Chapter VIII

4.3K 884 47
                                    

Chapter VIII: The Rewards and the Gifts (Part 2)

Hindi natinag si Keanu kahit na napansin niya na para bang hindi man lang interesado si Eon sa kanilang inihandang espesyal na gantimpala para dito. Pinanatili niya ang tila ba nanabik niyang ekspresyon dahil naniniwala siya na kapag ipinakita niya kung ano ang bagay na kaniyang tinutukoy, siguradong hindi lang si Eon ang magiging interesado kung hindi ganoon na rin si Finn at ang iba pang pangunahing miyembro ng New Order.

Kumpyansa siya sa bagay na ito dahil ang balak nilang ibigay na gantimpala kay Eon ay isang bagay na hindi nito matatanggihan dahil may malaki siyang kaugnayan dito.

Hindi niya na pinaghintay sina Finn. Ipinitik niya ang kaniyang mga daliri at isang animo'y telang nakarolyo ang lumitaw sa kaniyang kamay.

Pinagmasdan nina Finn ang tela sa kamay ni Keanu. Napakunot ang kanilang noo dahil wala silang napansin o naramdamang kakaiba rito. Katamtaman ang laki nito at tila ba ito ay basahan dahil napakadumi rin nito kung ito ay ilalarawan.

Tungkol kay Eon, napakunot din ang kaniyang noo, subalit iba ang kaniyang dahilan kung bakit ganito ang kaniyang naging reaksyon.

Noong lumitaw ang bagay na iyon sa kamay ni Keanu, sa unang mga segundo ay wala siyang naramdamang kahit ano kaya balak niya na sanang balewalain kung anomang kayamanan ito. Ganoon man, matapos ang mga unang segundo, mayroon siyang naramdamang pamilyar na pakiramdam mula sa tela. Naging dahilan iyon para mapatulala siya. Pinakiramdaman niya ang tela at habang pinakikiramdamang mabuti iyon, nakararamdam siya ng hindi pagkakomportable.

At ang dahilan kung bakit hindi siya komportable sa telang hawak ni Keanu ay dahil nakararamdam siya ng mahina, subalit nakakikilabot na Dragon's Might doon.

Dahil dito, hindi niya napigilan ang kaniyang sarili. Matalim niyang tiningnan ang telang nakarolyo sa kamay ni Keanu at mariing nagtanong, “Ano ang bagay na iyan?”

“Hindi ba't sinabi ko nang magiging interesado ka sa bagay na ito, hindi ba?” Makahulugang sambit ni Keanu.

Napasimangot si Eon at gusto niya sanang magsalita, subalit naramdaman niya ang pagsulyap ni Finn sa kaniya kaya sa halip na marahas na tugunan ang sinabi ni Keanu, suminghal na lang siya.

Umismid si Keanu. Hindi niya intensyon na inisin si Eon, sinusubukan niya lang ito para magamay niya kung hanggang saan ang pasensya nito.

Una pa lang ay napansin na nila na sa buong New Order, ito ang may pinakamarahas na pag-uugali. Mapagmalaki rin ito--higit na mas mapagmalaki kaysa kay Auberon na madalas tahimik at walang pakialam sa mga simpleng bagay.

Dahil sa hindi pagkawala ng matalim na tingin at naiinis na ekspresyon ni Eon, sumeryoso na si Keanu. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa telang nasa kamay niya at taimtim na sinabing, “Bukod sa pagtataglay nito ng Dragon's Might na tanging kayong mga dragon lang ang nakararamdam, wala na kaming masasabi na sigurado at makatotohanan dahil maging kami ay hindi alam kung ano ang hiwaga na itinatago ng bagay na ito.”

“At dahil walang kasiguraduhan kung kayamanan nga ito o hindi, hahayaan ka naming mamili kung tatanggapin mo ito o papalitan ng ibang kayamanan,” aniya pa.

“Tanggapin mo ang gantimpala nila, Eon,” seryosong sambit ni Finn habang nakatingin sa nakarolyong tela sa kamay ni Keanu. “Nararamdaman kong may matutuklasan kang makatutulong sa iyo sa pamamagitan ng bagay na iyon,” dagdag niya at binalingan niya ng tingin si Eon.

Dahil sa sinabi ni Finn, bahagya siyang tumango. Kumalma na rin siya at inilahad niya ang kaniyang kamay bago sinabing, “Tatanggapin ko ang bagay na iyan.”

Umismid si Keanu at marahang nagwika, “Magaling na pagpili. Sana lang ay talagang may matuklasan kayo sa bagay na ito. Gusto sana naming malaman kung ano ang hiwaga na bumabalot dito, pero wala kaming kakayahan at paraan dahil mukhang tanging mga lahi lang ng dragon ang may kakayahan na makatuklas sa sikreto nito.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon