters (Part 1)

Pagkapasok na pagkapasok sa kanilang teritoryo at habang ang kanilang air ship ay patungo sa kinaroroonan ng kastilyo, ang mga kapitan at bise kapitan ay kaagad na nagsilapitan kay Finn upang tumanggap ng mga instruksyon mula rito. Humanay ang mga kapitan at bise kapitan nang naayon sa kanilang dibisyon na pinamumunuan. Matikas silang tumayo sa likuran ni Finn habang hinihintay nila kung ano ang mga ipag-uutos nito.

Hinarap din sila ni Finn at wala na itong paligoy-ligoy na nagbigay ng mga instruksyon.

“Tipunin n'yo muna ang bawat miyembro ng inyong dibisyon. Wala muna kayong misyon na gagawin ngayon at hihintayin n'yo muna ang hudyat ko bago kayo lumabas ng ating teritoryo. Pagkatapos kong makausap ang mga panauhin, makikipagpulong ako sa lahat ng may matataas na katungkulan tungkol sa ating mga susunod na hakbang,” seryosong sabi ni Finn habang pinapasadahan niya ng tingin ang mga kapitan at bise kapitan.

“Masusunod, Pinunong Finn!”

Magkakasunod na sumaludo ang mga kapitan at bise kapitan kay Finn. Malinaw nilang naiintindihan ang instruksyon nito at hindi nagkaroon ng pagtutol mula sa kanila. Kahit na gusto na kaagad nilang gumawa ng misyon para makatulong sa paglakas at pag-unlad ng New Order, kailangan nilang makinig at sumunod sa kanilang pinuno.

Bahagyang tumango si Finn. Binalingan niya ng tingin si Auberon at marahan siyang nagwika, “Auberon, ikaw na muna ang bahala sa ating mahahalagang panauhin. Siguradong naghihintay na sa aking pagbabalik si Yasuke, at marahil hindi niya alam na kasama natin sina Aemir, Porion, at ang iba pa. Pagsama-samahin at gabayan mo muna sila sa ating teritoryo habang inihahanda ko ang mga regalo ko para sa kanila.”

“Kailangan ko munang makausap sina Kapitan Yopoper, Kapitan Augustus, at Kapitan Creed. Kailangan kong marinig ang kanilang ulat patungkol sa nangyari at nangyayari sa ating teritoryo,” aniya pa.

“Ngayon din mismo, batang panginoon,” kaagad na tugon ni Auberon.

Matapos niya itong sabihin, kaagad siyang umalis at nagtungo sa kinaroroonan nina Aemir para kausapin ang mga ito.

“Eon, Munting Poll, Meiyin... Manatili na lang din muna kayo sa ating teritoryo. Huwag muna kayong gagawa ng kahit ano at hintayin ninyo ang pagtawag ko para sa mahalagang pagpupulong,” sambit ni Finn matapos niyang sulyapan ang tatlo.

“Walang problema, Master,” malapad na ngiting sabi ni Eon.

Tumango-tango na lang si Poll ganoon din si Meiyin. Hindi na sila nag-usisa pa dahil sa kasalukuyan, seryoso ang ekspresyon ni Finn. Kailangan na muna nilang pigilin ang kanilang mga sarili na mangulit dahil halatang wala sa wisyo ang kanilang pinuno para makipagbiruan sa ganito kaabalang sitwasyon.

Huminto ang air ship matapos nitong marating ang kastilyo. Magpapaalam na sana si Finn, subalit nahagip ng kaniyang mga mata ang grupo ng warwolf. Kaagad siyang malalim na napaisip. Nakaligtaan niya na ang mga ito ay wala pang malinaw na posisyon sa New Order dahil sa kasalukuyan, ang opisyal lang sa mga ito ay ang kanilang pagiging direkta niyang mga tauhan.

Nagpaalam na si Finn sa mga kapitan at bise kapitan. Sinabihan niya ang mga ito na maaari na nilang gawin ang kaniyang mga ipinag-uutos, at pagkatapos niyang mabigyan ng instruksyon ang mga ito, kaagad siyang lumapit sa pangkat ni Fenris para kausapin ang mga ito.

“Hindi pa kayo opisyal na miyembro ng New Order. Wala pa kayong posisyon sa puwersang ito kaya kailangan n'yo munang sumailalim sa panunumpa ng katapatan sa aking puwersang pinamumunuan,” kaagad na sabi ni Finn matapos siyang makalapit sa mga warwolf.

Bahagyang tumango si Fenris at sinabing, “Kung ano ang kailangan naming gawin ay gagawin namin.”

Ngumiti si Finn kay Fenris at sa iba pang warwolf. Napanatag siya dahil sa pagiging masunurin ng mga ito. Napakarami niya pang trabaho na kailangang gawin at mabuti na lang ay umaayon sa kaniya ang kaniyang mga kasama, tauhan, at panauhin.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon