Chapter LXII

4.7K 996 103
                                    

Chapter LXII: To Their Surprise

Habang patuloy sina Finn at Voraan sa pag-uusap, kasalukuyan namang nagdidiskusyon ang anim na elder tungkol sa mga nangyari partikular na sa ‘pagtatagumpay’ ni Meiyin na mapabunga ang Tree of Life.

“Ayaw ni pinuno na ipaalam sa dalagitang iyon na siya ang dahilan ng pagtatagumpay niya. Gusto siyang hayaan ni pinuno na magdiwang sa pag-aakalang siya mismo ang nakapagpabunga sa Tree of Life,” ani Fentian.

Umismid si Vivian at nagkomento rin tungkol dito. “Sa kasalukuyang nangyayari, para bang ibinibigay na rin natin sa kanila ang isang bunga ng Tree of Life. Kahit na hindi direkta, may pakikilahok pa rin tayo sa pagkakamit nila ng ating sagradong kayamanan. Walang humahadlang o umaangal sa atin at sa nakikita ko, lahat tayong anim ay pabor sa desisyon ni pinuno,” hayag niya.

Walang tumugon sa sinabi ni Vivian. Hindi sila tumutol sa sinabi nito; bagkus, nanahimik na lang sila habang ang kanilang tingin ay nakatuon kina Meiyin.

Para sa kanila, wala nang kailangan pang sabihin. Senyales na rin ito ng kanilang pagpayag dahil ano't ano man ang mangyari, si Meiyin ay konektado pa rin sa kanila. Kinalimutan na nila ang ginawang pagtalikod ng direktang ninuno ni Meiyin dahil napakatagal na panahon na ang nakalilipas magmula nang umalis ito para sumama sa isang tagalabas. Nawala na ang kanilang galit at ngayon, nasaksihan nila kung paano tulungan ni Voraan si Meiyin kaya hindi na rin sila tumutol pa.

Isa pa, sila ang nagbigay ng pagkakataon kay Meiyin at kalakip ng pagbibigay nila ng pagkakataon dito ay ang pagtanggap sa posibilidad na maaaring magtagumpay ito.

“Hm. Masyado nang nagtatagal ang pag-uusap nina pinuno at Finn Doria. Nahihiwagaan tuloy ako kung ano ang paksa nila,” basag ni Sylvie sa katahimikan. Ang kaniyang mga mata ay nakatuon sa itaas kung saan naroroon sina Voraan at Finn, at dahil sa kaniyang pahayag, maging ang lima pang elder ay naging interesado rin kung ano ang pinag-uusapang kanilang pinuno at ni Finn.

“Para tumagal ang kanilang pag-uusap ng ganiyan katagal, siguradong interesado rin si pinuno sa mga sinasabi ni Finn Doria. Kung hindi makabuluhan ang isinasangguni nito, siguradong kanina pa dapat tinapos ni pinuno ang kanilang usapan,” komento ni Kax.

Umismid si Vivian at muling nagwika, “Tama. Kaya mas lalo akong nagiging interesado sa kaniya dahil bukod sa dalagitang iyon, isa sa kaniyang kasama ay mula rin sa isang makapangyarihang lahi--ang lahi ng mga divine beast. At ang isang iyon ay tila ba magalang na sumusunod sa kaniya, malayong-malayo sa ugaling mayroon ang isang divine beast.”

“Mula nang mapunta sila rito, hindi ko natunugan ng kahit anong kawalan ng paggalang ang isang iyon,” dagdag niya.

Tumango-tango si Sylvie at nagkomento na rin siya, “Ang pangalan niya ay Eon, tama ba? Isa siyang black dragon at kilala ang mga dragon bilang pinaka-mapagmalaki sa lahat ng uri ng divine beast. Hindi lang siya isang pangkaraniwang black dragon dahil ang Dragon's Might na nararamdaman ko sa kaloob-looban niya ay higit na mas malakas kaysa sa pangkaraniwang taglay na Dragon's Might ng mga dragon noong unang panahon.”

“Ang inyong mga napansin ay kamangha-mangha, subalit ang pinaka nakamamangha sa kaniya ay ang kakayahan niya na gawing kaibigan ang mga arkous... doon ako mas bilib sa kaniya lalo na't hindi pa ganoon katagal mula nang bumalik ang mundong ito sa mundo ng mga adventurer,” pagsingit ni Dalon.

Samantala, sumimangot si Fentian at bumaling siya ng tingin sa kaniyang mga kasama. Seryoso ang kaniyang ekspresyon at mariin siyang nagwika, “Hindi na natin kailangang halungkatin pa ang tungkol sa bagay na iyan. Wala ring patutunguhan pa kahit na kilalanin pa natin siya dahil tayong mga ankur, wala tayong pagpipilian kung hindi manahimik at mamuhay ng payapa.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon