Chapter XXXIX: Destroying the Formation (Part 3)
Matapos pakalmahin ang sarili, pinunasan ni Finn ang dugo sa kaniyang pisngi. Itinago niya na ang kaniyang sandata at umayos siya ng tayo. Kaagad niyang inilibot ang kaniyang paningin para tingnan ang kaniyang mga kasama. Sinuri niya rin kung gaano kalala ang naging pinsala ng mga halimaw sa kanilang panig, at nakahinga siya ng maluwag nang makita niya na hindi sila nalagasan ng kasamahan.
Ganoon man, may mga napuruhan sa kanila. Marahil hindi malalakas ang kanilang mga kalaban dahil para lang itong mga manika na kontrolado ng death energy, ganoon man, napakarami pa rin ng mga ito at hindi pa ganoon kadaling paslangin ang mga ito dahil kailangan munang mawasak ng tuluyan ang beast core para hindi na makontrol ang mga ito ng death energy.
Sandali pang pinag-aralan ni Finn ang kasalukuyang kondisyon ng kaniyang mga kasama. Napansin niyang wala ni isang napuruhan sa ikasiyam na dibisyon kaya agad niyang inatasan ang mga ito na kolektahin ang lahat ng kayamanang mapakikinabangan.
Agad na kumilos ang mga miyembro ng ikasiyam na dibisyon. Sinimulan nila ang pangongolekta sa mga nagkalat na kalansay ng halimaw. Maingat na pinitas na rin nila ang mga dark chrysanthemum at inilagay ang lahat ng ito sa interspatial ring ni Creed.
Nang makitang kumikilos na ang ikasiyam na dibisyon, bumaling si Finn sa pangkat ng ikalabindalawang dibisyon at sinabing, "Kapitan Morris, simulan n'yo na ang pagpapagaling sa mga napinsala. Unahin ninyo ang pinaka nangangailangan ng tulong at hayaan n'yo na lang ang may maliit na pinsala na gamutin ang kanilang sarili."
"Masusunod, Pinunong Finn!" Masiglang tugon ni Morris at nagsimula na rin siyang magbigay ng instruksyon sa mga alchemist.
Nakahinga nang maluwag si Finn matapos niyang maibigyan ng direksyon ang kaniyang mga kasamahan. Inuna niya ang mga dapat iprayoridad katulad ng paggamot sa mga nasugatan at pagkolekta sa mga kayamanan. Ngayon, sunod niyang naisip ang tungkol sa isang bagay na kanina niya pa sana balak bago pa magsimula ang sagupaan sa pagitan ng pangkat nila at ng pangkat ng mga kalansay na halimaw.
Lumapit siya sa kinaroroonan ng ikalawang dibisyon. Hinarap niya si Belian at sinabing, "Mawawala na ang mga dark chrysanthemum sa lugar na ito at sa pagkawala ng mga bulaklak, siguradong maglalaho na rin ang death energy rito. Makapal ang death energy rito dahil sa mga dark chrysanthemum at napakaraming halimaw na namatay. Sayang naman kung hindi natin iyon pakikinabangan kaya utusan mo ang iyong mga kasamahan na ipaabsorb sa kanilang mga soul puppet ang death energy rito."
"Isali mo na rin ang iyong mga soul puppet para habang nangongolekta ng mga kayamanan ang ikasiyam na dibisyon at ginagamot ng ikalabindalawang dibisyon ang mga nasugatan, inaabsorb naman ng inyong mga manika ang death energy rito," dagdag niya.
Habang pinakikinggan niya ang mga sinasabi ni Finn, bumabakas din sa kaniyang mukha ang matinding galak at kasiyahan. Nananabik siya at kahit na sugatan siya, hindi niya napigilan na yumukod at magwika, "Maraming salamat, Panginoong Finn! Hindi namin kalilimutan ang oportunidad na dulot mo sa amin!"
Marahil iisipin ng iba na sobra ang kaniyang reaksyon, ganoon man, wala siyang pakialam dahil sobra talaga ang pasasalamat niya sa kanilang panginoon dahil ang regalo nito sa kanila ay hindi lang simple.
Sobrang kapal ng death energy sa lugar na ito, at kung ipapaabsorb nila sa kanilang mga soul puppet ang death energy rito, siguradong magbebenepisyo sila at tataas ng sobra ang lakas ng kanilang mga soul puppet. Hindi man magiging kasing lakas nina Reden, sigurado sila na maaabot din ng kanilang mga manika ang ranggong Heavenly Supreme Rank.
At kapag nangyari iyon, uunlad pa sila bilang mga soul puppet master.
Binigyan ni Finn ng ngiti si Belian at nagtungo na siya sa kinaroroonan nina Auberon. Nasa maayos na kalagayan ang mga ito kaya hindi niya inaalala ang mga ito. Walang napuruhan kina Auberon at Ceerae dahil kahit nalilimitahan ang kanilang kapangyarihan sa 9th Level Heavenly Supreme Rank, malalakas at mahuhusay pa rin sila sa pakikipaglaban kaya walang panama sa kanila ang mga manikang kalansay na halimaw.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...