Chapter LXXVI: Troubled
Nang mawala sa paningin nila si Finn, doon lang natauhan sina Eaton, Kaimbe, at iba pang water celestial. Ang mapapansin sa ekspresyon ng karamihan sa kanila ay ang pagkataranta; pagkataranta dahil hindi nila alam kung ano ang kanilang gagawin matapos nilang matuklasan kung ano ang totoong pagkatao ni Finn.
Mababakasan ng pagtatanong ang mga water celestial sa kanilang mga mata. Tungkol kay Eaton, siya ang pinaka kalmado sa lahat habang nakatanaw siya sa direksyon kung saan nawala ang pigura ni Finn. Nakatulala siya sa kawalan at kahit na kalmado ang panlabas niyang hitsura, kasalukuyan siyang maraming iniisip at marami ang bumabagabag sa kaniya.
“Pinuno, talaga bang hahayaan na lang natin siyang umalis nang gano'n na lamang?! Siya ang Water Celestial King! Bakit hindi natin siya pinanatili para maging bahagi ng ating tribo? Sa atin siya nababagay dahil nakatala sa kasaysayan ng ating tribo na tayong mga water celestial ay dapat pinamumunuan ng Water Celestial King,” bulalas ng isa sa mga water celestial.
Binalingan ng tingin ni Eaton ang nagsalita. Seryoso lang ang kaniyang ekspresyon at malumanay siyang tumugon, “Hindi niya tayo gustong pamunuan sa mundong ito. Dalawang beses niyang tinanggihan ang alok natin at malinaw sa akin na ayaw niyang manatili sa mundong ito nang pang habang-buhay.”
“Mayroon siyang sariling layunin; at wala iyon sa mundo natin kaya kahit ano pang pagpupumilit natin, hindi natin siya mapapanatili sa ating tribo,” dagdag niya.
“P-Pero--”
“Wala nang pero-pero. Kuhanin n'yo na ngayon din mismo si Kaimbe. Kailangan niyang matuto ng leksyon dahil sa kaniyang ginawa. Wala rin munang aalis sa tribong ito hangga't wala ang aking permiso. Walang sinoman ang magpapakalat ng mga nangyari dito at ikokonsidera natin na ang pagdating ni Finn Silva rito ay isang guni-guni lang,” sambit ni Eaton habang seryoso niyang binibigyan ng tingin ang kaniyang mga ka-tribo.
Gusto pa sanang tumutol ng ilan sa mga water celestial dahil hindi sila sang-ayon sa desisyon ng kanilang pinuno. Gusto nilang ipagpilitan ang tungkol kay Finn, subalit bago pa man sila makapagsalita, naglaho na na parang bula si Eaton.
Pumasok na ito sa loob at halata namang ayaw nitong makarinig ng mga pag-angal mula sa kanila. Disidido na ito sa kaniyang desisyon at wala silang magawa kung hindi sumunod na lang muna sa kung ano ang utos nito.
Sa kabilang banda...
Sa kasalukuyan, gamit ni Finn ang hangganan ng kaniyang bilis sa paglipad sa himpapawid. Ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para makalayo siya sa Celestial Continent partikular na sa tribo ng mga water celestial.
Kahit na buo ang tiwala niya sa ginintuang maskara na suot niya, gusto niya pa rin na masigurado na hindi siya masusundan ng kahit na sino bago siya tuluyang bumalik sa kanilang teritoryo. Marahil mayroon siyang teleportation stone para agad siyang makabalik sa santuwaryo, subalit hindi niya masasabi kung may bigla na lang aatake sa kaniya kaya labis ang ginagawa niyang pag-iingat.
Samantala, habang patuloy siya sa paglipad, bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding pananakit ng katawan. Bigla siyang nanghina. Namilipit siya sa sakit at hindi niya napigilan ang pagbulusok ng kaniyang katawan sa karagatan.
Ito na ang kanina niya pa tinitiis na sakit mula sa laban nila ni Kaimbe. Lahat ng mga pinsalang tinamo niya ay nagsisimula ng magparamdam ngayon. Inaasahan niya na mangyayari ito, subalit hindi niya inasahan na aakto agad ang sakit na ito bago pa siya makabalik sa santuwaryo.
Nanatiling may malay si Finn, pero wala siyang lakas para magpatuloy sa paglipad palayo sa Celestial Continent. Bumagsak siya sa karagatan at lumubog ang katawan niya sa ilalim. Tuluyan na ring nawala ang bisa ng Four Guardians Killing Formation at muling nabuo ang disko sa kaniyang kamay. Bago niya pa ito mabitawan, itinago niya ito sa kaniyang imbakan at agad niyang inilabas ang teleportation stone. Hinang-hina na siya, subalit ginamit niya ang natitira niyang lakas para durugin ang teleportation stone para makabalik na siya sa santuwaryo.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasíaArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...