Chapter C

6.3K 783 78
                                    

Chapter C: Trouble is Coming

Matapos makabalik ni Finn sa kastilyo, halos lahat ng mandirigma ng New Order ay naging abala sa pagpapaunlad sa kanilang sarili. Ito ay matapos niyang magpabatid ng mensahe sa mga miyembro na wala munang sinoman ang magsasagawa ng misyon sa labas ng santuwaryo upang mas maituon nila ang kanilang konsentrasyon sa pagsasanay at pagpapataas ng antas at ranggo. At upang masuportahan ang pagsasanay ng mga kapitan, bise kapitan, at miyembro ng New Order, nagbaba siya ng utos kung saan inaatasan niya ang ikasiyam na dibisyon na mamahagi ng mga kayamanan na makatutulong sa pagpapataas ng antas at ranggo.

Ang mga kayamanang ito ay hindi ibabawas sa kontribusyon ng mga miyembro, bagkus, ito ay libre at lahat ng mga kabilang sa pangunahing puwersa ay makatatanggap nito.

Nagbaba rin ng utos si Finn na oras na para kolektahin ang death energy ng mga kalaban na napatay nila sa digmaan. Ipinaalala niyang ipamahagi ng pantay-pantay ang mga makokolektang death energy sa bawat miyembro ng ikalawang dibisyon dahil kailangan ito ng mga soul puppet master para palakasin ang kanilang mga soul puppet.

Malaki ang magiging epekto ng utos niyang ito sa New Order. Mayroon itong positibo at negatibong epekto sa kanila. Dahil maraming miyembro ang mangangailangan ng sapat na kayamanan para magpataas ng antas at ranggo, unti-unting mauubos ang kanilang mga pinaghirapan. Makokonsumo ang mga kayamanang kinolekta nila sa kanilang pakikipagsapalaran, subalit may positibo rin itong epekto dahil lalakas ang mga mandirigma ng New Order at mas magsusumikap pa sila na tanawin ang utang na loob nila kay Finn.

Para kay Finn, ang mga kayamanan ay sadyang nakalaan para sa ganitong pangyayari. Ang rason kaya sila nagpapakahirap mangolekta ng mga kayamanan ay para mas mapaunlad pa ang kanilang puwersa.

Kung mangongolekta lang sila nang mangongolekta ng mga kayamanan subalit hindi nila ito gagamitin, bakit pa sila naghihirap? Iiimbak na lang ba nila nang iiimbak ang mga kayamanan? Hindi ba nila ito gagamitin para masabing napakayaman ng kanilang puwersa?

Hindi makabuluhan kung ganito ang kanilang gagawin. Nagpapakahirap silang lahat na mangolekta at lumikha ng kayamanan para paghandaan ang kanilang pakikidigma sa mga kalaban. Ang kanilang hangarin ay maging pinakamalakas na puwersa sa buong sanlibutan, at mangyayari lang iyon sa pamamagitan ng mga kayamanang kanilang pinaghirapang kolektahin at likhain.

Hindi sapat na siya lang ang lalakas. Kailangan niya rin ng malalakas na kakampi dahil ang labanan na sa pagkakataong ito ay sa pagitan ng mga puwersa. Kailangan niyang palakasin ang New Order at hindi mangyayari iyon kung ipagdadamot niya ang mga kayamanang nakatambak lamang sa kanilang imbakan.

Samantala, dahil ang halos lahat ng miyembro ng espesyal na dibisyon ay hindi na tinatablan ng mga kayamanan para tumaas ang kanilang antas at ranggo, ang naisip na lang ni Finn ay armasan ang mga ito. Ipinag-utos niya ang pagbibigay ng mga artepakto, sandata, baluti, kalasag, at kung anu-ano pang mga kagamitan sa pakikidigma sa mga miyembro ng espesyal na dibisyon.

Hindi pa sila makapagbibigay ngayon ng mga Unique Armament dahil para lang ang mga ito sa mga karapat-dapat at nagsusumikap na miyembro, subalit mayroon namang matataas na kalidad ng sandata ang New Order na maaaring ibahagi sa mga miyembro ng espesyal na dibisyon. Nariyan din ang Mirror of Power na maaari nilang mapakinabangan sa digmaan kaya kahit papaano, mayroon pa ring napuntang kapaki-pakinabang sa espesyal na dibisyon.

Bago pa lang sila, subalit dahil sa lakas ng kanilang puwersa, kailangan sila ng New Order at kailangan silang pagtuunan ng pansin at mas paunlarin.

Pagkatapos maibigay ang lahat ng kaniyang habilin, nagsimula na siya ng sarili niyang pagsasanay. Sabik na sabik na siyang maging malakas kaya hindi na siya nagsayang ng panahon at dumeretso na siya sa pribadong silid sa ilalim ng kastilyo.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon