Chapter LXI

4.4K 894 57
                                    

Chapter LXI: What a Great Coincidence

Ngumiti si Voraan at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Kahit kami ay hindi makapaniwala nang maramdaman namin ang pamilyar na pakiramdam noong makita namin si Meiyin. Gano'n man, walang makakapagsabi kung ano ang sunod na mangyayari. Napakahiwaga ng tadhana dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na akala natin ay hindi mangyayari, subalit gano'n kumilos ang tadhana. Mapagbiro din ito at animo'y naglalaro.”

Sumasang-ayon si Finn sa mga sinabi ni Voraan dahil siya mismo, naranasan niya ang kahiwagaan ng tadhana. Minsan na rin siyang napaglaruan ng tadhana at dahil sa mga pangyayaring iyon kaya naririto siya ngayon sa kinaroroonan niya.

Ganoon man, hindi ito ang sagot na gusto niyang marinig.

Hindi direktang sinagot ni Voraan ang kaniyang tanong na paano siya naging ninuno ni Meiyin. Ito ang gusto niyang malaman dahil kung ang kasalukuyang impormasyon na mayroon siya ang pagbabatayan, sa tingin niya ay napakalabo na magkaroon ng ugnayan si Meiyin kay Voraan lalo na't magkaiba sila ng mundong pinagmulan.

Si Meiyin ay mula sa Planetang Accra habang si Voraan ay sa Land of Origins--sa mundong nakahiwalay sa mundo ng mga adventurer.

Sa kabila nito, kahit na napakalabo, hindi iniisip ni Finn na imposible na magkaroon ng ugnayan sina Meiyin at Voraan, sa makatuwid--ang Azure Wood Family at ang mga ankur.

Ang kakaibang ritwal na isinasagawa ng Azure Wood Family para makapagpatubo ng Azure Wood Tree ay halos parehong-pareho sa ritwal na ginawa ni Voraan para matulungan si Meiyin na mapalaki ang Fruit of Life. Subalit, hindi sapat ang tungkol sa bagay na ito dahil maaaring may iba pang rason kung bakit may pagkakahalintulad ang kanilang mga ritwal.

Ito ang isa sa mga rason kung bakit hindi agad makapaniwala si Finn sa mga sinasabi ni Voraan. Gusto niya pang mas maliwanagan, pero ayaw niyang lumampas siya dahil natatakot siya na baka isipin ni Voraan na wala siyang respeto o masyado siyang naghahalungkat ng mga sensitibong bagay. Kailangan niya munang makiramdam at sumubok, at kung iniiwasan talaga nito ang paksang iyon, hindi na siya magpupumilit pa.

Bahagya siyang ngumiti. Mahina siyang umubo at marahan siyang nagwika, “Naguguluhan pa rin ako kung paanong nangyari na ninuno ka ng nakababata kong kapatid. Posible ba na malaman ko kung paanong nangyari iyon, Pinunong Voraan..?”

“Pero kung hindi mo iyon nais ipabatid sa kagaya kong tagalabas, maiintindihan ko. Talaga lang umiiral ang kuryusidad ko lalo na't tungkol ito sa pagkatao ni Meiyin--sa pagkakakilanlan ng kinikilala kong angkan--ang Azure Wood Family,” agad niyang dagdag.

Noong una, akala niya ay kilala niya na ang kaniyang mga nakakasama hanggang sa isang palaisipan ang naisip niya matapos niyang malaman ang tungkol sa likas na kapangyarihan na taglay nina Altair at Yuros.

Sina Altair at Yuros ay may likas na kapangyarihan. May kakayahan sila na lubusang gumaling mula sa bingit ng kamatayan, at nasaksihan ni Finn ang kakayahan na iyon noong kinalaban ni Yuros si Eisha sa Holy Land of Erekia.

Akala nila noon ay mamamatay na si Yuros, subalit isang himala ang nangyari at nalaman niya na ang animo'y muling pagkabuhay ni Yuros ay likas nitong kapangyarihan.

At dahil direktang may kaugnayan sina Yuros at Altair sa Azure Wood Family, hindi niya mapigilan na maisip na baka hindi lang talaga pangkaraniwang tao ang mga direktang miyembro ng Azure Wood Family--malaki ang posibilidad na espesyal sila dahil sa kanilang natatanging kakayahan.

Ilang sandaling naghintay si Finn sa tugon ni Voraan. Nanatiling tikom ang bibig nito at dahil sa seryosong ekspresyon nito, hindi na siya umasa pa na masasagot ang kaniyang mga tanong.

Pero, hindi nasayang ang kaniyang pagtatangka dahil makaraan pa ang ilang sandali, muli nang nagsalita si Voraan at halata sa una nitong pahayag na handa siyang magsalita patungkol sa ugnayan niya kay Meiyin.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon