Chapter XIV

4.6K 913 45
                                    

Chapter XIV: Setting Out

Tama. Isang Crimson Blood Demon ang nilalang na humarang sa daraanan ni Finn, at hindi nalalayo ang hitsura nito kay Reden dahil kagaya ng kaniyang soul puppet, ang isang ito ay higit din sa dalawa ang mata. Kung si Reden ay may anim na mga mata, ang demonyong nasa harapan nila ngayon ay nagtataglay lang ng apat na mata. Mayroon itong hikaw sa matulis niyang mga tenga at ang kaniyang itim na buhok ay abot hanggang leeg. Isa pang kapansin-pansin sa demonyong ito ay ang tila ba nakatawa niyang malaking bibig.

Mula ito sa lahi na pinagmulan ni Reden at ng Blood Demon Emperor kaya malakas ang kutob niya na ang isang ito ay mayroon ding kaugnayan sa Blood Demon Emperor dahil sa tinataglay nitong lakas na hindi pangkaraniwan.

May ideya na siya kung sino ito, subalit hindi niya sigurado kung tama ang kaniyang hula dahil hindi niya pa aktuwal na nakikita ang mga tauhan ng Blood Demon Emperor.

Ganoon man, agad na kinumpirma ni Auberon ang kaniyang hinala matapos nitong magsalita.

“Sullivan. Ano'ng sadya ng isa sa anim na Demon General ng Blood Demon Emperor sa aking batang panginoon? Kung ang hanap mo ay gulo, umalis ka na ngayon din mismo dahil gagawa ka lang ng ikamamatay mo,” malamig na sambit ni Auberon.

Hindi siya nagpakita ng takot o pangamba kahit na ilang metro lang ang layo niya kay Sullivan. Marahil naaapektuhan siya ng napakalakas nitong aura, subalit hindi siya nagpapatinag at nilalabanan niua pa ito gamit ang kaniyang sariling aura.

Malinaw na mas makapangyarihan sa kaniya si Sullivan. Hindi iyon nakapagdududa dahil si Sullivan ay isang malakas na Demigod Rank sa divine realm at mayroon itong basbas ng isang emperador. Isa itong malakas na heneral, pero masyadong malakas ang paninindigan ni Auberon na protektahan si Finn sa anomang panganib kaya wala siyang pakialam kahit na sino pa ang nasa harap niya.

Suminghal si Sullivan at binigyan niya ng napakatalim na tingin si Auberon. Nanatili ang natural niyang malapad na ngiti, subalit ramdam na ramdam pa rin sa kaniyang aura ang matinding galit.

“Sino ka para ako'y pagbantaan?! Sa tingin mo ba talaga ay may bilang ka sa mundong ito, Auberon?! Kung nasa labas tayo ng mundong ito, kayang-kaya kitang pisatin sa isang iglap lamang,” mariing sambit ni Sullivan.

Sasagot pa sana si Auberon, pero narinig niya ang pagsinghal ni Finn na nasa may bandang likuran niya. Sumingit ito sa pagitan nila ni Eon at pagkatapos, nanghahamak nitong pinagmasdan si Sullivan mula ulo hanggang paa bago ito magwika.

“At wala kayo sa labas dahil nasa loob kayo ng Land of Origins,” malamig na sambit ni Finn. “Ikaw pala si Sullivan... hindi ko akalain na mapapabilis ang pagharap ko sa nilalang na may kaugnayan sa Blood Demon Emperor. Gano'n man, nais kong sabihin na ang lakas naman ng loob mong pagbantaan at hamakin sa aking presensya ang aking heneral.”

“Tingnan mo ang paligid mo... hindi mo ba naiisip na sa isang utos ko lang, ikaw ang mapipisat sa isang iglap lamang?” Nanghahamak na pagmamalaki ni Finn.

Nanlisik ang mga mata ni Sullivan. Umihip din ang malakas na hangin dahil sa paglalabas niya ng napakatinding aura, ganoon man, hindi nagpatinag si Finn at nilabanan niya ito gamit ang kaniyang aura.

“Subukan mo. Gusto kong makita kung magagawa ninyo akong patayin sa kinatatayuan ko,” matapang na pahayag ni Sullivan na para bang naghahamon siya.

Humanda sina Fenris para sa utos ni Finn. Naghihintay lang sila ng instruksyon nito at handang-handa na silang kumilos para patunayan ang kanilang katapatan dito.

Ganoon man, ngumiti lang si Finn. Hindi siya nagbaba ng utos kay Auberon o kina Fenris. Nanatali lang siyang kalmado at makaraan ang ilang sandali, marahan siyang nagwika, “Alam ko kung ano ang pakay mo... ang aking manikang si Reden, tama ba?”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon