Chapter XI

4.6K 945 67
                                    

Chapter XI: Mysterious Old Man

Wala sa katinuang paulit-ulit na bumulong ang matandang lalaki habang ang kaniyang mga kamay ay nakahawak sa magkabilang balikat ni Finn. Hindi mapakali ang kaniyang mga mata, lingon siya nang lingon sa lupa at sa paligid niya na para bang aligaga siya. Bukod pa roon, halatang-halata ang panginginig ng kaniyang mga braso at sa kaniyang ekspresyon, tila ba natatakot siya.

At habang tumatagal ay lumalakas ang mahina niyang pagbulong. Humihigpit din ang pagkakahawak niya sa balikat ni Finn, at kapansin-pansin na iniinda niya ito dahil animo'y dinudurog nito ang kaniyang mga buto sa balikat.

“Dumating na siya!! Ililigtas niya tayo sa pagkawasak!! Dumating na ang nasa propesiya upang iligtas tayo mula sa pagkawasak!!!”

Kahit na nasasaktan siya sa ginagawa ng gusgusing matandang lalaki, hindi siya nagpumiglas dahil maya't maya siyang iniilingan ni Keanu.

Tila ba natatakot din si Keanu, pero hindi lang ito ang natatakot dahil lahat ng warwolf na naroroon ay halatang nangangamba at hindi mapakali. At nagsimula itong mangyari nang lumitaw ang gusgusing matanda rito.

Makaraan ang ilang sandali, bigla na lamang dumeretso ng tingin ang matanda kay Finn. Nagtama ang kanilang mga mata kaya nagkatitigan silang dalawa, at matapos ang pangyayaring ito, bigla na lamang nagbago ang reaksyon ng matanda. Huminto ito sa pagbulong at mas lalo pang tumindi ang ipinapakita nitong takot. Halos manginig na ang mga mata at labi nito, at hindi kalaunan ay kusa na siyang bumitaw kay Finn.

PLOP!

Biglang napaupo sa lupa ang matanda. Pumadyak-padyak pa siya at garalgal na boses siyang takot na takot na nagwika, “P-Patawad, P-Panginoon! P-Patawad, Panginoon!!”

Humawak siya sa kaniyang ulo at muli, walang tigil siyang nagsisigaw. Ganoon man, sa pagkakataong ito ay iba na ang kaniyang isinisigaw at habang siya ay nagsisisigaw ay mababakas sa ekspresyon niya sa mukha ang matinding takot.

Nagmamadaling tumayo ang matanda makaraan ang ilang sandali niyang paghingi ng tawad sa kawalan. Halos magkanda-dapa-dapa siya noong siya ay tumayo. Walang pasubali rin itong tumakbo palayo habang patuloy pa rin ito sa pagsigaw at paghingi ng tawad.

Lahat ay gulat na gulat sa pangyayaring ito. Hindi nila lubos na maunawaan kung ano ang nangyari. Bawat isa ay nagulat sa biglang paglitaw ng matandang gusgusin, pero mas nagulat sila sa biglang pag-alis nito.

Samantala, matapos makabawi ay agad na lumapit sina Auberon, Eon, Poll, Meiyin, at ang iba pang matataas na opisyales ng New Order kay Finn. Kaagad nila itong kinumusta dahil nasaksihan nila ang nangyari at nakita nila ang napakahigpit na pagkakahawak ng matanda sa magkabilang balikat nito.

“Ayos ka lang ba, Guro? Sino ang matandang iyon..? At bakit parang...” Hindi maituloy ni Poll ang kaniyang sasabihin.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Poll habang sinusuri niya ang kaniyang guro. Alam niya na hindi pa ito lubusang nakababawi mula sa naging laban nito kay Zelruer, subalit nabalian muli ito ng mga buto dahil sa matandang gusgusin.

Handa na rin sana siyang sumugod upang protektahan ang kaniyang guro. Nailabas niya na ang mga Multi-explosive Poisonous Pill, subalit dahil sa mahigpit na babala ni Keanu, hindi rin siya nakatuloy kagaya nina Auberon at Eon. Ang nagawa niya na lang ay ang manood dahil nakita niya rin ang pagsenyas ng kaniyang guro.

“Ayos lang ako. Hindi n'yo ako kailangang alalahanin dahil hindi naman malala ang pagkakabali sa aking mga buto,” kalmadong sabi ni Finn.

Maingat niyang iginalaw ang kaniyang mga braso at pinalagutok niya ang mga buto niyang nabali dahil sa mahigpit na pagkakapisil ng matanda sa kaniyang balikat. Nang naigagalaw niya na ang kaniyang mga braso, halinhinan niyang hinimas-himas ang kaniyang magkabilang balikat.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon